Ang Apirmasyong Nietzschean sa Pelikulangドライブ・マイ・カーDrive My Car (2021)
Nakalulusaw ng emosyon ang pag-abante ng mga pangyayari sa pelikulang Drive My Car (2021) ni Ryusuke Hamaguchi, isang adapsyon mula sa maikling kuwento ni Haruki Murakami. Hindi nito hinahayaang mabigyan ng pangmatagalang ligaya ang mga manunuod sa pagdaloy ng kuwento habang isinasalaysay ang namimihagting karakter ni Yūsuke Kafuku (na pinangunahan ang pagsasadula ng Uncle Vanya ni Anton Chekhov), at ang kanyang buhay na napapako sa dayalektik ng paglilihim at kumpesyon. Naglaan din ng ubod nang bigat na bagahe ang mapait na karanasan ng mahusay na drayber ni Kafuku na si Misaki Watari, kung kaya’t, walang-habas ang pagbanggit sa mga pangalan nina Schopenhauer at Dostoyevsky, bilang mga pilosoper sa madilim na pakikibaka ng sangkatauhan na kumakampay sa pendulo ng galak at pagdurusa. ‘Di naglaon, naunawaan nina Kafuku at Watari ang hapis ng bawat isa — at ang kongklusyon ng kuwento ay makataong pagbaklas mula sa gloripikasyon nina Schopenhauer at Dostoyevsky sa pagdurusa — ang apirmasyon ng buhay na binibigyang-diin ng anti-pilosoper na si Friedrich Nietzsche. Kung saan, hindi ang redyeksyon ng buhay at ang pagkilala sa absurdong perhuwisyo nito ang magsasalba sa ating personal na pakikibaka kaharap ng kapus-kapalaran — kundi ang pagkilala sa kamatayan at ang malugod na pagyakap sa ating katalagahan — ang pag-ibig sa ating destinasyon at ang panang-ayong tugon sa indayog nito. Bagamat hindi nawawala ang pormula ng “maykapal” (marahil dahil sa teistang eksistensyalismo ni Chekhov), isa itong anti-pilosopikal na paglapit sa pelikula. Dahil winawasak nito ang agwat sa pagitan ng sining at buhay, entablado at katotohanan, teorya at pagsanay, halaga at paggawa, konsepto at materyal. Ergo, pilosopikal at ‘di-pilosopikal. Kung saan, ang pagsalin ng pilosopiya ay sa pamamagitan ng pagsagawa nito sa tunay na buhay — at hindi nakaposte sa kaharian ng mga ideya na nabubuhay lamang sa entablado.











