by: Rodolfo C. Vera, Pirata
Ang kabuuang tagpuan ng dula ay isang liwasan kung saan maraming mga pulubing bata ang namamalimos. Ang mga pulubing ito na madalas nating nakikitang kumakatok sa mga kotse, naglilinis ng mga sapatos ng pasahero sa jeep, tumutugtog, kumakanta, sumasayaw, ay galing sa malayong isla ng Mindanao. Isasalaysay nila ang kuwento ng dalawang bata: si Ismail (10, Muslim) at Isabel (8, Kristyano) na noo’y naninirahan sa tahimik na Bayan ng Dalingawen, isang maliit na baryo malapit sa Pikit, Cotabato. Sa pamamagitan ng pagkuwento ng mga alamat at kuwentong bayan, isasalaysay ng mga PULUBING BATA, at sa katauhan nina Ismail at Isabel, ang pakikipagsapalaran nila sa digmaan at kahirapan.
Kakaiba ang kalagayan sa Dalingawen. Ang mga Muslim at Kristyano ay tahimik na naninirahan. Sa katunayan, ang mga magulang nina Ismail at Isabel ay Muslim at Kristyano. Nagbago lamang ang kalagayan sa bayang ito nang pasukin ng mga rebeldeng MILF ang lugar na siya namang sinundan ng mga tumutugis ng sundalo. Sa pangyayaring iyon, nahati ang bayan. Ang mga Muslim na kalalakihan ay inakusahang mga suporter ng MILF kung kaya’t ang ilan sa kanila’y pinarusahan, kinulong, at/o sinalvage. Isa rito ay ang ama ni Ismail. Napilitang lumikas ang taumbayan ng Dalingawen at sa masalimuot na paglikas, nawalay sina Ismail at Isabel. Kinailangan nilang alagaan ang isa’t isa. Sa kanilang mahabang paglalakbay, napadpad sila sa isang Kristyanong syudad sa Mindanao. Dito namalas ni Ismail ang diskriminasyon sa mga Muslim. Nagkahiwalay ang dalawang bata: si Isabel ay namasukang yaya sa isang mayamang pamilyang Intsik. Pinasok naman ni Ismail ang ilegal na negosyo ng pagtitinda ng mga pirated DVD, at sa kalaunan, nahila bilang isa sa mga asset ng isang sindikato ng kidnapping para sa pagsuporta sa kilusan ng mga tinaguriang “terorista.”
Muling nagkita ang magkaibigang Ismail at Isabel nang dukutin ang alaga ni Isabel. Sa eksenang ito, ibabalik ni Isabel sa kamalayan ni Ismail ang dating “hiwaga” ng kanilang bayan sa Dalingawen, kung saan walang poot sa kapwa, tanggap ang pagkakaiba ng ugali’t pananampalataya.
Mula simula hanggang katapusan, ang tapang at lakas ng loob ng mga batang ito ay nakasandig sa mga kuwentong bayan at alamat na kanilang sinasalaysay. Subalit para kay Ismail, tila wala nang epekto ang pagsasalaysay ng mga kuwentong ito. Aniya, pinatay na rin ng realidad ang kapangyarihan ng mga kuwento. Pero hindi maniniwala si Isabel. Sa huling pagkakataon, magkukuwento silang muli. Sandaling mabubuhayan ng loob si Ismail. Tutulungan niyang tumakas ang kaibigan at ang alaga nito. Ibabalik nila ang alaga sa kaniyang pamilya.
Hangad ng dalawang bata na mahanap ang nawalang bayan ng Dalingawen. Sa pinakahuling tagpo, “kakatok” sila, kasama ng ibang mga pulubi, sa pintuan ng mga manonood. Nagtatanong kung may lugar pa bang tulad ng Dalingawen.
ISMAIL AT ISABEL
ni
Pirata
Ang mga tauhan ng dula ay isang grupo ng mga batang pulubi. Dalawa sa kanila ay gaganap sa papel na
ISABEL, 8 hanggang umabot ng 14 anyos
ISMAIL, 10 hanggang umabot ng 16 anyos
Ang mga batang pulubi ay maaaring magpalit-palit ng mga papel an gagampanan. Ang mga papel ay ang sumusunod:
ROGELIO, ama ni Isabel
FATIMA, ina ni Isabel
IBRAHIM, ama ni Ismail
JOCELYN, ina ni Ismail
MGA MILF
MGA SUNDALO
DEBOTO SA SIMBAHAN
RICH DAUGHTER
SAMIR
MGA KIDNAPPER
Sa mga kuwentong bayan na isasalaysay nina Isabel at Ismail, maaari ring gampanan ng mga Bata ang mga sumusunod na papel:
MGA ANAK NG ARAW
BADDON AT MGA KAMPON
MGA PULIS, SULTAN, GOBERNADOR AT MEYOR
PILANDOK AT SULTAN
PRINSESANG ITIM
KASANA
SALIK
MGA HAYOP AT BINATANG LALAKI, MGA HIGANTE
Pero maaari rin namang ito’y mga shadow papet lamang.
Tagpuan: Magaganap ang dula sa isang plaza o parkeng punung-puno ng mga pulubi. Magbabago ang mga tagpuan sa pagbabago lamang ng ilaw.
UNANG TAGPO
Sa simula ng palabas, bukas ang mga ilaw ng buong teatro. Papasok ang malaking bahagi ng ensemble. Kasama rito si Ismail at si Isabel. Nakasuot sila ng mga sira-sirang t-shirt; ang ilang mga babae ay may suot na luma at marungis na malong. Si Isabel ay nakasuot ng marungis na damit. Dalawa sa mga aktor na ito ay may dalang mga tambol. Lahat sila ay mag-aabot ng mga sobre sa mga manonood.
Pagkaraang maipamahagi ang mga sobreng ito, magsisimulang tumugtog sa improvised na tambol ang dalawang artista. Kakanta sila ng isang awiting bayan na madalas kantahin ng mga tribong ito-- Magsasayaw naman ang mga babae.
Importanteng marungis silang lahat. May dalang mga malalaking plastic bag ang ilan. Ang iba naman ay magpapalimos sa ibang manonood na nakaupo. Ang buong teatro ay magiging kalsadang puno ng mga pulubing tribo.
Palakas nang palakas ang ingay ng namamalimos, nagtatambol, kumakanta at sumasayaw. Palakas din nang palakas ang pangungulit ng mga nangangalabit ng pulubi sa mga manonood.
Pagkaraan, ang mga pulubing ito ay aabot sa entablado. Haharap sa manonood.
LAHAT
Pasensya na po! Pasensya na po sa inyo! Kahit hindi pasko…
MGA MUSLIM
Kahit hindi kami nagdiriwang ng Pasko…
LAHAT
Kahit hindi araw ng kahit na ano! Wala kasing araw na pinipili ang tiyan ko! Haniyo, haniyo, hindi man kami makabayad sa inyo…
ISMAIL
Sagot ko ang kuwento!
ISABEL
Sagot ko ang alamat!
LAHAT
Sagot ko ang kuwento ng kawawang bayan ko.
ISMAIL
Doon po sa amin!
MUSLIM NA BABAE
Teka, di pa sila nagbibigay, e.
ISMAIL
Ay oo nga pala.
Muling tatakbo ang ilang aktor para mangulit ng limos sa ilang manonood.
LAHAT
Salamat po! Salamat po! Sa kaunting barya niyo po.
ILANG AKTOR
Malayo pong mararating nito.
ISABEL
Maliit lang naman po ang tiyan namin po.
ILANG AKTOR
Kaunting kanin lang, ok na.
ISMAIL
Kaysa wala, kaysa wala, kahit tira tira, madali naman kaming
LAHAT
…paligayahin po! Eto nga po! May sayaw pang kasama ang mga kuwento!
MUSLIM NA BABAE
Oy simulan na! Ang dami pang po, e. Baka magsialisan ang mga iyan, magbibigay pa iyan.
Magbabago ang ilaw.
ISMAIL AT ISABEL
Doon po sa amin. Bayan ng Dalingawen.
ISMAIL
Maliit na bayang wala po sa mapa.
ISABEL
Maliit na bayang wala pong nakakakilala.
ISMAIL
Kaya po akala ng iba..
ISABEL
Walang bayang ganito, na hindi daw ito tutoo.
ISMAIL AT ISABEL
Ang akala ng iba, kuwento-kuwento lang ito.
ISMAIL
Pero duon po kami galing. Kaming dalawa.
ISABE
Ako si Isabel, isa pong Christian.
ISMAIL
Ismail po ako, isa pong Muslim
ISMAIL AT ISABEL
At marami po kami rito Kristyano’t Muslim. Magkasama…
ROGELIO, FATIMA, IBRAHIM, JOCELYN
Mag-asawa.
ISMAIL AT ISABEL
Si Mama at si Papa. Magkaiba ng sinasamba.
ROGELIO AT FATIMA
Pero hindi bale, dahil ang Diyos at si Allah, pareho naming kakampi.
IBRAHIM AT JOCELYN
Ang sinasamba ng isa, ginagalang ng isa.
ISMAIL AT ISABEL
Dahil nuong unang panahon, doon po sa amin, kaming lahat ay iisa. Mga anak ng araw. Mga anak ng araw ng iisang lumikha. Iba iba ang kulay ng balat, iba-iba ang pananampalataya.
Magsisimulang sumayaw ang ilang mga aktor. Matitigil si Ismail sa gitna ng pagsayaw.
ISABEL
Ismail, bakit ka tumigil?
ISMAIL
Di ko alam kung makukuwento ko pa.
ISABEL
Ano ba? Alam na alam mo ang alamat ng maliit nating bayan.
ISMAIL
Nasaan na kaya yun?
ISABEL
Ang alin?
ISMAIL
Ang bayan natin?
ISABEL
Ikuwento mo nga.
ISMAIL
Di ko alam kung andun pa yun.
ISABEL
(haharap sa manonood) Nuong unang panahon, si Bathala ay nagsimulang humubog ng tao mula sa putik.
Isasayaw o isasadula sa pamamagitan ng papet na anino ang kuwentong isasalaysay.
ISMAIL
(sasambutin ang kuwento kay Isabel) Pero ang hinubog niyang babae at lalake ay walang kulay. Parang kulay ng tubig!
IBANG MGA TAUHAN
Walang kulay? Kulay tubig? Paano nagkakulay ang unang mga tao ng Dalingawen?
ISMAIL
Itinapat niya ang dalawang tao sa bukangliwayway. Pasikat pa lang nuon ang araw! Pagkaraan ng umaga, may kulay na sila.
ISABEL
Kulay pink! Maputla-putla.
IBANG MGA TAUHAN
Mestisuhin.
ISMAIL
Pagkaraan, humubog muli si Bathala ng babae at lalakeng tao mula sa putik. Pero wala rin silang kulay, kulay tubig! Dali-dali niya itong itinapat sa araw
ISABEL
Tanghaling tapat na nuon!
ISMAIL
Kung kaya nagkakulay muli ang pangalawang babae at lalake!
ISABEL
Kulay kayumanggi!
IBANG MGA TAUHAN
Pinoy na pinoy!
