07.04.15
Ngayon ko balak magpaliwanag. Ngayon ko balak sabihin sayo na hindi ako galit. Ngayon ko balak sabihin na walang araw na lumipas ngayong linggo na hindi kita naiisip. Ngayon ko balak sagutin lahat ng katanungan mo. Pero paano ko nga ba sasagutin yun kung wala ka. Dahil naghintay ako, bawat taong dumadaan ay iniisip kong ikaw yun, pero hindi. Dahil hindi ka dumating. Dahil akala ko hindi ka na dadating. Hindi ako galit sayo. At yun ang gusto kong sabihin pero iba ang naipapakita ko, iba ang ikinikilos ko, na hindi ko alam kung bakit. Ang pagtulong mo sa paglilinis namin ay isang senyales na hinihintay ko para makausap ka. Pero hindi. Umasa ako sa wala. Bago ka umalis, habang nagsasapatos, kinailangan kong kunin ang upuan na inuupuan mo. Kinailangan kong kunin yun para mapansin mo ako. Para ikaw ang magsimula ng pag-uusap natin. Ngunit hindi ko alam kung bakit nanatiling tikom ang mga bibig ko kahit may tinatanong ka. Hindi ko alam kung bakit mas pinili kong magbingi-bingihan para hindi ko maintindihan ang nais mong sabihin. Ilang beses kong binalikan ang pwesto mo ngunit wala ka na. Nakaalis ka na. Hindi ko alam kung kailan pa ako ulit magkakaroon ng pagkakataon. Bago kami umuwi ay biglang umulan. Sa ulan na iyon ay ikaw ang unang pumasok sa isip ko. Baka wala kang payong. Baka maglakad ka lang. Baka magkasakit ka na naman. Bawat taong dinadaanan ng tricycle namin ay umaasa akong ikaw. At nang madaanan ka namin ay nais kitang isakay. Nais ko pero ayaw ng kapatid ko. Lalaki ka naman daw. Hindi niya naiintindihan ang ibig kong sabihin, hindi niya nararamdaman ang nararamdaman ko. Hindi pa kasi siya nagmahal. Hindi pa siya nagmahal ng ganito.














