truestory #1: ANGHEL SA LUPA
Kung nakilala mo ako sa taong 2000 above maaaring hindi mo inabutan ang mga panahong nakikipagkompitensya ako sa best kontrabida award kay Laviña ng Princess Sara o kaya naman kay Clara ng Mara Clara.
(int. St. Scho Marikina, first day of classes 1999)
sa may aisle ako nakaupo noon, at tandang-tanda ko, walang umupo sa tabi ko. "oh well I dont really care" sabi ng utak ko. Nagflag ceremony at nag morning praise na noong may dumating na batang maikli at sobrang nipis ng buhok. Sa nipis ng buhok niya, napatitig ako sa anit niya, natigilan lang ako noong kinausap niya ako at sinabing "Hi ako si Janeen, pwede ba kitang maging bestfriend?" Nagulat ako "bestfriend sa unang araw ng pagkikita?" sinabi ko sa sarili ko kahit na gusto ko talagang sabihin sa kanya, di ko alam bakit sa sama ng ugali ko naggawa kong hindi sabihin yun. "Ah pwede, gagawin ko siyang alila" ayun, kaya pala may mas masama akong balak.
June, July, August, September, October.
Siya ang tagakuha ko ng pagkain, tagaayos ng gamit, taga-do all what joselle wants. EXCEPT SA HOMEWORK, matalino kasi ako, sabi ko.
Booom. Nagkakapuso na ba ako? Parang ayoko na siyang utusan, hindi naman kasi siya napapagod -- na mahalin ako. Pero hindi, hindi ako babaguhin ng batang manipis ang buhok. "Kailangan saktan ko siya ng sakit na aayawan na niya ako." sabi ng kontrabidang side ko na lumalaban.
January, February, MARCH.
March dumating ang climax. Naisip ko na kung paano sasaktan ang bida. "Magbibirthday na ako, may tatlo akong wish sa birthday ko 1. magkajumper 2. makita ka 3. makalipad." Tatlong bagay rin ang naisip ko nun. 1. jumper? wow. sosyal ah. Sarcastic ako. 2. ako? bakit ba mahal na mahal ako nito? gina**go ba ko nito? 3. Lipad? aaaah pagkatapos mo makipagbestfriends sa unang araw ng pagkikita, ngayon lilipad ka naman. Not so weird ah. "ah wow" pero yan ang sinabi ko "alam ko na, ako na bibili ng jumper." yan ang evil plan. Sa birthday niya, hindi ako pupunta siyempre dahil ako ang bibili ng jumper wala na rin siya nun, lipad? ASA. Siguro kung ganun ko siya sasaktan lalayuan na niya ko. Para sa kanya naman yun, masyado na akong masama para sa kanya, sabi ng not-so-bad side ko.
Nilibre niya ako ng Sinigang (paborito ko sa St. Scho canteen) at Cornetto (bukod sa uso yan nung panahon na yan, vanilla ice cream, yan ang makakapagpasaya sa akin sa kahit anong circumstance) "May isa pa sana akong hihilingin sayo?" sabi niya. "Fairy God Mother?" Hindi yan ang sinabi ko. "Ah ano yun? Ang dami mo namang gusto." "Pwede ba tayong maglaro?" "Ah yun lang pala, sige, pagkakain ko." Pero ang totoong nasa utak ko "Ah? wow ah, laro. ANG SAYA. Ikaw na lang papaasahin kita today, sorry pero kailangan."
At yun nga. Nagdahilan ako. Mga tatlong beses lang naman ako nagsinungaling pero sa huli't huli...
"Joseeeeeelle, Joseeeeeeelle, Joseeeeelle!" sumisigaw siya.
Tumalikod ako para makapagpanggap na di naririnig.
"JOOOOOOOSEEEEEELE!" isang malakas tapos nadapa siya.
"LOSER." sabi ko pero after five seconds nagkagulo ang buong gradeschool, hindi na siya bumangon.
(Okay, ngayong binabalikan ko ito ang lakas ng kabog ng puso ko ang linaw ng picture, tandang-tanda ko)
Walang malay at may kulay violet sa bibg. Tumigil ang mundo ko.