ISMAIL
Palubog na ang araw nang muling humubog si Bathala ng pangatlong babae at lalake. Itinapat niya ito sa araw sa oras ng takipsilim. Nagdilim ang paligid. At nagkakulay ang babae at lalake.
ISABEL
Kulay itim.
ISMAIL
At nagsama-sama sila sa iisang bayan. Sa bayang tinawag naming Dalingawen. May kulay bukang liwayliway, may kulay tanghaling tapat, at may kulay takipsilim.
ISABEL
Pero wala yun sa amin. iba iba man ang kulay ng mga balat namin, magkakaibigan kami.
ISMAIL
Iba-iba man ang paniniwala, iisa ang nilalaro naming mga bata!
Mainam kung makakapaglaro ng isang game ang mga tauhan na nagmula sa bayan ng Cotabato.
Magsisimula ang awit.
ISMAIL/ISABEL/AT IBANG MGA TAUHAN
Sa pagmulat ng mata, iba ang unang nakita
Ibang karanasan at ibang kinalakhan
Bawat isip ay isa, naiiba sa iba pa
Ngunit sa kalauna’y nagkakaisa
Iba-iba ang pananaw, ibang daan, ibang araw
Ngunit kung tutuusin mo ay iisa
Ang ibig sabihin ng mabuhay sa ‘ting
daigdig na kay raming kulay at tinig!
Iisa, iba-iba! Ang mundo’y magkabila
Sa marami, nakikita ang Isa!
Iba-iba, iisa! Ang libo-libo ay Iisa!
Ang mundo’y bilog, sari-saring mukha!
ROGELIO AT FATIMA
Isabel!
IBRAHIM AT JOCELYN
Ismail!
ISMAIL AT ISABEL
Po!
ROGELIO
Laging magdarasal, magpasalamat sa Maykapal. Sa Diyos Ama…
IBRAHIM
Kay Allah na siyang pinakadakila.
ISABEL
Itay, Inay-- magkaiba ba ang dinadasalan niyong panginoon?
ISMAIL
Bakit ang tawag ko sa Panginoon ay Allah? At ang tawag naman ni Isabel ay God.
ROGELIO
Magkaiba man ang pangalan,
JOCELYN
Parehong nasa itaas.
FATIMA
Parehong makapangyarihan
IBRAHIM
Parehong mapagmahal.
ISMAIL, ISABEL AT IBA PANG TAUHAN
(aawit)
Ang tatay ko ay Muslim,
Kristyano ang nanay ko
taga-bundok , taga-ilog, taga-patag!
Parehong nagdarasal, parehong sumasamba
Umiiwas sa kasalanan at masama
Parehong tumitingala, sa Diyos o kay Allah
sa langit na kay lawak lawak pa nga
Ang ibig sabihi’y ang mabuhay sa ‘ting
daigdig ay kay raming kulay at tinig!
Iisa, iba-iba! ang mundo’y magkabila
sa marami, nakikita ang isa!
iba-iba, iisa! milyon-milyon ay iisa!
ang mundo’y bilog, sari-saring mukha!
Iisa-iba-iba! Ang mundo’y malawak pa
ang mundo’y itlog, sari-saring likha!
ang mundo’y sisidlan, sari-saring laman!
ang mundo’y iisa, iba-iba, iisa, iba-iba!
ISMAIL
Gutom kami minsan, Ale!
ISABEL
Pero may awa ang Diyos, Manong.
ISMAIL
Kahit paano, nagbibigayan, nagtitiwala sa kaibigan.
ISABEL
Kapitbahay, kadamay.
ISMAIL
Pero isang araw.
ISABEL
Isang araw. Ayun.
Titigil ang tugtog.
IKALAWANG TAGPO
Mula sa mga bata ay may magpapalit ng costume. Magiging mga rebelde, mga miyembro ng MILF. Mabibilis ang takbo. Parang mga palos. Mapapalingon sina Isabel at Ismail.
ISMAIL
Gabi nuon.
ISABEL
Natutulog na kami. Nagising si Tatay.
ROGELIO
May mga tao.
ISMAIL
Nagising si Nanay.
JOCELYN
May mga baril.
ISMAIL
Isang putok.
Magugulat ang lahat. Pati na rin ang mga “nagpapahingang mga pulubi” sa ligid ng entablado.
IBRAHIM
MILF.
ISABEL
Ano yun?
ROGELIO
Mga rebelde.
ISABEL
Ano nga ayun?
JOCELYN
Mga gerilya.
ISMAIL
Naririnig ko na sila nuon. Mga taong bundok. Mga taong nabuhay sa gubat. Tinutulungan ng mga tao sa bayan. Dinadalhan ng pagkain. Pero tumatakas dahil hinahabol ng mga sundalo.
ISABEL
Bakit sila hinahabol?
ISMAIL
Kasi bad daw yung sundalo.
ISABEL
May mga baril din sila?
ISMAIL
Oo. Mahahaba.
ISABEL
Nakita mo?
ISMAIL
Sa dilim. Anino lang ng mga baril.
ISABEL
Nang biglang--
May puputok. Isang malakas na putok at susundan ng ratatat ng long firearm. Mapapadapa ang dalawang bata.
ROGELIO
Isabel!
IBRAHIM
Ismail!
Magkayakap si Ismail at Isabel.
ISABEL
Sabi mo sundalo masama. Bakit sila nagpasabog?
ISMAIL
Hindi ko alam. Baka nariyan na ang kaaway.
Matatagpuan ng dalawang pair ng magulang ang kanilang mga anak. Magsasama silang apat.
ROGELIO
Pagari, ano’ng balita?
IBRAHIM
Mga MILF. Dito daw muna sila. Kailangan nila ng mapagtataguan.
ROGELIO
Di ba galing sila sa kabilang bayan?
JOCELYN
Balita nga na sumalakay na ang mga sundalo dun.
ROGELIO
Naku. Huwag naman sana sila humabol dito.
FATIMA
Bakit?
IBRAHIM
Pag sumalakay ang kaaway, lalong malaking gulo.
ROGELIO
Pero bakit may pumutok?
IBRAHIM
Ang pulis at barangay tanod, nagtangkang tumakas. Paparating sila.
Lalapit ang mga MILF. Haharapin si Ibrahim.
IBRAHIM
Asalam mulaikum.
Babati rin ang mga rebelde. Lalabas ang MGA MAGULANG, si Ibrahim, kasama ng mga MILF. Maiiwan sina Isabel at Ismail.
ISABEL
Ano daw ang gusto nila, Ismail?
ISMAIL
Gusto daw nilang magtanggol sa karapatan ng mga tao para sa kalayaan ng Bangsa Moro.
ISABEL
Ano yun?
ISMAIL
Hindi ko rin alam. Kami daw mga Moro, dapat magkaisa.
ISABEL
Tayo?
ISMAIL
Kami.
ISABEL
Sino’ng kayo?
ISMAIL
Kami.. mga Muslim. Matagal na daw kasing inaapi kaming mga Muslim.
ISABEL
Nino?
ISMAIL
Ng mga sundalo. At ng mga taga-patag.
ISABEL
Kaaway ang mga sundalo. Pero si Tatay, tagapatag. E, magkaibigan ang tatay mo at tatay ko.
ISMAIL
Yun nga ang sabi ko. Pero… sa karamihan daw, mga Christian daw nanggulo. Mga Muslim lang naman daw ang andito nun. Bakit daw kayo tumira dito?
ISABEL
Pinanganak din naman ako dito. Gaya mo.
ISMAIL
E, saan daw kayo galing? Hindi naman tubong Mindanao ang tatay mo. Taga-saan daw siya?
ISABEL
Bakit? Importante ba yun?
ISMAIL
Magiging importante daw. Sa darating na mga araw.
ISABEL
Ano daw mangyayari?
ISMAIL
Baka daw may mas malaking gulo, pagdating ng mga sundalo.
ISABEL
Ano’ng klaseng gulo? Natatakot naman ako.
ISMAIL
Kinuha nila si Tatay.
ISABEL
Kailangan siguro natin ang tulong ng mga tonong.
ISMAIL
Mga tonong?
Tutugtog ang mga “pulubi” sa ligid ng entablado.
MGA BATA
Ang mga tonong! Diwata ng gubat. Nakatira sa pagitan ng wasiwas ng mga dahon, sa ilalim ng natutulog na lupa, sa bulong ng hangin, sa kislap ng langit. Pag ika’y nalingat at sa dulo ng paningin, may mabilis na tumawid sa kabilang dingding, bahagyang puslit, biglang nawawala sa paningin. Hindi mo maabutan..
ISABEL
Biglang nagtatago. Muntik mong masilip.
ISMAIL
Mga tonong na kung minsan, nagpipitik bulag sa iyong panaginip!
ISABEL
Sila ang magliligaw sa mga kaaway.
ISMAIL
Para walang away. Para walang putok.
ISABEL
Natatakot ako sa putok.
ISMAIL
Puntahan natin.
ISABEL
Sa gitna ng gabi.
ISMAIL
Sige. Baka makausap natin, pakiusapan natin.
MGA BATA
Magtanong sa mga tonong.
Magbabago ang ilaw. Iikot sina Isabel at Ismail. Nasa gitna sila ng gubat. Madilim.
ISABEL
Ang kati. ang daming langgam.
ISMAIL
Shh! Baka magtampo ang mga diwata, di na magpakita.
ISABEL
(mapapalingon sa paligid.) Naalala mo, Ismail, nung gusto nating hulihin sa ating bunganga ang dagta ng puso ng saging.
ISMAIL
Para maging malakas tayo. Matuto tayong lumipad!
ISABEL
Ako magiging Darna.
ISMAIL
Ako naman Batman.
ISABEL
Di naman lumilipad yun.
ISMAIL
Lumilipad yun.
ISABEL
Hindi.
ISMAIL
Lumilipad yun.
MGA BATA
Shht. Ayan na’ng mga tonong!
Magkukubli si ISMAIL at ISABEL. Tatayo si Ibrahim, akbay akbay siya ng mga Rebelde.
MILF 1
Kailangan nating magsama-sama. Pagdating ng mga sundalo, di na namin magagarantiya. Mga Muslim dapat magkaisa.
IBRAHIM
Alam niyo, tahimik kami dito. Maliit lang ang bayang ito. Di kami kasama sa gulo.
MILF 2
Kapatid, wala nang hindi kasali sa gulo. Andito na kami. Nasa panig ka ba ng mapagpalayang hukbo o ng mga sundalong kaaway?
IBRAHIM
Wala kaming gustong kaaway.
MILF 3
Sa ayaw niyo’t gusto, kasangkot na kayo. Kung diyan kayo sa gitna, maiipit kayo.
IBRAHIM
Ang asawa ko Christian.
MILF 1
Bakit hindi siya magbalik-Islam?
MILF 2
Ikaw ang lalaki. Ikaw ang magpasya.
IBRAHIM
(Magkakamot ng ulo.) Hindi naman naging problema ang aming pananampalataya.
MILF 1
Ngayon, problema na.
Magbabago muli ang ilaw. Tatayo ang mga bata. Haharap sa manonood.
MGA BATA
Ngayon problema na. Dati hindi naman.
