Ang buhay ay parang gulong, minsan ikaw ay nasa taas kung minsan naman ay sa baba. At sa ating lipunan, hindi man magandang isipin, mayroon tayong paggugrupo sa mga tao ayon sa antas at estado ng pamumuhay.
Sa short film na “Tingala sa Baba”, malinaw na naipakita ang kaibahan ng dalawang dulo ng antas ng lipunan. Ngunit, ang nakakatuwa sa palabas na ito ay naipakita rin na sa kabila ng kanilang pagkakaiba ay namuo ang isang samahang hindi matutumbasan ng kahit anong materyal na bagay. Siguro noong una masasabi natin na inuutakan ng mahirap na bata ang batang mayaman upang siya’y bigyan ng pera at pagkain. Para sa akin, hindi mo rin masisisi ang batang mahirap dahil kung tutuusin ay may punto siya na kaya pang magbigay ng batang mayaman sa kanya at hindi malaking kawalan ang mga binibigay niya para sa batang mahirap.
Hindi lamang sa materyal na bagay ang pinakitang pagkakaiba ng dalawang bata. Salat man sa pera ay mayaman naman sa pagmamahal at kasiyahan ang batang mahirap na siyang kabaliktaran naman sa batang mayaman. Hindi na bago sa atin ang ganitong senaryo. Kadalasan sa mayayamang pamilya, hindi man pera ang kanilang problema, oras at atensyon naman ang kulang na kulang sa kanila. At ito lamang ang patunay na walang taong walang pasan-pasang problema sa buhay. Na kaniya kaniya lamang tayong problema at sa pagtulong sa bawat isa makakamit natin ang kaginhawaang pinapangarap natin. Ito ay pinakita sa maikling palabas na ito, na kung pagbibigyan natin ang parehong panig na makamit ang kanilang ninanais at bigyang halaga ang bawat isa, sa bandang huli ay parehong makukuha ang tagumpay na inaasam.
Napakasimple at napakainosenta ng palabas na ito ngunit ang leksiyon at aral na mapupulot rito ay umaapaw. Ang mga batang karakter ay sumisimbulo sa kamusmusan ng bawat bata sa mundo at kung gaano pa sila kawalang alam tungkol sa realidad ng buhay, ngunit sa bandang huli ang kanilang mapaglarong aksyon at mga desisyon pa ang nagbibigay solusyon sa ating suliranin sa buhay.















