PALATANDAAN
     Nanginginig ang katawan, mabilis ang tibok ng puso, at masiglang masigla. Ilan lamang yan sa naramdaman ko nang malamang maglalakbay kami patungo sa bansang Singapore kasama ang aking pamilya. Ang paglalakbay kasi, maliban sa pagkain, ang siyang nagsisilbing gasolina upang paandarin ang aking katawan ng may sabik at kasiyahan. Kaya't kakaibang galak na lamang ang aking naipakita sa paghihintay sa araw ng aming pag-alis.
      Paglapag pa lamang ng eroplano sa paliparan, iisang bagay na agad ang dumapo sa isipan ng bawat isa sa amin. Iyon ay ang maghanap ng lugar na maaari naming kainan. Ilang mga minuto lamang ng paglalakad, sinalubong kami ng iba't-ibang uri ng kainan na sadyang nagpahirap sa amin na pumili. Mayroong mga japanese, korean, at chinese food na kanya-kanyang nagpakulay ng lugar. Hindi ko malilimutan ang itsura ng mga kainan habang naghihintay ako ng aking pagkain. Pinuno ng maingay na usapan ng mga tao ang lugar at naglalaban ang mga amoy ng pagkain na para bang nag aagawan sa mga bisitang naroon. Ilang minuto lamang ay inilapag na ang isang malaking mangkok sa aking harapan. Napagtanto ko na ito ay Ramen, dahil alam ko ang itsura nito sa aking mga napapanood sa telebisyon. Humalimuyak ang Ramen na sadyang nagpasabik sa akin na kumain. May tamang alat ang mabigat na sabaw at tamang tama para sa akin ang lambot ng udon noodles. Nakatulong din ang itlog sa paglaban sa alat ng sabaw kaya't lubos kong na-enjoy ang Ramen. Ihinuli ko ang mga hiniwang baboy na siyang nagbigay sa akin ng kakaibang pakiramdam ng pagkabusog. Sobra akong nasarapan sa Ramen na iyon bagamat unang beses ko pa lamang iyon natikman.
       Naisip ko na kung sino man ang nakapag-isip ng konsepto ng ramen ay tunay na kahanga-hanga. Nakapag-imbento siya ng pagkain kung saan ang mga sangkap ay tunay na kumikilos ng sabay sabay upang bumuo ng isang putahe na napakasarap. Ano kaya ang inspirasyon nila? Naitanong ko iyan sa aking sarili dahil nais kong malaman kung paano sila nakagawa ng pagkain na nakapagpabuhay at nakapagpasigla ng aking katawan at kaluluwa.
       Masigla kaming nakapaggala dahil sa enerhiyang ibinigay sa amin ng pagkain. Ilang araw kaming naglibot at sumubok ng mga pagkaing hindi pangkaraniwan para sa amin. Para sa mga iilang araw na iyon, itinigil muna namin ang pag-iisip sa pritong manok, burger, at fries. Sinubukan namin ang iba't-ibang putahe na nakasaad sa bawat menu ng mga Chinese restaurant na sadyang nakapagpasaya sa amin. Ngunit sa lahat ng pagkaing aming kinainan, isa lamang talaga ang tumatak sa aking puso't isipan. Ang pagkain na ito ay hindi ganoon kahirap na ihanda ngunit iba parin talaga kapag doon ka kumain nito. Naglalakad kami at sana ay pauwi na nang nakakita kami ng matandang lalaki na iwinawagayway ang kanyang kalembang. Iginigiya niya kami patungo sa kanyang mumunting tindahan at nagpatianod kami dahil nalaman namin na ice cream pala ang ibinebenta niya. Ngunit hindi ito ang pangkaraniwang ice cream na mabibili mo sa 7-eleven o sa kung saan man, dahil ang ice cream na ito ay nakabalot sa tinapay na napakasarap. Sulit na sulit ang sampong dolyar dahil bawat kagat sa ice cream ay nakatulong sa pagtanggal ng aming pagod. Hindi nangilo ang aking ngipin sa pagkagat sa ice cream dahil nakapaloob ito sa tinapay. Ang ice cream sandwich na ito, para sa akin, ay ang pagkain kung saan naaalala ko ang bansang Singapore.
      Kung tutuusin, hindi naman talaga ganoon ka-espesyal ang sandwich ice cream ito. Madali itong gawin at mahahagilap mo kung saan ang mga sangkap para bumuo ng delikasiyang ganito. Ngunit kakaiba ang kombinasyon ng isang bagong konsepto ng pagkain at isang lokasyon kung saan ay hindi pa ako pamilyar. Dahil hindi ko pa nakita kailanman ang ice cream sandwich sa telebisyon, social media, at sa personal, ito ang naiwan sa aking isipan na palatandaan kung bakit ko natutunang mahalin ang bansang Singapore. Dahil hindi lamang ito ice cream na ibinalot sa dalawang piraso ng tinapay. Ito ay ice cream na ininalot sa dalawang piraso ng tinapay sa Singapore.
      Kasabay ng kasiyahan ko sa bawat kagat ay ang kalungkutan nang maalala na malapit nang matapos ang aming sandaling paglalagi sa Singapore. Inalala ko ang mga pangyayari sa bansa at napagtanto na hindi lamang pala ang mga tanawin at galaan ang nagpakulay ng aming biyahe, malaking kontribusyon sa aming kasiyahan ang iba't-ibang pagkain na aming natikman. Naging tatak din ito sa aming paglalakbay dahil lahat kami ay may sinubukang bago mula simula hanggang dulo. Sa aking palagay, malaki ang magiging epekto nito sa aking pananaw hanggang sa dulo ng aking buhay.
— Ivan de Lara // 16