ISABEL
Dati, kung saan ka panatag. Basta mabait ka sa kapwa.
ISMAIL
Basta walang nagagalit. Magalang ang isa sa iba.
MGA BATA
Wala namang problema.
ISABEL
E, sino ba’ang nagsimula, Tatay?
ROGELIO
E, sino nga ba?
IBRAHIM
Ang ninuno namin tubo talaga dito.
ROGELIO
E magkaibigan naman tayo, nang dumating kami rito.
IBRAHIM
Kung ganoon, hindi kayo.
ROGELIO
Kung ganoon hindi kami.
ISABEL
Ang mga rebelde, Tatay? Sila’ng unang nagpaputok sa bayan natin. Sila’ng unang nagdala ng baril.
ISMAIL
E kasi hinahabol sila.
ROGELIO
Ng mga sundalo nilang kaaway.
IBRAHIM
Parang si Baddon.
ISMAIL
Si Baddon! Oo nga!
MGA BATA
Ikuwento mo, Ismail. Ang kagila-gilalas na aksyon ni Baddon!
Magsisimula ang tugtugan. Isang kanta, at ang kuwento. Parang cowboy/a la Fred Panopio. Na hinaluan ng mala-Yoyoy na estilo.
ISMAIL
(awit)
Nagsimula ang away, sa walang kuwentang bagay
Isang prinsipeng mayaman, umutang sa pobre!
ISANG BATA
(magiging Prinsipe) Kailangan ko lang ng sako.
ISMAIL
(bilang Baddon) Sako?
PRINSIPE
Para sa pagkadami-daming palay na inani ko.
ISMAIL
Ikaw may palay, ako may sako.
PRINSIPE
Ano’ng gusto mo?
ISMAIL
Ipasok natin sa sako ko ang palay mo. Tapos penge lang ako ng isa.
PRINSIPE
Isa lang? Mahigit sandaan ito.
ISMAIL
Isa lang, mahal na prinsipe. Aanhin ko ba’ng madami?
(aawit)
Sakong walang laman, pinuno niya ng palay
Mahigit isang daan, Walang mapaglagyan.
Itong magsasakang, sako’y walang laman
Humingi lang ng isa, sa prinsipeng mayaman
PRINSIPE
Isang daan at limampu! Ok na!
ISMAIL
Anteka, anteka! Yung pangako mong isa. Sa akin na, di ba?
PRINSIPE
May pinag-usapan ba tayong ganyan?
ISMAIL
Aba, oy, sandali. Mga sako ko’ng pinaglagyan ng palay mo. Pumasok ang palay mo sa sako ko. Kung tutuusin, ang anumang pumasok sa sako ng iba, kanya na.
PRINSIPE
Bastos ka. Di mo ‘ko kilala? Ako’ng prinsipe ng kahariang ito. Pag di ka umayos, ipakukulong kita. (Hahambalusin si Ismail.)
ISMAIL
(aawit)
Naglabas ng baril, tinutukan ang pobre
Nangatog ang pobre, umuwing umiiyak
Prinsipe ay natawa, sumakay sa kabayo niya
Ito palang Mindanao, wild wild west ang itsura!
At dito nagsimula ang barilan at gera!
Umuwi ang magsasaka, nagalit sa sarili niya
Bakit daw naduwag siya, balikan ang sako niya
Naghubad ng kamiseta, sinuot ang sumbrero niya
Kuwintas na mga bala, Binalot pa sa dibdib niya
At itong magsasaka, sa madla’y nagpakilala:
Ako! si Baddon! Isang bandidong Cimarron
May kabayong matapang, mabilis sa takbuhan!
Bang bang bang, Ping ping ping
Huwag niyo kong gagaguhin! Pag ako’y nagalit
Walang hindi maliligpit!
MGA BATA
Si Baddon! Ang bandidong Cimarron!
Pumasok sa’ ming barrio, sakay ng kanyang kabayo!
At nagbang-bang bang, ping ping ping
Takbuhan ang mga duling!
Tumawag ng pulis ang Prinsipeng nainis!
Papasok ang mga pulis. Mga Bata din ito.
MGA BATA (MGA PULIS)
Kaya kami dumating, para patahimikin
Itong Mindanao, na ginugulo ng bandido
Bandidong Cimarron, may kabayo at baril
Sinisira ang kapayapaan, ang peace en order.
ISMAIL
Kaya itong si Baddon, naghanap ng kakampon
Kumampi si Sabbtal, lupa niya’y inagaw
At ito pang si Lakibol, utang di mabayaran
Sumanib pa si Damnang, inapi ng mayaman.
At silang apat, pumasok sa bayan
Parang mga Robin Hood, bayani ng bayan!
MGA PULIS
Tigidig-tigidig, kung sila’y magkakampi,
Kaming pulis ay binayaran, meyor at gobernador
Kami’y inutusan, mga malalaking tao
At naging malaking laban.
Maghaharap ang dalawang panig. Pwedeng mukhang eksena sa tipikal na pelikulang cowboy (hal., mga sakang kung maglakad, may mga cowboy hat at iba pang stereotype ng pelikula ni Lito Lapid.)
ISMAIL
At sila’y nagharapan. Mga matang nanlilisik
Mga lumolobong ilong, mga nagtitiim bagang
Mga kamaong asero, mga yodelehihung katapangan
itong apat na bandido, Cimarron ng Mindanao
Kalaban ang may kapangyarihan.
Magbabarilan. Ang mga bandido, gamit ang mga “rebolber”, a la Fernando Poe, Jr, iisa-isahin ang mga pulis na pawang namamatay at muling tumatayo. Hindi maubos-ubos.
ISABEL
Apat lang sila! Pero di sila matalo.
Kaya’t ilang batalyon pa ang pinadalang sundalo!
ISMAIL
Hanggang sa naipit ang apat sa Kuwebang Sagrado
Pinaligiran ng PC, Metrocom, pulis, army at marino
Lumaki, naging giyera. Naging giyerang pambansa
Dahil sa isang sakong palay na ayaw pang ipaubaya.
MGA BATA
Si Baddon! Ang bandidong Cimarron!
Pumasok sa’ ming barrio, sakay ng kanyang kabayo!
At nagbang-bang bang, ping ping ping
Takbuhan ang mga duling!
Ang apat na bandido’y tinadtad ng baril.
Si Ismail at ang Tatlong Bandido ay magsasayaw na parang tinatadtad ng baril.
ISABEL
Tinamaan ang apat, ngunit laking himala!
Nang kanilang lapitan, naglahong bigla.
Tinago daw ng mga tonong, tinakas ng taumbayan.
Kaya hanggang ngayon, ang laban dito sa Mindanao
Ayaw tumigil, kumakalat, at umabot na dito
Sa munti nating Dilangawen.
ISMAIL
Kung kaya nga ang alamat ni Baddon , ang bandidong Cimarron,
patuloy pa rin hanggang--
Hindi matatapos ang sasabihin ni Ismail dahil puputulin ito ng mas malaking mga putok ng baril at/o kanyon.
ISABEL AT ISMAIL
At isang gabi nga… Ang gulong binabala ng mga bagong saltang gerilya ay dumating.
ISABEL
Mahimbing ang tulog ko nang gabing iyon, ikalima ng Hunyo. Tandang tanda ko ang panaginip ko! Isa akong prinsesang tinaboy mula sa mataas na lamin. Ang lamin yung mataas na tore, malapit sa araw! Kung kaya ako’y pumuti, nagliwanag at kuminang ang mukha. At tuwing binubuksan ko ang mga mata, lalong nagliliwanag ang paligid. At nang ako’y tinaboy ng masungit kong madrasta, nagpalabuy-laboy sa iba’t ibang bayan. at saan man ako pumunta, isa na akong diwata na ang taglay ay walang kasing kinang na liwanag! At ang sinumang malapitan ng liwanag na iyan ay nagliliwanag din ang isipan. nagliliwanag din ang damdamin, ngumingiti. Ang lungkot napapawi. At isang bayan na aking pinuntahan, ay talagang kuinang! Nagkislapang parang ginto! Ginto! Pagkaganda-gandang kinang!
ROGELIO
Isabel! Isabel, anak! Gising!
ISABEL
(maalimpungatan.) Itay!
ROGELIO
Dali! Dali, baba. Takbo!
ISABEL
Napalingon ako sa bintana! Ang panaginip ko, nagkakatutoo! Sa gitna ng gabi, ang liwa-liwanag ng aming bayan! Pagkaganda-gandang liwanag… ng nagliliyab na apoy! Apoy! Nagliliyab na apoy! Ang kubo ng kapitbahay namin, nasusunog!
FATIMA
Kargahin mo itong bigas! Dalian mo!
ISABEL
Napalingon ako’t nakita ko ang manikang kaisa-isang laruan. Aabutin ko na sana.
Biglang may puputok. Mapapasigaw ang lahat. Hindi na makukuha ni Isabel ang kanyang manika. Muntik madapa si ISABEL.
Sa labas ay magtatagpo sila ni ISMAIL, may dala ring isang sako ng mga ari-arian. Kasunod niya sina Ibrahim at Jocelyn. Magtatagpo ang dalawang pair ng magulang.
ROGELIO
Ibrahim, saan tayo pupunta?
IBRAHIM
Palayo sa apoy! Duon sa gubat!
ROGELIO
Takbo, mga bata.
IBRAHIM
Takbo, sa pinakamalayong mararating niyo.
JOCELYN AT FATIMA
At kayo?
ROGELIO AT IBRAHIM
Takbo na! Huwag nang magtanong pa! Hindi kami dapat maabutan.
ISMAIL AT ISABEL
Itay! Itay!
ROGELIO AT IBRAHIM AT MGA BATA
Takbo!
Muling maririnig ang mga putukan. Tatakbo ang mga ina at ang mga batang si Isabel at Ismail.
ISABEL AT ISMAIL
(sa mga manonood)
Kayo, mga bata, mga masuwerteng bata-batuta
naranasan niyo bang tumakbo sa mabatong lupa?
ISABEL
Sa likod niyo, may kanyon at apoy, papalapit, papalapit
ISMAIL
Sa harap niyo pawang kadiliman, madilim at pusikit.
ISABEL
Karga-karga niyo isang sakong bigas
ISMAIL
At isang sakong alaala ng pira-pirasong buhay.
ISABEL AT ISMAIL
Mga masuwerteng bata, mga batang maginhawa.
naimagine niyo ba ang bilis ng karipas
na singbilis ng kabog ng aking dibdib?
JOCELYN
Huwag nang lilingon.
FATIMA
Hanggang di na marinig ang maingay na putok!
Sa saliw ng tugtugan ng MGA BATA sa gilid ng tanghalan, tatakbo hanggang tumigil dahan-dahan ang mga tauhan.
ISABEL
Umaga.
ISMAIL
Mausok.
ISABEL
Tahimik.
ISMAIL
Parang libingan.
ISABEL
Para kaming mga pusa, mga langaw,
ISMAIL
Dahan-dahang bumalik.
ISABEL
Sa nasira naming bayan.
ISMAIL
Ang tanging nakatayo.
ISABEL
Ay ang aming eskuwelahan.
