KADALASANMINSAN: Vicio
vicio
1. vice (libertinaje, actividad inmoral) 2. bad habit, vice (mala costumbre)
por vicio - out of sheer habit
eso tiene mucho vicio - that's very habit-forming
de vicio - (estupendo) great; super (familiar)
Para kay K, anong nadarama?
_________________________________
11:04 P.M.
“Anong nadarama ngayong naririto ka sa aking tabi?”
Naramdaman ko ang paghigpit ng yakap niya sa akin; nasa gitna kami kanyang kama. Unang gabi sa maliit na upahang kuwarto sa gitna ng Makati. Binabagyo ang Metro Manila at hindi na ako makakauwi sa amin sa Rizal, siguradong baha na rin doon at wala nang kalyeng madadaanan.
Bisyo na yata naming ang mag-usap gamit ang mga lyrics ng kanta. Nagsimula nung akala kong mag-isa ako sa pantry ng office at kumakanta. Nagulat ako’t bigla siyang gumising mula sa likod ng lumang office table. Sinabayan niya na lang ako bigla. Pero hindi pakanta. Simula nun, naging inside joke na naming dalawa. Para walang makagaya, hindi kakantahin. Sasabihin lang. Pasok ng lyrics sa kahit anong usapan, saan man, ano mang okasyon. Inside joke. Nonchalant.
“Tuliro?” Kumindat siya sa akin.
Hiniram at suot ko ang isang pares ng pajama niya at maluwag na t-shirt. Nakatali ang mahaba kong buhok at nagtanggal na rin ako ng make up pagkatapos maligo. Siya naman kakagaling lang sa sakit kaya naka-jogging pants at manipis na sweatshirt, maya’t-maya ay nagpupunas ng sipon sa maliit na facetowel.
“’Di malaman ang gagawin,” Dahan dahan kong sinapok ang mainit niyang noo at hinayaan ang palad ko doon.
Natawa siya at napayakap ng mahigpit, nilapit niya ang ilong sa gilid ng aking mukha. Ang lahat ng ito’y pamilyar. Sinabi ko sa sarili ko na hindi ito ang mga bagay na dapat kasanayan. Hindi pa kami ganung magkakilala, pero magkaibigan kami. O mahigit. O lagpas pa dun.
Dati na rin niyang natanong kung anong meron sa amin. Gusto ko siya. Gusto niya ako. Tatlong buwan na ang nakalipas nung tinanong niya ako kung kaya ko na ba siyang mas higit pa sa gustuhin (“Here we go again, I kinda wanna be more than friends”)
Sabi ko kailangan ko pa ring tanungin sa sarili ko ang tanong niya. Dati na rin niyang natanong kung meron bang magiging meron sa amin.
11:13 P.M.
“Ang lambot ng iyong labi,” maya-maya lamang ay hawak niya sa mga malalambot niyang kamay ang mukha ko. Pamilyar. Paborito.
“-ng iyong labi-hee. Yael Yuzon style,” Nagtawanan kami. Tinulak ko siya palayo at umangat ako sa pagkakahiga gamit ang siko. Pinaabot ko ang ganti sa kanyang mga labi. Ito na.
“At wala nang ibang makapipigil sa akin,” bulong ko sa loob ng aming halik. Nakita ko ang halong pagkagulat at tuwa sa kanyang mga mata. Umiiling iling pa siyang hindi makapaniwala.
At gaya ng ginawa niya tatlong buwan na ang nakalilipas, pumalakpak siya ng apat na beses at kumanta.
‘Here we go again, I kinda wanna be more than friends,” ngumiti siya sakin. Ang pamilyar na ngiti.
At sa saglit na iyon ay nakalimutan ko ang delubyo na bumalot sa ka-Maynilaan, ang pagkakasabon kanina sa opisina, ang traffic na inabot makauwi lang sa maliit niyang paupahan, gutom, takot, rejection, at ang kahapong handa ko na palang bitawan at iwanan.
Napabuntong hininga ako sa ganda ng pagkakatitig niya sakin. Pamilyar. At nais. At isa sa mga paborito kong nakikita sa buong buhay ko.
Tumango ako.
11:31 P.M.
Kami.
Malapit na kaming makatulog. Nakapikit na siyang nakayakap sa aking bewang. Tahimik na rin ang mga patak ng ulan sa labas. Sinusuklay ko palayo ang kanyang buhok mula sa kanyang noo.
Hinalikan ko ang dulo ng ilong niya’t idinilat niya ang kanyang mga mata.
“Hmm?”
“At wala nang ibang makapagbabago ng aking isip sa’yo.”
***
M 111114
















