Bismillah Assalammu alaikum wa rahmatullahi wa barakatuhu
Pagpasensyahan nyo na sapagkat bago ako magumpisa.
Ako ay hihingi na ng tawad sapagkat ito ay isang paalala.
Paalala una't una sa aking sarili at sa inyo mga kababaihang Muslimah.
Na ang buhay natin dito sa dunya ay nalalapit na sa katapusan ng kabanata.
Ang kabanata ng paglalakbay sa mundong napapalamutian ng kagandahan at mga pagsubok, ng pighati, tagumpay at pakikibaka.
Bigyan ng hustisya ang iyong pangalang Fatima, Asiyah, Khadijah, Mariam o Aisha.
Mga pangalan na galing sa mga kabanata ng maluwalhating Quran o mula sa mga makasaysayang kababaihan at bayaning kababaihan ng Islam.
Di mo ba batid na sa araw araw na pagsalah ng iyong ama at ina.
Di nila kinakaligtaan sa kanilang mga dua
na sana'y di mo na ikahiya ang pagsuot ng Hijab.
Sapagkat ikaw na isang Muslimah ay isang katibayan o paninindigan na ikaw ay napapabilang sa relihiyong Islam.
Ang relihiyon ng Allah na tagapaglikha at ng lahat ng alipin na kanyang nilikha.
Hindi sapat ang isa o dalawang librong iyong nabasa upang ikaw ay magmalaki kung ang lahat ng iyong kaalaman ay walang saysay sa Allah.
Taas noo sa kahit na sino kahit alim at ustadz di na nirespeto.
Sapagkat oo may mataas na pinagaralan sa sekular, mataas na posisyon at benepisyo sa trabaho, naging hangal at pagpapakumbaba sa kapwa ay di mo na batid aking kapatid.
Sapagkat ang puso mo ay nabalot na ng kibr.
Pero isang araw tinanong ng isang estranghero...
"Ano ang Islam? ang Muslim? ang Allah na inyong sinasamba?"
Subalit isang pasimpleng sagot na parang mo lang binabalewala.
Di pala naintindihan kung ano nga ba talaga ang kanyang pananampalataya.
Oo at Muslim sa pangalan subalit di alam ang pagkakakilanlan.
Nag-aral ng banyaga subalit sariling depinisyon ng mga simpleng termino sa Arabic o Islam ay di kayang bigyan ng kahulugan.
Hanggang kelan ka ba magpapatianod sa agos na puno ng fitnah?
Hanggang kelan mo ba lulunurin ang sarili mo sa pansamantalang kaligayahan na dulot ng pansamantalang Dunya?
Hahayaan mo ba na apakan na lng ng kahit na sino ang iyong pagkatao?
Hahayaan mo bang idikta sa iyo ng isang ignorante ang dapat mong kasuotan upang makasabay sa idinidikta ng industriya at lipunan?
O ng mga taong nagbubulaglagan sa katotohanan?
Ang itago ang pananampalataya upang maging malaya?
Kelan mo bubuksan ang Quran?
Ang hadith ng propeta Muhammad salallahu alayhi wassalaam?
Kelan mo bubuklatin ang sajada at humingi ng tawad sa iyong tagapaglikha?
O aking kapatid, hindi pa huli ang lahat para sumuko na lng, mawalan ng direksyon at pag-asa sa kapatawaran ng ar-Rahman .
Sa kabila ng gulo, hirap at pighati na dulot ng mundong ating ginagalawan, di ka iniwan ng Allah magpakailanman.
At araw araw sa paggising mo sa panibagong yugto ng iyong hininga,
hinihintay ka lamang ng Allah na magbalik ng loob sa kanya.
Tandaan mo aking kapatid di pa huli ang lahat para mahalin mo naman ang Allah,
Ang mgSalah, mgSawm, mgHajj at mgSadaqah.
Dahil ang pagpapatawad sa ating mga pagkakasala ay tunay na galing sa Kanya - ang Allah.
يَٰٓأَيُّهَا ٱلَّذِينَ ءَامَنُوا۟ مَا لَكُمْ إِذَا قِيلَ لَكُمُ ٱنفِرُوا۟ فِى سَبِيلِ ٱللَّهِ ٱثَّاقَلْتُمْ إِلَى ٱلْأَرْضِ ۚ أَرَضِيتُم بِٱلْحَيَوٰةِ ٱلدُّنْيَا مِنَ ٱلْءَاخِرَةِ ۚ فَمَا مَتَٰعُ ٱلْحَيَوٰةِ ٱلدُّنْيَا فِى ٱلْءَاخِرَةِ إِلَّا قَلِيلٌ
O mga mananampalataya, bakit sa tuwing sinasabi sa iyo na makibaka para sa Allah ay mas pinipili mong kumapit sa dunya?
Kontento ka na ba sa kaligayahan na dulot ng dunya kumpara sa akhira?
Ngunit ano ang makamundong buhay na ito kumpara sa akhira ay "napakaliit" lamang.
Ang hijab ay isang paraan ng pakikibaka
Kaya wag mong ikakahiya ang ipakita sa lahat na ikaw ay napapabilang sa pagkakapatiran ng mga taong naninindigan sa Laa ilaha illallah.