ISMAIL
Pumasok kaming lahat.
ISABEL
Mga isang daan kami.
ISMAIL
Nakita ko ang mga laruang nagkalat sa isang silid.
ISABEL
Nakita mo ito?
ISMAIL
Trumpo.
Tutugtog ang MGA BATA sa gilid. Sayaw ng mga Trumpo.
MGA BATA
Trumpong paikot-ikot. Walang patutunguhan,
paligid-ligid, walang pupuntahan.
Trumpong paligid-ligid, naghihintay ng katapusan
Paikot -ikot, walang kahulugan.
ISABEL
Itapon mo sa sahig, tatayo at titindig
Pero iikot-ikot lang, nakakahilong ligid-ligid
ISMAIL
Parang taong walang isip, na pag umikot naduduling
Walang kahulugan ang buhay niyang maikli
MGA BATA
Walang kahulugan ang buhay niyang maikli
Pag natapos nang umikot, babagsak lang muli
Walang malay, walang imik, tulad namin
tulad naming paikot-ikot ang buhay,
takbo rito, takbo roon, babalik din sa hukay.
Magpapalakpakan ang MGA BATA pagkatapos ng kantahan. Gayundin sina ISMAIL at ISABEL. Pero pagkaraan ng ilang saglit, mapapansin nila nag-iiyakan ang kanilang mga ina.
ISMAIL
Bakit nag-iiyakan?
ISABEL
Hindi mo ba napapansin, Ismail?
ISMAIL
Tayo lang ang andito. Isandaang tao: puro bata at babae.
ISABEL
Walang mga binata. Walang mga lalaki.
ISMAIL
Wala ang mga itay.
ISABEL
Nasaan nga ba ang ating mga ama?
Papasok sina Rogelio sa isang panig. Nakahilera. Maya-maya ay papasok naman sina Ibrahim sa kabilang panig. Nakahilera. MGA BATA din ito na mabilis na magbabago ng tauhan: Mga MILF sa isnag panig, mga sundalo sa kabila.
MILF 1
(kina Rogelio) May asset sa inyo, sigurado ako. Tantya namin mga isang linggo pa bago nila kami matiktikan. Pero andito na sila agad. Ang bilis naman. Isa lang ang ibig sabihin nun. May nagsumbong sa inyo.
SUNDALO 1
(kina Ibrahim) Mga espiya kayo, sigurado ako. Tantya namin hindi nila alam na parating na agad kami. Pero pagdating namin, handa na sila agad! Ang bilis naman. Isan lang ang ibig sbihin nun. May nagsumbong sa inyo.
Bagamat hindi ito talaga nakikita nina ISMAIL at ISABEL, mag-uusap sila sa gitna. Habang sila’y nag-uusap, ipapakit ang ilang pagpapahirap na ginagawa sa kanilang mga ama.
ISMAIL
Sigurado ako, dinukot nila si Tatay. Yung mga sundalo. Mga Christian yun sila, di ba?
ISABEL
Christian sila, oo. Pero dinukot din naman ng Muslim na rebelde si Tatay.
ISMAIL
Pero hindi nila aanuhin ang tatay mo. Mas masahol ang mga sundalong Christian. Wala silang awa.
ISABEL
Sundalo ang masama, hindi ang tatay ko.
ISMAIL
Pare-pareho lang sila.
ISABEL
Hindi ganyan ang tatay ko! Sino ba’ng unang nagdala ng gulo sa atin, di ba ang mga Muslim na gerilyang kaibigan ng tatay mo?
ISMAIL
Hindi sila kaibigan ng tatay ko.
ISABEL
Christian ang nanay mo.
ISMAIL
Iba ang nanay.
ISABEL
Iba ang tatay. Pero pareho silang Christian!
ISMAIL
Pero ang nanay ko hindi kumakain ng baboy! Mga Christian kumakain ng baboy kaya kung umasta sila para na ring baboy!
JOCELYN
(tatampalin sa bibig si Ismail) Hindi tutoo iyan!
FATIMA
(kakabigin si Isabel) Hindi ito away ng Christian at Muslim.
JOCELYN
Away sila ng sundalo at rebelde.
FATIMA
At naiipit tayo.
JOCELYN
Ang gusto nila, akalain natin, away ito ng Christian at Muslim
FATIMA
Kaya ang dami nilang sinasabi tungkol sa ating mga Muslim.
JOCELYN
At marami naman sa Muslim, maraming nasasabi sa ating mga Christian.
FATIMA
Pero hindi yun ang tutoong away.
JOCELYN
Kailangan niyong maniwala. Dito sa Dilangawen, tayo’y magkakaibigan, magkakamag-anak, magkakapatid. Christian at Muslim.
FATIMA
Dumating sila, at ngayon nag-away-away na tayo. Payag ba kayo?
JOCELYN
Maging singtalino kayo ni Pilandok.
FATIMA
Alam ni Pilandok kung sino ang kaaway.
Muling tutugtog ang MGA BATA. Magbabago ang ilaw.
ISMAIL
(sa manonood) Mga ladies, mga gentleman! Pakinggan ako. Kaunting limos, kaunti lang, pahingi. At pag kayo’y nagbigay, ikukuwento ko sandali kung paano naging sultan ang taong si Pilandok.
ISABEL
(sa manonood) Nakakatawang tao itong si Pilandok. Kaya kauting barya lang po. di pa kami nanananghalian. Dami na kaming kuwento, nakaupo lang kayo riyan. Kaunti lang limos, pang-cheesburger lang… ay kahit fishball. Maibsan lang ang gutom namin.
ISMAIL
Dahil nung una, kaparehas lang namin si Pilandok.
ISABEL
Sunog ang balat, dahil laging nasa ilalim ng araw.
ISMAIL
Dahil itong sultan, o gubernador
ISABEL
Muslim ba o Christian?
ISMAIL
Hindi na mahalaga. ang importante marami siyang sundalo. Marami siyang bodyguard.
ISABEL
Bodyguard at sundalo. May mga baril, matatalas ang ngipin.
ISMAIL
Pinagbintangan si Pilandok na isang kriminal.
ISABEL
Ano’ng kasalanan?
ISMAIL
Trespassing yata, o illegal squatting. o kaya naman, pangit lang daw ang mukha, nakakasira sa turismo.
ISABEL
Tulad natin. Kasama na ang sidewalk vendor.
ISMAIL
Kasama natin, refugeeng nagugutom.
ISABEL
O di pagkatapos?
ISMAIL
Ay dahil nga kriminal, kailangang bitayin.
ISABEL
Kailangan daw bitayin sabi ng makapangyarihang Datu Usman!
ISMAIL
Ipatatapon sa gitna ng lawa, lulunurin sa pamamagitan ng paglubog sa kanyang hawla!
ISABEL
Pero kung minsan ang mahihirap ay sinusuwerte. Minsan lang naman. At itong si Pilandok, napansin niyang maluwag ang tali ng hawla.
ISMAIL
Kung kaya’t nang ilubog siya, siya’y sumisid at umahon sa gilid.
ISABEL
At pagdaka’y umarkila ng nagarang damit. Damit ng isang sultan!
Biglang mapuputol ang kuwento dahil maririnig ang tunog ng loudspeaker alarm na siya namang kasunod na anunsyo ng mga sundalo sa bayan ng Dilangawen
SUNDALO (V.O)
(maririnig muna ang loudspeaker alarm) Mga teroristang rebelde! Sumuko na kayo! Hawak namin ang mga kasama niyo! Kapag hindi kayo sumuko, isa-isa namin silang papatayin!
Mapapahiyaw si JOCELYN. Aawatin siya ni FATIMA. Papasok si IBRAHIM, dala-dala ng 2 SUNDALO. Maaaring nakakulong sa isang hawla na hindi nalalayo sa hawlang kinukuwento nina ISABEL at ISMAIL.
ISMAIL
Itay!
IBRAHIM
Wala akong kakampi. Hindi ako espiya. Huwag niyo akong parusahan. Ako’y hamak na magsasaka lang.
SUNDALO 1
Kunwari pa kayo. Kilala namin kayo. Kayo ang nagbibigay ng pagkain, nagkukubli ng kaaway. Hindi niyo ba alam, ang tumulong sa kriminal ay kriminal na rin?
IBRAHIM
Hindi ako kriminal, ser. Wala akong ginagawang masama.
SUNDALO (V.O.)
Bibigyan namin kayo ng tatlong oras. Kundi, isa-isa na itong totodasin. At kayong mga kapatid naming Christian! tulungan niyo kami. Hindi niyo ba nakikita? Niloloko kayo ng mga balasubas na Muslim na iyan?
JOCELYN
Ibrahim!
Ilalabas muli si Ibrahim.
ISABEL
Ismail! dalian mo ang pagkuwento! Baka masagip pa natin ang tatay mo!
ISMAIL
Paano?
ISABEL
Pag naikuwento mo ang happy ending, baka yun din ang mangyari sa tatay mo.
Bibilis ang tugtog ng MGA BATA, bilang score sa kuwento nina ISmail at Isabel. Mula ngayon, mas mabilis ang kuwento ng dalawa.
ISMAIL
Nasaan na ba ako?
ISABEL
Nakahiram ng damit mayaman ang nakatakas na si Pilandok.
ISMAIL
Ayun! (natataranta) At dali-daling humarap si Pilandok sa sultan. Nagulat ang sultan, sa magarang damit ni Pilandok!
ISABEL
Ang una niyang tanong, “Buhay ka pa? at mukhang mayaman na! Ano’ng nangyari?”
ISMAIL
Sumagot si Pilandok, “Handa na akong mamatay noon, mahal na Sultan! pero paglubog ng hawla sa ilalim ng lawa, may nagbukas ng aking hawla at mga kawal na nagdala sa akin sa isang pagkalaki-laki at pagkaganda-gandang kaharian sa ilalim ng tubig! sila ang nagbigay sa akin ng magandang damit na ‘ito.”
May maririnig na putukan. May tatakbong isang binata, humahangos, humihingal.
BINATA
Hinostage ang pari! Kasama ang ibang Christian na Lalaki! Ubusan na daw ito ng hostage. Kapag pinatay ng sundalo ang mga bihag nila, isa-isa rin nilang papatayin ang kanilang bihag.
Ngayon naman ay si FATIMA ang mapapahiyaw sa pangamba.
FATIMA
Maawa kayo sa aking asawa. Muslim ako. Magkakapatid tayo, pag sinaktan niyo siya, sinaktan niyo rin ako!
ISABEL
Ismail! Ang happy ending, dalian mo! ang tatay ko, mapeperhuwisyo!
Mas mabilis ang tugtog ng MGA BATA. Mas may urgency.
ISMAIL
Kaya naman ang sultan--
SUNDALO (V.O.)
Isang oras na lang ang pagitan!
Lalo pang bibilis ang tugtog ng MGA BATA.
ISMAIL
Ang sultan! Ang sultan!
ISABEL
(mapapasigaw na rin) ANG SULTAN! Namangha ang sultan sa kuwento ni Pilandok!
ISMAIL
Ang sabi niya kay Pilandok, “Samahan mo ako sa ilalim ng lawa! Gusto kong makita ang marangyang kaharian!”
