Minsan nakakainis rin talaga ang pag-ibig, 'no?
Tahimik kang maghihintay ng bus. Makikinig ng musikang pantapal mo sa maingay na mundo.
Bago pa man tuluyang mangawit ang mga binti, hihinto sa harap mo ang bus, bubukas ang pintuan.
Papasok ka, maghahanap ng bakanteng upuan.
Maghahanap ka ng puwestong solo mo.
Saka aandar itoāliliko, aabante't aatras.
Dudungaw ka sa bintana. Magmamasid.
Hindi ka malungkot. Hindi ka rin masaya, pero ayos na iyon.
Pagkatapos ay biglang hihinto ang bus. Normal lang naman iyon kaya hindi ka na mag-aabala pang lingunin ang pintuan.
Pero sa hindi inaasahang pagkakataon, may uupo sa tabi moābagong mukha, bagong kuwento.
Nakakainis rin talaga ang pag-ibig 'no?
Kung kailan ka nananahimik, saka naman darating.
Hindi kayo mag-uusap sa simula.
Pero katagala'y aalukin ka n'ya ng baon n'yang bibingka.
Pagkatapos ay magsisimula ang kuwentuhan.
Sa kanya iikot ang buong biyahe.
Para bang makakalimutan mo ang matagal na paghihintay sa estasyon, ang mga taong nakipagbanggaan sa'yo, ang maingay na mundo.
Makakalimutan mo ang lamig ng hangin, ang ulan, ang pakiramdam mong noo'y nakuntento ka na kahit hindi masaya.
Sa wakas, hindi ka na sa bintana nakamasid,
Kundi sa mga mata ng taong pumuno sa malaking espasyong matagal mong hinintay na maglaho.
Habang tumatagal ay hindi mo na mamamalayang umaapaw na ang mga ngiti.
Makakalimutan mo na kung saan ka papunta,
Maliligaw ka na sa kanya.
Pagkatapos, kung kailan hindi ka handa,
Hihinto ang bus.
Hindi ka sana mag-aabalang lingunin ang pintuan, pero mapapansin mong nagliligpit s'ya ng bagahe.
Saka mo maaalala;
Hindi pala kayo magkasama.
Nakasabay mo lang pala s'ya.
Nakakainis rin talaga ang pag-ibig 'no?
Kung kailan nasanay ka nang nariyan s'ya, saka naman mawawala.
Ayaw mo sana s'yang hayaang bumaba.
Gusto mo sana s'yang pigilan, hatakin pabalik.
Pero iba ang rutang tatahakin n'ya.
Hindi mo gustong magpaalam,
Pero doon, hanggang doon na lamang ang mga tawanan.
Kaya mapapatingin ka na lamang sandali sa bakanteng espasyong nasa tabi mo,
saka ka dudungaw muli sa binatana.
Hindi ka masaya, kundi sobrang lungkot.
Hihinto ang mundo mo,
Pero magpapatuloy ang biyahe.
Kaya wala kang ibang magagawa kundi ibulong sa hangin ang iyong panalangin na sana,
Sana pagdating mo sa iyong destinasyon, mahanap mo s'ya roon.
At kung hindi man, sana sa araw na iyon, hindi mo na s'ya hinahanap.
āAli
Larawan ni Isko Gamboa
grabbed from Pahmikasā page on facebook

