Kinahapunan, pinuntahan ako ng Principal, hinihingi ang mga gamit ni Janeen.
"Nasa hospital siya, dun muna siya mag-aaral"
May kung ano sa puso ko ang kumirot. Pero di ko na binalikan pa, tutal ito naman ang gusto ko, ang malayo siya sa akin.
Umuwi ako ng bahay na may kulang, inisip ko dahil wala sigurong nagligpit ng gamit ko o kaya wala akong napagtripan. Oo, ito yung moment na magfflash back sa mga palabas.
Pag-uwi ko ng bahay, yung isa ko pang e**l na classmate tumawag sa akin "Joselle, patay na raw si Janeen sabi ng mommy ko."
Teacher kasi ang nanay niya at pakiramdam niya alam niya lagi lahat ng secrets pero hindi yun ang naalala ko sa mga oras na yun; binaba ko ang telepono at nag-iiiyak sa dahilang hindi ko alam.
Sa morning praise ay sinabing "Let's pray for the soul of..."
Nagtatakbo ako sa cr at dun umiyak nang walang humpay.
"Garde 4 pa lang kami, walang namamatay ng garde 4."
Sinubukan kong puntahan siya, pero noong nakita ko yung picture, alam niyo yung malaking picture na malapit sa kabaong? Nanlambot ang tuhod ko, hinanap nito ang way pauwi ng bahay namin.
pero siyempre kailangan kong harapin sabi nga ng daddy ko "malulungkot ang BESTFRIEND mo" at oo, hindi naman niya alam na salbahe ako.
Pumasok na ako sa loob ng chapel. Puro balloons sa paligid, may mga paper plates at spaghetti.
paglapit ko sa kabaong tumigil ang mundo ko for the second time.
May sayad talaga ang loka-lokang manipis ang buhok. Oo nga pala March 5 ang birthday niya. Oo ulit, in short natupad ang birthday wish niya
(tumayo ba balahibo mo? lalo ako nun. Hindi dahil sa takot.)
"ikaw ba si joselle" sabi ng Mommy niya. "sorry po sorry po" yun na lang nasabi ko, alam niyo na siguro kung bakit. "Wala kang dapat ipagsorry, matagal na kitang gusto makilala, sabi kasi ni Janeen, ang bait-bait mo sa kanya" yan ang hindi ko maintindihan kung bakit.
Hindi ko alam kung bakit sinabi niya sa Mommy niya na mabait ako, ang alam ko lang pagkatapos ng lahat naisip ko na hindi lahat ng bagay maaadjust mo. Kaya hanggat may pagkakataon ka, sabihin mo na ang dapat mong sabihin, gawin ang dapat gawin.
Hindi ko naggawang magsorry, magthank you at magiloveyou sa kanya pero alam kong sa buti ng puso niya, napatawad na niya ako.
Sabi na lang niya sa akin, ibalik ko sa iba yung magandang pangyayari sa buhay ko dahil sa kanya, pay it forward ba.
Kaya ikinuwento ko kami sa inyo, matagal ko ring isinecret ang kwento namin, naisip ko kasi na mas matatago ko ang memory kung ibabaon ko, pero ngayon naisip ko na matutuwa siya kung may matututo pang iba bukod sa akin.
Mas mahaba pa dapat ang kwento pero hanggang ngayon, hindi ko mahanap ang mga perpektong salitang dapat gamitin para tapusin ang kwentong ito. May theory kasi ako na namatay na siya bago pa man ang March 2, 2000:
Janeen: Patay na po ako? Ayoko paaaaaa!
Lord: Osige, bubuhayin kita pero may ipapaggawa akong misyon sa iyo. (enter videos ko)
At yun kaya sa unang araw ng pagkikita namin ay tinanong niya ako kung pwede niya ako maging bestfriend, at kaya hindi siya napagod na mahalin lang ng ako.
Akala ko ako ang kontrabida sa kwentong ito, pero hindi, ako ang bida at ang anghel na pinadala sa akin. :)