ISABEL
Sabi ni Pilandok, “Paano ang kaharian niyo? Sino’ng mag-aalaga pag nawala kayo?”
ISMAIL
Nag-isip ang sultan.
ISABEL
(nagmamadali) Hay naku naman, nag-isip pa! Dalian mo na! Magdesisyon na ang sultan!
SUNDALO (V.O.)
Sampung minuto na lang!
Lalong bibilis ang tugtog ng MGA BATA!
ISMAIL
(halos mautal, halos maiyak!) Ang sultan! Ang sultan! Nagdesisyon na si Pilandok muna ang mag-alaga ng kaharian.
ISABEL
Ngunit nagbabala si Pilandok, na dapat ilihim ito sa iba, dahil pag nalaman ng iba na may kahrian sa ilalim ng lawa, magsusunuran ang mga iyun!
ISMAIL
Umoo ang matakaw na sultan at pinag-utos sa mga kawal na si Pilandok ang magsisilbing Sultan habang siya’y wala!
ISABEL
Kaya’t nang araw ding iyun, pumasok si Sultan Usman sa hawla at nilubog siya sa ilalim ng lawa!
ISMAIL
At pagkaraan ng ilang sandali, maraming bula ang nakitang lumitaw mula sa ilalim ng lawa.
ISABEL
At magmula noon…
ISMAIL
Magmula noon! Si Pilandok, ang kriminal! Ang siyang naging sultan!
ISABEL
Si Pilandok! Lumaya!
ISMAIL
Ang kriminal!
ISABEL
Ang tatay!
Titigil ang tugtog ng MGA BATA. Sandaling tensyon/ katahimikan. Nakikiramdamn ang mga tauhan. Magyayakapan sina FATIMA at JOCELYN.
Biglang papasok ang ilang kalalakihan, kasama si Rogelio.
ISABEL
Itay!
ROGELIO
Pinalaya kami. Naiwan ang pari.
Mapapaluha sa tuwa si FATIMA. Si ISMAIL naman ay balisang-balisang tumatanaw sa malayo.
ISMAIL
Si Itay. Nasaan si Itay?
May maririnig na sunud-sunod na putukan. Magyayakapan si ISMAIL at si JOCELYN.
ISMAIL
Itay!
Lalapit si ISABEL kay ISMAIL. Hahawak sa kanyang balikat. Ngunit may pait ang sasabihin ni ISMAIL.
ISMAIL
Paglaki ko, ipaghihiganti ko si Itay sa mga Christiang katulad ng tatay mo.
Lalakas ang mga putukan. Tutugtog muli ang MGA BATA.
MGA BATA
Walang katapusan ang putukan!
Walang katapusan ang barilan!
Walang katapusang ingay!
At pag natapos, walang katapusang iyakan.
Takbo! Takbo! Takbo kayong lahat!
Parang trumpo! Ikot-ikot
Libot-libot!
Saan kayo dadalhin ng maiikli niyong buhay?
Saan kayo dadalhin ng mabilis niyong buhay?
Sa tindi ng putukan, kakalat ang mga tauhan. Magiging mga pulubi uli sila.
MGA PULUBI
Pambili ng hapunan! Pambili ng kaunting hapunan. --Kapatid ko lima-- wala na akong ama-- pinatay sa giyera-- nilamon ng baha-- ako’y nawawala-- mabilis ang pangyayari!-- nagtakbuhan ang mga tao-- nakitakbo rin ako--naglabo-labo ang mga tao-- mga paang tumatalilis-- kumalas sa hawak ni nanay-- nawala si tatay-- pambili lang ng hapunan! pambili lang ng dugtong buhay.
IKAAPAT NA TAGPO
Mapapagitna si ISABEL. Tutugtog muli ang mga bata at sasayaw si ISABEL.
ISABEL
Ako ang itim na prinsesa! Uligba at uling, sing-itim ng dilim. Laging tinutukso, laging kinukutya. Bakit daw ba ako pinaglihi sa gabi. O duhat o burak o putik. Baka raw iba ang aking ama, baka raw ako’y ampon lamang ng ama kong sultan!
MGA BATA
Uligba at uling, sing-itim ng dilim!
Bunso ka sa siyam na magkakapatid!
Uligba at uling, sing-dilim ng kuweba
ang matalinong negrang prinsesa!
ISABEL
Ang Prinsesang Maitim, dahil siya’y matapang din, ay naglakas loob maglakbay palayo sa kaharian. At dahil delikado, nagpanggap siyang lalaki. At dahil sa talino niya’t galing, natakasan niya’ng panganib. Nilibot niyang lahat at tinanghal siyang matapang at makapangyarihan.
ISMAIL
Ako naman si Kasana. Pitong taon akong tulog, at kapag natapos iyun, pitong taon namang gising. Aking sinasamantala ang maglakbay kahit saan. Habang ako’y gising pa.
MGA BATA
Ito kasing si Kasana, napupuyat pitong taon
Tapos tulog na mantika, sa susunod na panahon
Itong dal’wa, ang prinsesa, at ang puyat na Kasana
Nagsama sa isang lakbay na puno ng disgrasya.
ISABEL
Kung saan saan kami nagsuot at nagtago.
ISMAIL
Basta sabi ni Nanay ay tumakbo papalayo.
ISABEL
Papalayo sa putukan, sa sabog ng kanyonQ
ISMAIL
Basta sabi ni Nanay, wala na si Tatay.
ISABEL
Kaya nagtago sa dilim, tulad ng prinsesang itim.
ISMAIL
Magdamag na walang tulog, parang naglamay sa ‘king tatay.
ISABEL AT ISMAIL
(tatakbo pareho) At sa takbuhan at gulo, sa gubat na walang daan, napalayo kaming pareho sa aming mga magulang.
ISABEL
Sila ba ang nag-iwan?
ISMAIL
O kami ang pinauna?
ISABEL
Hindi ko na alam.
ISMAIL
Paggising ko, tayong dal’wa na lang.
ISABEL
Inay! Itay!
ISMAIL
Wala na akong itay.
ISABEL
Nasaan na sila?
ISMAIL
Hindi ko rin alam.
Magsisimulang umiyak si Isabel.
ISMAIL
Huwag ka nang umiyak.
ISABEL
Gusto ko nang umuwi.
ISMAIL
Wala na tayong uuwian.
Lalong ngangawa si ISABEL.
ISMAIL
Tumahan ka na, huy! Ikaw ang matapang na Prinsesang Maitim! Hindi umiiyak, laging may tapang!
Mapapatigil sandali si ISABEL. Tapos ay lalong iiyak.
ISABEL
Hindi naman tutoo iyan.
ISMAIL
Ano bang hindi? Sa dami ng kuwento natin, hindi tayo mawawalan ng tapang. Lagi tayong may magiging mga lumilipad na bayani, mahiwaga’t magagaling. Ikaw si Initulon Sabal, ang Prinsesang sing-dilim ng gabi!
ISABEL
Hindi na yata umeepekto ang mga kuwento,Ismail.
ISMAIL
Ako si Kasana! Pitong taong gising! Ipagtatanggol kita!
ISABEL
Dati rati, pag nagkuwento si Itay… O kaya si Inay, pag nagkuwento ka o ako, o kahit sino sa atin. Kahit ano’ng kuwento natin-- bumabalik ang tapang natin. Bumabalik ang hinahon natin. Nakakatulog tayo nang mahimbing.
ISMAIL
Si Kasana’y walang tulog, walang himbing! Matulog ka na, Prinsesang itim.
ISABEL
Kasana. (mapapatawa) Ikaw si Kasana.
ISMAIL
(Mangingiti rin.) Matulog ka na, ako’ng bahala.
Hihikab si ISABEL at makakatulog. Gagawa ng mga ingay ng mga hayop sa gubat kapag gabi ang MGA BATA sa gilid. Tatayo si ISMAIL, may dalang “itak”, sasayaw at ipagtatanggol ang kanyang Prinsesang Itim.
ISMAIL
Sige na tulog na! Ulila na tayong dal’wa.
Tumapang ka, hwag mag-alala, ako’ng bantay, ako’ng kuya.
Sige na, huminahon ka, Kahit walang ama’t ina
Tumapang ka, matulog na, ipagtatanggol kita.
Maaring mauwi sa “martial Arts” o kuntao, na sasamahan ng koryo ng ilang MGA BATA.
MGA BATA
Lakad nang lakad, takbo nang takbo. Sumakay sa ibabaw ng bubong ng jeep. Ang Prinsesang Maitim at ang puyat na Bayani-- naglakbay nang mahaba. Nagdaan sa maraming baryo, nagpalimos sa maraming plaza, hanggang isang araw, pagkagising nila, ang dalawa’y nasa isang malaki, malawak, magulo at maingay na lungsod.
Maririnig ang samu’t saring mga tunog: 1. maiingay na busina ng mga kotse at jeep 2. tunog ng radyo at/o TV, palipat-lipat ng channel 3. nangangampanyang kandidato 4. kanta sa wowowee 5. Misa sa simbahan
Ang MGA BATA ay magiging mga pulubi muli. Habang palinga-linga ang dalawang ISABEL at ISMAIL.
ISABEL
Ismail.
ISMAIL
O.
ISABEL
Nagugutom na ako.
ISMAIL
Akala mo lang yun.
ISABEL
Kahapon, di tayo kumain. Sabi ko kasi sa iyo hindi trak ng gulay yung sinakyan natin, e.
ISMAIL
E, dito maraming tao. Baka may makakatulong.
ISABEL
Nagugutom na talaga ako.
ISMAIL
Wala akong pera. Wala tayong kakilala.
ISABEL
(magsisimulang umiyak) Nagugutom na talaga ako!
ISMAIL
O, o, iiyak ka na naman.
ISABEL
Hindi ko na matiis.
May dadaang babae. Mag-aabot ng limang piso. Matatahimik ang dalawa. Titingnan nila ang pera. Tapos mapapangiti si Isabel.
ISABEL
Ganito pala dito.
Mula sa kaliwa ng entalbado, isa sa MGA BATA ang tutugtog, kunwa’y bulag. Kakanta pa ito.
ISMAIL
Ano bang kanta ang alam mo?
ISABEL
Huwag na ang tayo kumanta. Umiyak na lang tayo. Mas magaling ako drumama.
ISMAIL
E, hindi ako basta basta nakakaluha, e.
ISABEL
Hindi na nila siguro mapapansin yun, takpan mo na lang ng kamay mo ang mga mata mo.
Iiyak sila nang sabay. May dadaang lalaki. Bubunoit ito sa kanyang bulsa. Magbibigay ng sampung piso. Lalo nilang lalaksan ang kanilang iyak. Ang susunod na dadaan naman ay maiinis. Susutsutan silang huwag masyadong maingay.
ISABEL
Napasobra yata.
ISMAIL
Halatang halata na siguro.
ISABEL
Siguro linggo ngayon.
ISMAIL
Bakit mo alam?
ISABEL
Maraming tao dun sa simbahan, e.
ISMAIL
Simbahan? Nasa lugar tayo ng mga Christian?
ISABEL
Ayun, o. Pasok tayo.
