Pila To Forever
Naghahanap ka ba ng ka-forever?May alam ako kung saan. Gusto mong sumama? Tara! Makipila na sa CvSU. Joke lang. Hindi ‘to kwentong pag-ibig. Ito ay kwentong kagaguhan at kabulukan ng sistemang pinapairal sa mahal kong eskwelahan t’wing enrollan.
Maaga akong nagising para makapag-enroll ngayong sem. Inaasahan ko na ang mahabang pila. Natural naman ‘yon sa lahat ng unibersidad. Paano pa kaya sa State U? Kaya ko inagahan dahil gusto ko ring maaga makauwi. Syempre, ganoon dapat ‘yon. Kapag maaga kang nagpunta, maaga kang matatapos. 4:30AM ako umalis.
5:00AM ako nakarating sa unibersidad. Nagulat ako nang makitang nasa white dorm na ang tapat ng pila. (Ang white dorm ay sobrang layo na sa admin. 5:17 ako nakapunta sa pila dahil bumili pa ako ng pagkain) Alas singko pa lang ‘yon. Anong oras nagpunta ‘yung ibang estudyante? Ala una, ganun? Akala ko pa naman, palaban na ako. Marami pa lang mas palaban sa ‘kin.
Kahapon, half-day lamang ang enrollment period sa kadahilanang may graduation na idadaos sa eskwelahan. Na-cut off ang pila hanggang sa 400 students. Pero, nagbigay na pala ang guards ng numbers sa mga hindi pasok sa 400 para mai-prioritize kinabukasan. (which is ngayon)
Ito na. Start na ng katanginahan. Since priority sila, edi kahit tanghali pumunta ‘yung iba, walang problema kasi may number na eh. Una sa lahat, sinong nagsabing dapat i-prioritize ang may numbers kahapon? Utang na loob! Nacut-offan nga sila eh. Alam naman na may event na gaganapin, pumila pa rin. Isa pa, hindi naman sila matagal pumila kahapon dahil nga CUT OFF. Pinauwi agad sila.Wala sa effort ng mga estudyanteng alas tres pa lang ngayon, pumila na, makatapos lang ng maaga. ‘Yung iba nga, hindi naman talaga pumila, nanghingi lang ng numbers sa guards para makapagpa-reserve sa pila ngayon. E hindi naman alam ng lahat na may namimigay ng numbers kahapon. Pero sige, ipush na ‘yang numbers na ‘yan dahil napangakuan silang priority sila ngayon. Ang ginawa eh, pinaghiwalay ‘yung may numbers kahapon at ‘yung ngayon lang pumila. Magkaibang window magbabayad. Okay. Good. Good.
Namigay na rin ng numbers sa mga pumila ngayon. Ang nakakapagtaka, 9AM na, actually, magte-ten na ng umaga, nasa gate 1 pa rin kami. Ano na? Hindi na umusad. Ang tagal makaabot sa ‘min ng namimigay ng numbers.
Hindi kasi pinaghiwalay ang mga estudyanteng magbabayad lang ng balance at good moral. Halu-halo sa pila. Kaya mas natatagalan.
Pagdating sa ‘kin, 330 ako. Akala ko malapit lang. Punyeta. By batch pala ‘yon. 1st batch. 2nd batch. 3rd batch. Ang problema na naman, walang distinction ‘yung numbers na hawak. Pare-pareho ng itsura. So may tatlong taong pare-pareho ng number.
Pagkabigay ng number, nagsialisan ‘yung iba. Syempre, chill na. May number na eh. Pero ‘yung iba, pumila pa rin. Katulad ko. So naging kadugtong kami nung mga estudyanteng nasa bandang unahan.
Nagsibalikan ‘yung mga nagsialisan kanina. Ang problema na naman, hindi na nila mahanap ‘yung pwesto nila dahil sabog na ‘yung numbers sa pila. Hindi na sunud-sunod. Plus hindi alam kung sino ang nagsasabi ng totoo. May 3rd batch na sinasabing 1st batch sila. May 2nd batch na sinasabing 1st batch sila. Nagkatulakan sa admin.
Dahil doon, itinigil ang operation. Inutusan ang lahat ng estudyante na pumuntang school quadrangle at doon tatawagin ang numbers. I-didisregard daw ‘yung pila. Edi maraming umangal. Abot-kamay na ng iba ‘yung admin, sabay biglang disregarded?
May mga sumunod at pumunta sa quad. May mga nagmatigas at nanatili sa pila. Dito na nag-start ang tunay na kaguluhan.
