Patungo sa timog kanluran ng Pilipinas
Nakadaong na ang barko sa pier na siyang maghahatid sa aming patutunguhan. Sa aming paglisan sa Isla ng Basilan ay may ilang mga kaibigan ang dumalaw, sino ang nakakaalam sa muli naming pagkikita. Sampung oras kaming namalagi sa barko patungo sa aming destinasyon. Gabi ay lumipas at araw ay sumapit. Pinagmasdan ko ang mga isla na tila nagsabog sa karagatan.
Papadaong na kami ng mahagip ko ang isang pamilyar na muka na nagaabang sa pier. Isa sa mga nakasama ko sa Akademya. Malalaman na sila ang naatasang sumundo sa amin sa mga sasakyan nilang nakaparada. Dali-daling naglipat ng mga kagamitan ang mga kasamahan pagkababa ng rampa sabay ng pag akyat ko sa pier. "kamusta?" pagbati sa akin ni Ilumin. "Welcome to Sulu!", kanyang pahabol. "Ayos lang", akin namang matipid na sagot sabay ang saglitang ngiti. Tirik na ang araw at tagaktak na rin ang aming mga pawis. Mayat maya pa ay pinasama na ako sa bagong lokasyon na aming pansamantalang tutuluyan. "Samahan mo na mistah mo, mauna na kayo." Utos ni Sir Matt sakanya. "Yes sir!" agad naman niyang sagot. Pagakyat ko sa sasakyan ay kasama ko ang mga kalalakihan na tulad kong balot na balot mula ulo hanggang paa. Sa pagtahak namin papunta sa kampo ay napansin ko ang paligid. Napakayamang lupain, sariwang hangin, mga puno ng niyog na nakalatag sa daanan, tanaw ang dagat, isang gandang dapat na ipinagmamalaki sa buong mundo ngunit pinipigil ng takot.
Ilang minuto pa ay nakarating na kami. Agad kong tinanggal ang mga pabigat sa aking katawan. Sinalubong kami ng isang taong hindi din bago sa akin. "Kamusta Carullo?" bati ko sakanya. "Eto okay lang", sagot niya naman. Isa sa mga hindi ko gaanong pansin noon sa Akademya ngunit ngayon ay makakasama ko din pala. Sa aming kwentuhan ay dahan dahang dumating ang hapon. Maya maya pa ay dumating si Bashang, isa sa mga kaklase namin. Inanyayahan niya akong lumangoy sa pier. Hindi ko na din tinaggihan at sumama ako agad sakanila. Pagdating ay tinalon ko ang dagat ng buong pananabik na hindi alintana ang mga kabahayan ng mga kapwa Pilipinong Badjao na makikita di kalayuan sa aming languyan.
Laking ginhawa sa aking katawan ang makapagtampisaw muli sa dagat. Habang ako ay palutang lutang ay napatanaw ako sa malayo at napaisip. Balang araw, mas maswerte ang mga susunod na henerasyong mabubuhay sa islang ito . Balang araw.