ISMAIL
Ano’ng meron dun?
ISABEL
Halika, pasok tayo.
Magbabago ang ilaw. Ang MGA BATA ay poporma ng isang grupo sa likod,sa gitna at aawit/huni na parang gregorian chant. May dalawa o tatlong deboto na naglalakad nang paluhod. Makikita ito ni Ismail.
ISMAIL
Ano’ng ginagawa nila?
ISABEL
Nagdadasal.
ISMAIL
Ba’t naglalakad sila nang paluhod?
ISABEL
Nobena ang tawag diyan. Siyempre kasi-- gusto nilang patunayan ang pagmamahal nila kay Lord. Magsasakripisyo sila. Panata nila iyan, e.
Lilinga-linga. Makikita sa harapan, bandang itaas ang isang kalapating puti. (Hindi ito kailangang ipakita, kundi pag-uusapan na lang.)
ISMAIL
E, yun? ano yun?
ISABEL
Alin?
DEBOTO
Ssshhht!
Hihinaan nang kaunti ng dalawang bata ang kanilang boses.
ISABEL
Yung kalapating puti? Iyan ang Holy spirit.
ISMAIL
Ano yun?
ISABEL
Si God yun.
ISMAIL
God niyo, ibon?
ISABEL
E tatlong personas iyun.
ISMAIL
Tatlong personas?
ISABEL
Tatlong personas ni God. Sa ngalan ng ama, dito sa noo. sa ngalang ng anak,dito sa dibdib, at espiritu santo-- dito sa dalawang balikat-- mga pakpak.
ISMAIL
Tatlo ang God niyo?
ISABEL
Isa lang.
ISMAIL
Sabi mo tatlo.
ISABEL
Tatlong ngalan, isang god. (naiinis na, kaunti) Tres personas nga, e.
ISMAIL
Di ko maintindihan. Sa amin iisa lang ang God. si Allah lang. At hindi siya tao, wala siyang hugis, at lalong hindi siya ibon. si Allah, walang iba!
DEBOTO
Muslim ka? Iniinsulto mo ba ang relihyon dito? Bakit ka nandito?
ISMAIL
Po?
DEBOTO
Muslim! Isa kang muslim!
Magkakagulo sa loob ng simbahan. Ang MGA BATA na dating Koro sa simbahan ay lalapit at paliligiran sina Isabel at Ismail.
DEBOTO
Kapkapan niyo iyan, baka may dalang masamang bagay iyan!
ISABEL
Hindi po! Oy! Kuya Ismail!
DEBOTO
Muslim ka din?
ISABEL
Hindi po.
DEBOTO
Kasama mo ba siya?
ISABEL
Kaibigan ko siya.
DEBOTO
Sinasabi ko na, dapat pati simbahan palagyan na ng mga guwardya! (kay Ismail) Asan ang lider niyo?
ISMAIL
Ano’ng lider?
DEBOTO
Kayong mga Muslim! Salot talaga! Nanggugulo kayo, tahimik kaming nagdadasal dito!
ISMAIL
Hindi ko naman kayo ginugulo. Hindi naman ikaw kausap ko.
DEBOTO
(sasampalin si ISMAIL) Bastos! Kampon ka talaga ni Satanas!
ISMAIL
Hindi ako saytan! Bawiin mo’ng sinabi mo!
ISABEL
Ismail, halika na!
DEBOTO
Terorist! Terorist!
Pagtutulungang kargahin ng MGA BATA si ISMAIL “papalabas” ng simbahan habang siya’y pilit na umaalpas. Makakawala si ISMAIL. Susundan siya ni ISABEL.
Tahimik silang dalawa. Magtitinginan.
ISMAIL
Nakapasok ka na ba sa isang Masjid?
ISABEL
Dinala ako ni nanay isang beses.
ISMAIL
Tinakwil ka ba nila doon sa loob?
Nahihiyang iiling si Isabel.
ISABEL
Pero hindi lahat ng Christian ganun.
ISMAIL
Yung pumatay sa tatay. Yung nagsunog ng mga bahay. Yung sumampal sa akin-- marami sila.
ISABEL
Hindi ko rin maipaliwanag, Kuya…
ISMAIL
Mukhang nakita mo na ang mundo mo.
ISABEL
Ano’ng sinasabi mo?
ISMAIL
Baka kailangan tayong maghiwalay. Hahanapin ko’ng mundo ko.
ISABEL
Bakit ganun? Bakit kailangan magkaiba pa tayo ng mundo? Ayokong magkalayo tayo, Ismail.
ISMAIL
Malapit na gumabi.
Maiiwan si ISMAIL. Magbabago ang ilaw. Gabi.
ISMAIL
Ito ang kuwento ng maawaing si Salik.
Mula sa MGA BATA ay lalabas ang gaganap kay Salik.
ISMAIL
Madaling maawa itong si Salik. Kakaunti niyang pera, ibinibigay pa sa iba. Dahil…
SALIK
Kawawa naman sila, biruin mo, nagugutom na’ng anak niya. ano’ng ipakakain niya?
Papasok naman ang babaeng gaganap sa asawa ni Salik.
ASAWA NI SALIK
E, tinamaan ka ng 1-2-3 kang lintik ka! Naawa ka sa batang nagugutom, e ako? Ano’ng iluluto ko sa palayok na ito, gago? Yung kakarampot mong suweldo, ibinigay mo pa sa charity!
ISMAIL
Charity?
ASAWA NI SALIK
Kawanggawa.
ISMAIL
Ah!
SALIK
Di na bale. Makakaahon din tayo. Maghahanap ako ng pera.
ASAWA NI SALIK
Maghanap ka na rin ng bagong asawa! Hindi na kita matitiis pa. Iresponsable!
SALIK
Darling!
Aalis ang ASAWA.
ISMAIL
Kahit sa pagnenegosyo, nagiging maawain si Salik. Maging ang kapital na binibigay sa kanya ng mga negosyante ay napupunta sa…
MGA BATA
(kay Salik) Ser, palimos po. ser, kaunting pagkain lang po.
SALIK
O ayan, mas kailangan niyo iyan. O ito, ipambili mo ng kakainin mo.
ISMAIL
Kahit na siya’y niloloko na kung minsan, binibigay pa rin.
SALIK
(kamot ulo) E, ano bang magagawa ko? sobrang bait nitong puso ko. Hindi ko mapigilan.
ISMAIL
Hanggang isang araw. siya na mismo ang walang makain. Palaboy laboy sa daan. Napadaan siya sa isang bukid.
SALIK
Manong!
Papasok ang isang magsasaka
MAGSASAKA
O, amang, parang pagod na pagod ka?
SALIK
Painom naman kaunting tubig. Puwedeng ako muna ang mag-aararo ng lupa mo.
MAGSASAKA
O sige. Ikaw ang magbungkal nito. Ikukuha kita ng makakain at maiinom.
ISMAIL
Naging mabait siAllah kay Salik. dahil pagbungkal niya ng lupa…
SALIK
Ano yung makintab? Isang singsing!
ISMAIL
Mahiwagang singsing. at nakarinig siya ng tinig.
BOSES
Ang singsing na ito, galing kay Allah. Ibinibigay sa iyo dahil mabait ka. kahit na anong hilingin mo, lilitaw pag kiniskis mo’ng singsing na ‘to.
ISMAIL
At magmula noon, anumang ihiling ni Salik binibigay ng singsing. Kung kaya hindi naubos-ubos ang ipinamimigay ni Salik sa sinumang humingi. Masaya ang mga pulubi. Masaya ang buong bayan. Masaya ang buong mundo, dahil hindi nauubos ang binibigay ng mahiwagang singsing! Ang saya-saya! Ang ganda-ganda! Hahahaha! (mapapatigil) Tama ka, Isabel. Wala nang epekto ang mga kuwentong bayan natin sa Dalingawen. Wala akong singsing. Walang singsing na magibigay ng kahit ano. kailangan itong hanapin.
Magtatago si ISMAIL. Makikita niyang natutulog si ISABEL. May lalapit na Babae. Gigisingin si Isabel.
BABAE
Huy, bata… kawawa ka naman. Halika. Pagkakitaan ka natin.
ISABEL
Po?
BABAE
Ang sabi ko, sama ka sa akin.
ISABEL
May kasama ako.
BABAE
(lilingon) Asan?
ISABEL
(lilinga din) Andiyan lang yun.
BABAE
Palagay ko, iniwan ka na niya.
ISABEL
Ismail!
BABAE
Ssshhh. alam mo ba ang bawal ang magpalimos dito sa syudad? Pag nahuli ka ng pulis, ikukulong ka nila. Mas mabuti pa kung sumama ka na sa akin.
ISABEL
Ismail!
BABAE
Iniwan ka na niya. halika na sabi.
Hihilahin ng babae si Isabel. Hihingi ng tulong sa dalawang Lalaki. Papasok ang dalawang Lalaki. Hihilahin siya.
BABAE
Huwag kang mag-alala. Kikita ka. Mas malaki pa.
Lalayo ang Babae, kasama si Isabel.
ISMAIL
Duon ka… (lilingon sa kaliwa, palayo kina Isabel) dito ako.
Magdidilim.
IKALIMANG TAGPO
Muling papasok ang MGA BATA mula sa mga aisle ng tanghalan, sa bahagi ng mga manonood. Nagpapalimos uli sila.
MGA BATA
Sino? Si Isabel? Ay wala na yun dito. Binigyan na yun ng trabaho. Duon sa subdivision. Duon sa malaking bahay. May isang pamilyang mayaman. May malaki silang asyenda. At malaking asukarera. Pag nakita niyo si Isabel, maninibago kayo sa kanya. Napakaputi at napakatigas ng ginawgaw niyang uniporme.
Papasok si Isabel. Nakaputing uniform. May isang batang babae, spoiled. English-speaking.
RICH DAUGHTER
Yaya, is it going to rain today?
ISABEL
I don’t know. The clouds are blue.
RICH DAUGHTER
The clouds are white, yaya.
ISABEL
E, look. Up above. It’s blue.
RICH DAUGHTER
That’s the sky, bla-haw! The sky is blue. The clouds are white. And you are buangit! (tatawa)
ISABEL
Hoy psssht. Jennifer, you can’t say that!
RICH DAUGHTER
And why not?
ISABEL
Your mother said speak in English. If she hears you she will think I teach them to you.
RICH DAUGHTER
But it’s true! I heard that from you.
ISABEL
Not from me!
RICH DAUGHTER
That’s right. You came from Muslim province. So you don’t speak that. What language do you speak there ba? Yikes. I don’t know why my mother got you still. She was afraid of you at first, you know.
ISABEL
Why naman?
RICH DAUGHTER
Because you might have Muslim friends. And then you will help them hurt us.
ISABEL
Hindi, a.
RICH DAUGHTER
Is that why you are always buang-buang ka gid ya?
ISABEL
I said, speak in english!
RICH DAUGHTER
Stupid fool! I learned that from you.
ISABEL
I don’t speak Ilonggo.
RICH DAUGHTER
Are you saying I learned it from my mother, then?
ISABEL
Naku… Jennifer…
RICH DAUGHTER
I also learned pyaw-si. My father loves saying that. I wonder what it means.
