Nung isang araw, nabanggit ng kapatid ko na may malaking chance na payagan siya ng company niya na lumipat dito sa Abu Dhabi. Approval na lang daw ng HR ang hinihintay.
Doon ko biglang na-realize na siguro kaya ko patuloy na pinipilit na mag-work out ang buhay ko dito sa UAE—kung bakit kinakaya ko, kung bakit sinusubukan kong buuin ulit ang sarili ko—ay dahil gusto kong makitang lumalaki ang mga pamangkin ko. Kaya ko gustong makuha dito si Chester at pati na rin ang dalawa naming aso, kasi deep inside, alam kong dito ko gustong mag-stay. Hindi lang para sa sarili ko, kundi para sa mga batang mahal na mahal ko.
Sobrang na-excite ako sa thought na hindi na lang once a month ko sila makikita. Na hindi na lang sa video call ang paraan kapag nami-miss ko sila. Kasi alam ko sa sarili ko—kapag umuwi ako ng Pinas, mas marami akong mamimiss na moments. Di naman kasi sila papayagan ng kapatid ko na umuwi. Dito nga na dalawang oras lang ang layo namin sa isa’t isa, masakit na kapag matagal kaming hindi nagkikita. Paano pa kaya kung once a year, or every other year na lang? Ayokong maging long-distance tita. Gusto kong present ako sa mga milestones nila habang lumalaki sila. Kaya sobrang saya ng puso ko sa idea na tuluyan na silang lumipat dito.
Naalala ko nung magkakasama kami sa bahay sa Sharjah—may mini best friend ako. Never ako napag-isa. Kahit simpleng grocery run o errands lang, may kasama ako palagi. Mas madalas si Adam noon kasi baby pa si Aqeel. Ngayon, malalaki na sila. Kahit salitan, pwede ko na silang isama kahit saan ko gusto.
Bata pa lang ako, alam ko na sa sarili ko na gusto kong maging nanay. Ako yung may mga anak-anakan, yung ate o mother figure ng barkada nung high school. Ako rin yung may listahan na ng pangalan ng magiging anak sa notes o diary, bago pa magka-boyfriend o asawa. Mahilig talaga ako sa bata. Kaya nga dati, pangarap ko ding maging pediatrician.
Kaya nung ipinanganak ang mga pamangkin ko, parang nagbago ang mundo ko. Nag-shift ang priorities ko. Sila ang naging sentro ng puso ko. They are the closest I can have to children as of now—maybe even ever. Lagi kong sinasabi na I will give them the world if I could. Hindi man sila galing sa akin, pero minahal ko sila na parang sarili kong anak. Kasabay ako ng nanay nila sa pagpupuyat nung mga baby pa sila.
Hindi ko alam kung magkakaroon pa ako ng sarili kong anak. Isa ‘yan sa mga pinagdadasal ko. Pero with PCOS, being far away from my husband right now, at dahil na rin sa edad ko, alam kong hindi madali. Kaya sinusulit ko talaga ang pagkakataon na may mga pamangkin akong pwedeng lumaking kasama ako—na ramdam nila na andito ako, present, available.
Sana talaga matuloy na sila dito. Hindi na namin kailangang magsama sa isang bahay tulad ng dati. Naniniwala akong mas mapayapa ang lahat kapag may kanya-kanyang space. Pero yung sobrang lapit lang namin sa isa’t isa, yung may option akong makita sila araw-araw kung gusto ko, sobrang laking biyaya na nun. Isang answered prayer.
At sana rin, mag-work out ang lahat para sa akin, na madala ko na rin dito ang asawa ko, para sabay naman naming mabuo ang pamilyang matagal na naming pinapangarap and at the same time, kasama ko lahat ng mahal ko.