Nang Makilala ko ang Pag-Ibig
Nang makilala ko ang pag-ibig, natutong lumipad ang mga higad sa aking kalamnan. Nagising ang mga alitaptap, at sa gabi’y isa-isa silang nagsisayawan. Nang makilala ko ang pag-ibig, dumating siya sa panahong hindi ko inaasahan; Biglang lumiwanag ang gabi, para bang inunahan na nito ang pagsikat ng araw kinabukasan. Naging mabuti yata ang kapalaran sa aming dalawa, o sadya lang itong naging mapaglaro? Sino ba naman kasing mag-aakala, Na makagagawa ng isang magandang musika ang dalawang basag na puso? Nang makilala ko ang pag-ibig, Iba pala ito sa inakala ko noon. Ang tibok ng iyong puso’y hindi lamang nito pabibilisin, Maging ang oras, ang paligid, ang mundo, magagawa nito na pabagalin. Dahil ang pag-ibig ay kalmado -- at makikita mo na lang ang sarili mo na nakangiti, punong-puno ng galak sa harap nito, Bitbit ang kasiyahang nananahan sa iyong mga pisngi. Nang makilala ko ang pag-ibig Napagtanto kong hindi ka nito pipiliting magbago. Bagkus ay hahayaan mo ito na baguhin ka, at maging mas mabuting bersyon ng sarili mo. Ulanin ka man ng pagdududa, Mapuno man ang iyong mga mata ng lungkot, Mananatiling kalmado ang pag-ibig, Hindi nito hahayaang manaig sa'yo ang takot. At bibigkasin mo ang mga salita Na para bang binanggit mo sila sa kauna-unahang pagkakataon, "Nakilala ko na ang pag-ibig, at magkasama na kami ngayon." At kung sakali mang isa sa atin ang lumayo, mahal, huwag kang mag-alala, dahil sa susunod nating pagtatagpo, tibok ng ating mga puso'y mananatiling iisa. Mananatiling kalmado ang pag-ibig, Hindi na tayo muli pang mangangamba; At tulad ng unang beses tayong nagkakilala, Magsasama ang tayo at bubuo ng masasayang ala-ala. Minsan may nakapagsabi sa akin, at ngayon ay naniniwala na ako nang tuluyan: "Ang pag-ibig ay di nasusukat sa tagal ng pinagsamahan, kung hindi sa bawat alaalang pinagsaluhan."
---------------------------- mggy x vj • 1/23/17