ISABEL
I don’t know.
RICH DAUGHTER
Isabel, let’s make a deal. I will speak in English.
ISABEL
Yes, speak English--
RICH DAUGHTER
If you go with me to the mall after school today.
ISABEL
Ay linti.
RICH DAUGHTER
Linti! You see, you learned that from my mother, too! Lilililililililinti!
ISABEL
Ssssh!
RICH DAUGHTER
So is it a deal?
ISABEL
I… I… I don’t know what to do.
RICH DAUGHTER
Ako’ng bahala.
ISABEL
Ako’ng kawawa.
MGA BATA
Maganda sa mall. Malamig. Pero bawal kami. Nakatsinelas kasi.-- E yung turistang Hapon, may akbay na taching! Tingnan mo, nakatsinelas din! -- Oo nga, pero tingnan mo’ng mga paa. Mapuputi, at ang lambot tingnan. Parang leche flan! Hahaha, ang paa parang leche flan. Yung paa mo parang chicharong bulaklak! Na nilublob sa dinuguan at binuhusan ng sukang paombong! (tatawa ang lahat)-- malamig sa mall, pero bawal kami. Ayun si Isabel, karag-karag ng alaga niyang suwail-- Hoy Isabel!
Papasok sina Isabel, kasama si Jennifer. Lilingon si Isabel. Makikilala niya mula sa malayo ang kumakaway na MGA BATA.
MGA BATA
Kilala mo pa kami?
Lalapit sana pero maaalalang kasama niya si Jennifer. Kung kaya aalis din agad.
MGA BATA
Si Ismail! Di mo na hinahanap?
Mapapatigil si Isabel. Lilinga at titingin sa paligid.
MGA BATA
Wala siya diyan. Wala siya doon. Wala siya dito sa malamig na mall.
Lalabas nang tuluyan si Isabel.
MGA BATA
Duon ka! Dito naman siya! Natutong tumigas ang mga masel niya! Pati damdamin naging bato. Si Ismail naging siga ng mahabang avenida dito sa syudad ng mga pirata.
Kakalas ang ilang MGA BATA. Kasama na si Ismail.
MGA BATA AT ISMAIL
Ay DVD Ay DVD! Ay DVD! Ay DVD!
O mga miss, o pagari, ay tingnan mo, Ay DVD!
May bago diri, clear copy, galing orig, ay DVD!
o pagari, bili na bili, blue ray ini, ay DVD!
Ang hanap mo, ay DVD, kahit ano, ay DVD!
may MTV, mayrong Indie, may tripul eks, Ay DVD!
Ay mura lang, o pagari, kung may sira, balik diri
Palitan natin, ay DVD, kahit ano, ano , bili na bili!
Ay DVD! Ay DVD! Ay DVD! Ay DVD!
O mga miss, o pagari, ay tingnan mo, Ay DVD!
Malinaw ini, o pagari, kitang-kita pati tutuli
o miss huwag nang mag-inarte, ay murang-mura na ini
Hindi ka na kailangan pa, manood sa malaking sine
May 10 in 1, may Season 3, huwag nang manood pa ng TV
Ay mura lang, o pagari, kung may sira, balik diri
May libre pang isang copy, kahit ano, ano, bili na bili hoy!
SAMIR
(kay Ismail) Mael, nagtityaga kang masyado diyan. Maliit lang kita diyan.
ISMAIL
Tubong lugaw naman.
SAMIR
Tubong lugaw ba iyan? Maghapon kang naglalako-- suwerte na kung may bumili ng isang basyo. Pamura pa nang pamura ang mga DVD ngayon.
ISMAIL
(kukuha ng kaunting pera mula sa bulsa, iaabot kay Samir.) Ganun na nga, aki, kaso naman eto ka pa, naniningil ng porsyento.
SAMIR
For a cause.
ISMAIL
Ano yung por a cause?
SAMIR
Binabalik lang natin sa kanila ang kagaghan ng mga iyan.
ISMAIL
Di ko maintindihan.
SAMIR
Yang mga Christian baboy na iyan. Mahilig sa Hollywood at mga Ingles na palabas sa TV. May mga maaarte pa na naghahanap ng mga classic. Kaya ang ginagawa natin, Mael, ay binibigay natin ang gusto nila. Pero ang hindi nila alam, sa bawat sandaang pisong binibigay nila para manood ng mga pelikula ng mga kababuyan nila, may pisong napupunta sa ating taga-salba.
ISMAIL
Tagasalba?
SAMIR
Ang mga tinawag nilang rebelde, criminal, terorista, bandido. Ang kanilang tinarantado, Ang kanilang di binibigyan ng trabaho dahil lang Muslim tayo. Ang kanilang kinatatakutan, sinasarhan ng pintuan. Ang di nila tinatanggap, ang tinawag nilang Moro, bastos, at marumi. Kahit hindi nila tayo matiis, sa atin pa rin sila bumibili ng DVD. Hahaha. Kaya hindi nila alam, yung binili nila, ay donasyon naman nila sa kilusang kinatatakutan nila.
ISMAIL
Ibig sabihin?
SAMIR
Ibig sabihin, umiikot lang ang pera. Pero, Mael, sinasabi ko sa iyo, bata ka. Kailangan mo nang grumadweyt diyan.
ISMAIL
Ayokong magtinda ng shabu.
SAMIR
Sino’ng nagtitinda ng shabu? Hindi ako. Mga sundalo yun. Ang sinasabi ko, mas mabuti kung ikaw maging asset.
ISMAIL
Asset?
SAMIR
Sinabi mo sa akin, galit ka sa mga christian baboy, di ba?
ISMAIL
Pinatay nila ang ama ko. Tapos tinaboy pa nila ako sa kanilang simbahan.
SAMIR
At marami sa kanila yumaman dahil sa pag-agaw sa lupa nating mga kapatid na Muslim. dito sa Mindanao.
ISMAIL
Oo.
SAMIR
e di ibalik natin ang malas na binigay nila sa atin.
ISMAIL
Ano’ng gagawin, aki?
SAMIR
Kidnaping.
ISMAIL
(kakabahan) Naku, Samir. Hindi ako ganyan.
SAMIR
Ano’ng hindi?
ISMAIL
Napakabata ko naman para dumukot.
SAMIR
E, hindi naman ikaw.
ISMAIL
E, ano pala?
SAMIR
Ikaw lang ang magmamasid, magsasara ng pintuan ng kotse pag naipasok na. Ikaw lang ang taga-tiktik kung ok na o hindi. Ikaw lang ang mata. Hindi ikaw ang kamay.
ISMAIL
Parang nakakatakot.
SAMIR
Hindi ka nag-iisa. Tatlo kayo. susunod ka lang. Walang mangyayari. subukan mo. Para sa tatay mo.
ISMAIL
(matatahimik sandali.) Mukhang delikado.
SAMIR
At ang bayad sa iyo’y dalawang libo. Nakahawak ka na ba ng dalawang libo, bata ka?
ISMAIL
(matatahimik muli. Nag-iisip) Sige.
IKAANIM NA TAGPO
Sesentro muli ang MGA BATA. Tutugtog. Habang ipinapakita kung ano ang strategy ng mga asset sa pangingidnap.
MGA BATA
Mga bata, huwag niyo itong gawin sa bahay.
Delikado, maselan ang larong ito!
Mga totoy, ang pagdukot ay mabilis lamang
But kung pumapalpak, baka ikaw ay mapatay.
Mga bata, kailangan kang maging alisto
Pag may problema, dapat karipas ang takbo
‘sang sitsit lamang, o kindat ng iyong kasama
para makapasok ang tropa sa eksena.
Mga bata, pagbilang ko ay simulan niyo
Tatlong minuto, importante’ng bawat segundo
At kilalanin kung sino’ng ating dudukutin
Pag ito’y nakita, kumindat, sumitsit,
kumaway, magkamot ng ulo!
Parating na ang tropang kidnapper na ito!
Habang kinakanta ito: makikitang naghahanda sina ISMAIL, SAMIR at isa pang bata. ito ang mga susunoid na aksyon: 1. Kumakain ng ice cream si ISMAIL. Nagmamatyag. 2. Biglang kikiriring ang school bell. Maaaring marinig nag voice-over ng mga bata na nagsasabing, “Goobye, My teacher Goodbye,” 3. Mula sa kabilang bahagi ng entablado ay papasok naman si ISABEL. Nakatalikod siya kay Ismail. Nakatingin naman si ISMAIL sa batang RICH DAUGHTER. 4. Kakaway si Samir, pahiwatig na lumabas na ang kanilang tinitiktikan. 5. Magkakamot ng ulo si Ismail. Mula sa koro ng MGA BATA (by this time, tapos na ang kanta pero patuloy pa rin ang tugtog) ,lalabas ang mga kidnapper. 6. Tamang-tamang tatakbo si RICH DAUGHTER papunta kay Isabel. Aabutin ni ISABEL ang kamay ni RICH DAUGHTER. 7. siya namang pagdukot sa RICH DAUGHTER. Mahihila din si ISABEL. Mapapasigaw si ISABEL. At dahil kailangan mabilis ang mga pangyayari, idadamay na rin nila si ISABEL. Pareho silang bubusalan ng bibig. At dagli silang mawawala. Susunod nanag mabilis sina SAMIR at ISMAIL.
Patuloy pa rin ang tugtog, magbabago ang ilaw at makikitang nasa safehouse tayo. Nakaupo na roon sina ISMAIL at SAMIR, kausap ang isang lalaki.
SAMIR
(sa lalaki) Kulang ito, aki. Usapan natin dalawa.
LALAKI
Di pa nga nagbabayad ng ransom, mabuti nga may down payment na.
ISMAIL
E, paano ako, ser?
LALAKI
Hati muna kayo diyan.
SAMIR
Ha? 500 lang matitira sa akin. Wala pang fifty percent.
LALAKI
Wala pa ngang ransom. Ano ba?
ISMAIL
Samir?
SAMIR
(kukuha ng dalawang daan, ibibigay sa kanya) O eto na muna. Pag natapos na ito…
ISMAIL
200 lang? Ang sabi mo 2,000.
SAMIR
Pag natapos na nga.
ISMAIL
Alis na ko.
LALAKI
Sandali. Kelangan niyong bantayan ang bata.
ISMAIL
Kasama pa ba iyun?
LALAKI
Napaka-reklamador mo, a. Saan mo ba kinuha ito, Samir?
SAMIR
Sensya na, aki. (kay Ismail) Huwag ka na masyadong magrereklamo. Andito na tayo, wala nang urungan.
May maririnig na malakas na hiyaw ng bata. Si RICH DAUGHTER. Kasunod naman ay si ISABEL. Hindi siya makikilala ni ISMAIL. Nakayuko ito. Kasunod nila ay ang dalawang KIDNAPPER
LALAKI
Bakit pati yaya, sinama niyo?
KIDNAPPER
Nagpumilit, e.
LALAKI
Wala namang silbi iyan. Dagdag pa sa pagkain.
KIDNAPPER
Dispatsahin na?
ISABEL
Huwag po! Alaga ko po siya. Kahit kaunti lang pong kain.
