Kadalasan kong naiisip. Kailan ko kaya mabubuwag ang agwat ko sa dapat kong itinuturing kapwa? Agwat sa estado ng buhay. Socio economic differences. Status.
Mayroon naman talaga. Ngunit magagawa ko bang maiugnay ang sarili ko sa kanila sa kabila ng mga kakaibahang ito?
Noong nakaraang linggo, nabigyan kami ng pagkakataong makapanayam ng mga magsasaka. Kinakabahan ako. Natakot ako na baka may pagkukulang sa magiging takbo ng pakikipanayam.
May mga tanong kami na hindi agad na naunawaan ng mga magsasaka. Nahirapan din kaming isalin ito sapagkat hindi rin kami bihasa sa paggamit ng wikang Filipino, lalo na ang mga mas malalalim na mga salita at ang mga salitang likas na ginagamit nila sa kanilang komunidad. Napakahirap din dahil sa laki rin ng layo ng edad ng aming mga kalahok. Generational gap , kumbaga. (Pasensiya, at hindi ko rin iyan maisalin.)
Ikinalulungkot ko na hindi ko nagawan ng paraan na maipaliwanag sa kanila ng mabuti ang aming hangarin at mismong ang pagtatanong dahil sa wikang gamit. Nagpapakita sila ng senyas na di nila ito maunawaan. Hindi rin sila basta-bastang sumasagot. Kung minsa'y matipid at kadalasang napuputol ang takbo ng usapan.
Dito ako tinamaan ng realidad.
Kulang pa ang kaalaman ko at ang mga kakayahan ko. Sa wika at sa pakikitungo at pakikisalamuha sa mga nais kong kinauukulan na "kapwa"
Sa mundo ko... mithiin ko iyan. Ngunit sa mga sandaling iyon, hindi ko matupad. Hindi ko maisabuhay. Hindi rin nila maramdaman.... hindi pa siguro.
Unang beses at baka huling pagkakataon na makita namin sila.
Buong araw na iyon, matapos ang mga interview, nakapag-isip isip ako. Parang ang laki ng nagawa kong kasalanan? Mabigat.
Nangalap kami ng datos sa—oo, sa tamang prosesong ipinapayo ng aming mga propesor—pero sa kaloob-looban ko, hindi ito mabisa. Hindi dahil sa "hindi kumpleto ang mga datos," ngunit dahil sa pangangatwirang hindi ito naging kumportable para sa kanila at higit na pinagsisisihan ko iyon.
Mayroon akong propesor na sa kasalukuyang itinuturo sa amin ang dulog sa pangangalap ng datos... sa pamamaraang matatawag nating, "atin" o "tatak Filipino"
Buong araw ko iyon pinag-isipan. Sa una kasi naming mga kalahok, ang metodolohiya niya ang ginamit namin. Ang pagtatanong sa pamamagitan ng pakikipagkwentuhan, samantalang ginamit naman namin ang tuwirang pagtatanong na "mala-Kanluranin" sa mga sumusunod na magsasaka.
Nakita ko ang pagkakaiba. Itabi na muna natin ang halaga ng "pangangalap ng datos" at ang dami nito na makukuha namin. Para sa akin, sa dalawang metodolohiya, ikinalugod kong gawin ang pakikipagkwentuhan.
Ayaw mo ng awkward. Ayaw ko ng awkward. Kaya wag natin gawing awkward. Kumbaga ganoon ang nangyari.
Sa pakikipagkwentuhan ay naramdaman ko ang pagiging malapit sa mga magsasaka. Hindi ko na inalala pa ang dami ng datos, basta ginusto ko lang makinig at makipagkwentuhan sa mga magsasaka.
Tuwang-tuwa ako kay Tatay. Tuloy lang ang kwentuhan. Hindi rin siya nailang. Pinaupo niya pa kami sa mga upuan. Masarap makipagkwentuhan. Maganda pa nga ang panahon e, mahangin. Nakaramdam ako ng antok. Hindi dahil sa bored ako, hehe. Sadyang nakapagpapakalma lang talaga.
Sa iba naman ay naging mabilis lang ang interview. Nakaramdam na kami ng kasama ko na hindi pa talagang bukas ang loob nilang magbahagi. Hindi na namin ipinilit.
Ah! Pero sa kabila ng lahat ay hindi namin kinalimutang magpasalamat sa kanila! Inabutan namin sila ng kalahating kilo ng kapeng barako at ng asukal. Hindi man nito matutumbasan ang oras na inilaan nila sa amin, nais ko pa rin ipahiwatig kahit man lang dito sa pagbibigay ng kape ang aming pasasalamat. (Buti na lang pala, mahilig sila sa kape!)
Nang nakapagpahinga kami ng kasama ko, nagmuni-muni muna kami habang ginugunita ang bawat kaganapan.
#1. Realizations. Ang mas malalim na pang-uunawa.
Noong araw na iyon talaga, higit na mas sumiklab ang dedikasyon kong pagbutihin bilang isang mag-aaral.
Gusto kong maging malapit sa kanila, sa ating mga kababayan na hindi ko karaniwang nasasalubong. Gusto ko silang makilala at ang makakilala pa sa iba. Gusto ko marinig ang mga boses nila, ang boses ng masa.
Hindi pa naman huli di ba? Kaya pa. Sa panahong iyon, ako ang lalapit sa kanila. Hindi para magdiyos-diyosan. Sana ay maituring din nila akong, kapwa... at hindi-ibang-tao.