Limang rason kung bakit hindi na kita minamahal:
Una, maganda ang tawa mo. Tila kanta na kahit ilang ulit pakinggan ay hindi mapagsasawaan kailanman.
Pangalawa, naiintindihan mo ako. Alam mo kung kalian ako kailangang mapag-isa at kung kalian ako nangangailangan ng kausap. Maalalahanin ka, ginagawa mo ang lahat para ako ay maging kumportable.
Pangatlo, matapat ka. Ni isang pangako, wala kang nakalimutan. Wala kang binitawan.
Pang-apat, mahal mo ako. Ramdam na ramdam ko ito. Sinisigurado mong hindi magkakaroon ng pagkakataon na ako’y magdududa sa pagmamahal mo. Sa lahat ng pagsusubok na dinanas natin, hinding hindi mo naisip na bumitaw mula sa piling ko, na ikalas ang kamay mo sa kamay ko.
Panlima, mahal pa rin kita. Sa bawat araw at gabi, walang oras na hindi ko iniisip ang kasiyahan mo. At kahit na napapasaya mo ako, noon ko pa napapansin na ang mga ngiting pinapakita mo sakin ay hindi na totoo. Nararamdaman ko ang paghigpit ng mga yakap mo, na parang bang natatakot ka na mawawala ako. Nakikita ko kung gaano ka kadesperado na isagunita ang mga masasayang alaala natin. Napapansin ko kung paano mo pinipili ang mga tamang tanong na para bang nag-iingat ka ng sa gayon, hindi ako magalit. Alam kong nasasaktan ka na, alam kong nahihirapan ka na. Alam kong hindi mo nararamdaman na mahal pa rin kita. Habang tumatagal ito, mas lalo lang dumadami ang mga sugat mo. Mas lalo ka lang nalulunod sa mga luha mo. Alam ko ang lahat ng ito. Kaya ako na ang unang bibitaw sa ating pangako. Ako na ang unang kakalas sa yakap na nagsisimbolo sa ‘tayo’.
Kaya ngayon, sinta, tandaan mo, hindi na kita minamahal.

