Makikilala ni ISMAIL ang boses ni ISABEL. Lalapit siya, pero hindi magpapahalata.
LALAKI
Tumahimik ka. Samir, sumama ka sa akin. Ikaw, Ismail. Bantay ka dito. Kailangan kong itanong kung kailan sila dadalhin sa kampo. Pag umangil iyan, isumbong mo.
Maiiwan si ISMAIL, ISABEL at RICH DAUGHTER. Pahikbi-hikbi ang bata. Katahimikan. Hindi lumilingon si ISABEL kay ISMAIL.
RICH DAUGHTER
Yaya, take me home na.
ISABEL
Don’t worry. We will go home.
ISMAIL
Marunong ka na mag-Ingles.
ISABEL
(lilingon kay Ismail.) Ikaw!
RICH DAUGHTER
(titigl sa pag-iyak) You know him?
ISMAIL
(sisigaw) Tumahimik ka!
Iiyak uli nang malakas si RICH DAUGHTER.
ISABEL
Stop na. Stop na. don’t worry, we will go home.
RICH DAUGHTER
You are one of them, yaya?
ISABEL
No, of course not.
RICH DAUGHTER
Why do you know this bad boy?
ISABEL
I don’t know him… I don’t know him na, Jennifer.
ISMAIL
Ano’ng sinasabi mo?
ISABEL
Hindi na kita kilala.
Hindi sasagot si Ismail.
ISABEL
Noon matapang ka.
ISMAIL
Matapang ako!
ISABEL
Kung matapang ka, hindi ko magagawa ito. Dati nagtatanggol ka.
ISMAIL
Pinagtatanggol ko ang mabait sa akin.
ISABEL
Ano ba ang ginawa ng batang ito sa iyo?
RICH DAUGHTER
Ya, what did I do to you? I don’t even know you.
ISMAIL
You! You! Pinalayas mo kami sa tirahan namin. Pinatay mo ang magulang ko. Inubos mo ang pagkain ko. At wala kang pakialam.
ISABEL
Hindi siya iyun! Alam mo iyan.
ISMAIL
Sila! Siya! Hindi pa lang niya alam. Paglaki niya, magiging tulad siya ng mga kabagang niya. Lalaki siyang malakas ang boses, mataas ang noo, nakapamaywang, turo nang turo. Paglaki niya mamanahin niya ang yaman ng magulang niya. At kukuha siya ng maraming lupa, Paalisin niya ang mga batang tulad ko. At ipasusunog niya ang bahay nila sa mga sundalo.
ISABEL
Sino ang nagsabi niyan sa iyo?
ISMAIL
Dahil lahat ng Kristyano galit sa amin.
ISABEL
Christian din ako, Ismail. Naging mabait ako sa iyo.
RICH DAUGHTER
You see? You see! I am right! Your friends are Muslim. Your friends are bad!
ISABEL AT ISMAIL
Tumahimik ka diyan!
Magugulat si RICH DAUGHTER.
ISABEL
You do not understand. Duon sa amin, hindi kami Muslim, hindi kami Christian. Mga anak lang kami ng araw. Magkakapareho, magkakaibigan.
ISMAIL
Wala nang ganun. Ito na ang tutoong buhay. Wala nang paraiso. Mga bata tayo noon.
ISABEL
Hindi. Ang tutoong buhay ay yung bayan sa Dalingawen. Kung saan hindi pumapatay ang mga takot sa Diyos o kay Allah. Dumating lang sila. Sinira nila lahat. Hindi dahil Christian, hindi dahil Muslim.
ISMAIL
Wala nang Dalingawen. Wala nang tao doon. Sunog na ang mga bahay.
ISABEL
Dala pa natin ang mga kuwento.
ISMAIL
Kahit ang mga kuwento, wala nang epekto.
ISABEL
Yun ang nagbibigay sa akin ng lakas ng loob, Ismail. (to RICH DAUGHTER) Naalala mo? You remember?
RICH DAUGHTER
What?
ISABEL
That kuwento I told you about how fire came to man.
RICH DAUGHTER
I… I…
ISABEL
Dat kuwento when it was very cold. Because there was no fire. And the only fire is come from the giant. The giant is live in the mountain, is live in the big cave.
RICH DAUGHTER
And so the young man went up the mountain.
ISABEL
But bepor that, he talk to the horsie, he talk to the doggie, and then the pussycat, and the piggy, and froggie.
ISMAIL
Ano’ng sinasabi mo?
ISABEL
Ang kuwento. kung paano nila tinakas ang apoy sa kamay ng mga higante.
ISMAIL
Nagkaisa sila.
RICH DAUGHTER
And when the young man faced the giant.
ISABEL
There are two giants.
RICH DAUGHTER
I only remember one giant.
ISMAIL
Dalawa sabi, e.
ISABEL
The young man faced the two giants. And he raised his hand.
ISMAIL
At nag-ingay ang mga hayop.
RICH DAUGHTER
The horsie neighed.
Liligiran ng MGA BATA ang tatlo. Gagawa sila ng tunog ng kabayo.
ISABEL
And the doggie bow wow!
MGA BATA kakahol na parang aso. At sa mga susunod pang linya, gagawin nila ang tunog ng mga hayop.
ISMAIL
Ang pusa ngumiyaw.
RICH DAUGHTER
And the piggy oinked.
ISABEL
And the froggie kokak kokak.
ISMAIL
Nang sabay sabay!
ISABEL
And so the giants were surprised. They thought the world is ending na!
RICH DAUGHTER
And the young man quickly grabbed an ember from the fire. and he ran!
ISMAIL
Tumakbo siya!
ISABEL
The giants, they run after him!
RICH DAUGHTER
But before the young man got tired, he passed the ember to the horsie and the horsie ran!
MGA BATA
Tigidig Tigidig!
ISMAIL
At pinasa sa aso!
ISABEL
And pass to the pussycat!
RICH DAUGHTER
Who passed it to the piggy!
ISMAIL
At pinasa sa palaka.
ISABEL
The giants stepped on the froggies tail but the froggie jumped.
RICH DAUGHTER
And the ember fell into the hands of the people.
ISABEL
The good people, who passed the fire around.
Magtitinginan si ISMAIL at ISABEL. Kukunin ni Ismail ang kamay ni Isabel. Hihilahin na niya ito at akmang itatakas. Pero bibitiw si ISABEL at lalapit sa RICH DAUGHTER.
ISMAIL
Halika na.
ISABEL
Itakas rin natin siya.
ISMAIL
Ikaw lang.
ISABEL
Siya ang apoy, Ismail.
Matitigilan si ISMAIL. Mag-iisip sandali. Lilinga at titingnan kung wala tao.
ISMAIL
Dali. (kay RICH DAUGHTER) Hoy! you keep quiet ha!
Akma silang tatakas, bigla silang makikita ni SAMIR.
SAMIR
Hoy! Saan mo dadalhin yan?
ISMAIL
Takbo! (biglang susugod kay SAMIR)
Magkakagulo. Ang MGA BATA ay gagawa uli ng tunog na mabilis ang ritmo. Kung magagawan ng paraan, maaring ipasa-pasa ang RICH DAUGHTER sa mga manonood, hanggang bumalik muli sa entablado, kung saan wala na ang mga kriminal.
ISMAIL
Ayan na ang bahay niyo.
ISABEL
(kay RICH DAUGHTER) You go na.
ISMAIL
Sabihin mo sa kanila. Sa mga magulang mong mayayaman, sa mga kaklase mong mayayabang, hindi Muslim ang kanilang kalaban. Tao ang dumukot sa iyo, tao din ang sumagip.
RICH DAUGHTER
Opo. Yaya, come na.
ISABEL
No, you go.
ISMAIL
Bakit?
ISABEL
Gusto ko nang umuwi.
ISMAIL
Saan?
ISABEL
Kung saan tahimik ang buhay.
RICH DAUGHTER
come na, Yaya.
ISABEL
You go in na. You find another yaya.
Yayakap si RICH DAUGHTER kay ISABEL. Yayakap din si ISABEL. Maiiwan silang dalawa ni ISMAIL.
ISMAIL
Wala na tayong uuwian.
ISABEL
Mayroon pa. Maniwala ka.
ISMAIL
May lugar pa bang katulad ng Dalingawen?
ISABEL
Katukin natin ang bawat bahay.
Kakatok si Isabel sa harap ng manonood.
ISABEL
Tao po! Tao po! Magpapapasok ba kayo ng tulad namin? Isang Muslim.
ISMAIL
Isang Christian.
ISABEL
Isang mahirap.
ISMAIL
Isang sinugatan.
ISABEL
Isang natatakot.
ISMAIL
Isang nalulungkot.
ISABEL
Isang ulila.
ISMAIL
Isang napariwara.
Sasali na ang MGA BATA.
MGA BATA
Tao po! Tao po!—
May alam ba kayong lugar
kung saan pantay-pantay
at nagmamahalan ang mga tao?
Tao po! Tao po!
May alam ba kayong bayan
Kung saan ang relihyon
ay hindi nangmamata ng ibang tao?
Tao po! Tao po!
May alam ba kayong sitio
Kung saan ang bawat tao
Ay gumagalang, hindi nang-aapi?
Tao po! Tao po!
May alam ba kayong baryo
Kung saan bulag ang tao
Sa pagkakaiba ng lahi’t ugali?
Kung may alam kayo
Kami’y patuluyin ninyo
At ang baryong ito
Ang siyang bahay namin
At lilinisin natin
Ang paligid hanggang
kumalat,
hanggang lumigid
Sa buong mundo!
Tao po! Tao po!
May alam ba kayong mundo
Na pantay-pantay lahat
At walang nangmamata ng ibang lahi?
Tao po! Tao po!
May alam ba kayong mundo
Kung saan ang relihyon
Ay hindi nagpapataasan ng ihi?
Tao po! Tao po!
May alam ba kayong mundo
Kung saan ang bawat tao
Ay ligtas sa digmaan at silakbo?
Tao po! Tao po!
May alam ba kayong mundo
Kung saan tayong lahat
Ay hindi na kailangang magutom!
Kung may alam kayo
Kami’y patuluyin ninyo
At ang baryong ito
Ang siyang bahay namin
At lilinisin natin
Ang paligid hanggang
kumalat,
hanggang lumigid
Sa buong mundo!
Biglang matatapos ang kanta. Nakahilera ang buong cast-- na ngayo’y pawang mga pulubi. Sa gitna sina ISMAIL at ISABEL.
ISMAIL
Walang nagbubukas ng pinto. Nanonood lang sila.
ISABEL
Hindi sila gumagalaw. Parang walang pakialam.
ISMAIL
Gusto lang nila manood, walang gustong kumilos.
ISABEL
Baka nag-iisip.
ISMAIL
Kailangang magpatuloy ang mga kuwento.
ISABEL
Dahil kung walang kuwento, wala nang pag-asang maibalik ang bayan ng Dalingawen.
ISMAIL
Sana…
ISABEL
Sana ano?
ISMAIL
Sana nag-iisip.
MGA BATA
Sana nag-iisip.
Tahimik na tatayo ang MGA BATA. Kadiliman.
WAKAS