Nagtawag ang guard ng numbers sa quad. KASO DAHIL PARE-PAREHO NGA ANG ITSURA NG NUMBERS, nagkadayaan na. Lugi karamihan ng nasa first batch. Lalo na ‘yung 500+ pa ‘yung number.
Nagsipuntahan lahat ng estudyante sa tapat ng admin. Oo. Doon mismo sa pintuan. Ni hindi na nga magawang buksan ‘yung pintuan dahil sa dami ng estudyante.
Kumbaga, naging bonding ‘to ng CvSuans eh. Lahat kami close. Kung kay Lola Nidora, may one foot one foot, sa ‘min wala. Hindi uso ‘yon. SKIN TO SKIN! Ni pagpaypay hindi mo na magagawa.
Karamihan, walang tanghalian. Ang iba nga ay nag-iyakan na sa sobrang pagka-frustrate sa pila. Nagsisigawan ang mga estudyante. Binabara lahat ng sinasabi ng guards. Lumabas na rin ang mga punch lines kagaya ng “Wala na raw 2nd sem! Sembreak na hanggang March!” o kaya “Laglagan ng bala ‘yan!” o kaya “Sunugin ang admin!” Syempre, mawawala ba ang hugot lines? Karamihan ng estudyante, sumigaw ng “KUYA! USO MAG-MOVE ON!” Dahil si Manong guard ay hindi na natapos sa pagtatawag ng “170-180.” Kada labas ng pintuan, puro “170-180″ ang hinahanap. Umusad sa 200, kaso paglabas muli ng pintuan, hinanap na naman ang “170-180.” Ibalik sa elementary ‘yan!
Halu-halong amoy na sa tapat ng admin. Nagkakaapakan. Nagkakatulakan.Mukhang rally na nga eh. Muling sinara ang pintuan at itinigil ng ilang oras ang operasyon. (Operasyon talaga?)
Sa huli, napagod din ang mga estudyante. Nagdesisyon na pumila na lang ulit kahit nakakag*go na. Narealize na pare-pareho kaming walang mapapala kung magpo-protesta kami doon.
Muling binuksan ang mahiwagang pintuan. Nagpapasok ng mga nakapila. PERO HINDI PA RIN GANUN KAAYOS. Marami na namang nagreklamo dahil 1ST BATCH NGA RAW KASI SILA. Pero wala ring magawa. Sabog na eh. SABOG NA SABOG.
Ano ba kasing kagaguhan ‘to? Ilang taon na ba ang CvSU? Hindi pa ba sanay na sa t’wing enrollment, maraming estudyante ang pipila? Ano? Every sem, nasa-shock? Nakakaloka! Wala pa rin bang consistent strategy para rito?
Tama naman ‘yung ginawang paghiwalay sa may numbers kahapon sa ngayon lang pumila. Okay na eh. Pero sana, hiniwalay din ang mga estudyanteng hindi naman ganun kalaki ang babayaran. Katulad ng 15 pesos na good moral at pati na rin ‘yung mga magbabayad lang ng balance sa tuition last sem. Sana continuous ‘yung number na pinamigay, ‘yung walang by batch. Kung by batch man, dapat may distinction ‘yung papel. Para alam kung sinong nagsasabi ng totoo.
At ‘yung pila. Anong pauso ‘yan? Pila pa ba ‘yan? Sana, kada pagdating ng estudyante, namimigay na agad ng number. Para wala na ring singitang nagaganap. Edi sana mabilis ang usad.
Naniniwala akong kaya naman ‘to kung talagang ipu-push eh. Nangyari na ‘to last year, pero hindi nagkaproblema kasi maayos ang pamimigay ng numero. Alam naman kasi kung anong effective na gawin, ewan kung bakit hindi pa agad iimplement kapag enrollment period ulit.
Kung tatanungin niyo ako, aaminin kong hindi malinis ang konsesya ko. 2nd batch ako pero nauna pa ako sa ibang 1st batch. Sorry. Hindi kasi ako masyadong mabait. Kung magpapaka-anghel ka sa ganung sistema, hanggang ngayon nasa tang inang pila ka pa rin. Wala akong balak pumila forever doon. Gutom na gutom na rin ako. At kapag gutom na ako, minsan, nangangain ako ng tao. Joke. Tawa ka! Konting humor lang. Di ka natawa? Edi wag.
Susunod naman ako, kung maayos ang patakaran. E kaso kalokohan eh. Bulok. Sobrang bulok. Ikaw ba naman pumila ng 12 hours makabayad lang ng tuition? Aba. Mapapamura ka sa sarap!













