???
Nililito mo ako.
Higit sa aking mga duda, bakit kailangan mo akong pahirapan? Diba, 'yun naman ang gusto mo? Hindi ko na nga hinayaang habulin ka ng nararamdaman ko simula nung sabihin mong "itigil na lang natin 'to". Dali-dali akong lumipad papalayo tangay ang iisang alaala na panibagong pagkakamali ka na naman sa aking pagkatao. Hindi ko nga rin batid kung saan ko sisimulan, at kung paano huhugot ng dahilan para kalimutan ang maikling panahon nagbigay ka ng kakaibang pananabik sa buhay ko. Ngunit, ano na naman ito? Bakit?
Meron man akong pagtataka, ayaw kong ipagpalagay na hinahanap-hanap mo ako. Hindi ko naman nais ipagtulakan ang aking sarili at higit sa lahat ay hinding-hindi ako maglalagay ng anumang hinuhain sa mapaglaro kong isipan. Tungkol saan lahat ng iyong bungang-isip? Sino ba ang tinutukoy mong ayaw mong lumayo? Ano ba ang nilalaman ng 'yong puso? O isipan? Kung ano man ang nais mong iparating, pakiusap, kailangan ko ng kasagutan.
Litong-lito na ako. Batid ko, na alam mo ang kinahinatnan nating dalawa. Ikaw ang martir na patuloy na kumakapit sa kasinungalingan, at ako yung inutil na nagnanais kang pasanin paalis sa nakaraan. Sa pagkakataong iyon, ay siguro'y minamahal na kita, ngunit pilit na nagbulag-bulagan at ninais kang imulat sa katotohanan, kahit sa kaloob-looban ay nasasaktan. Siguro nga'y matatangap ko rin na tama ka sa naging desisyon mo, pero bakit hanggang ngayon, nanatili pa rin ang koneksyon?
Sabihan na nila ako ng "tanga, istupido, bobo", lahat talaga ng pagkatino ay masasaid ngayon. Ubos na ubos na. At ang natatanging katotohanang magmumula sa'yo ang siyang pupuno sa nalulusaw kong isipan. Madali lang naman. Kung talagang ayaw mo na, magpapatuloy ako sa buhay. Kung mananatili ka, 'yun ang magiging rason at siyang magbibigay-linaw sa lahat.
Kaya kung maaari sana, kahit sa sagot na may iilang salita, bakit mo ako nililito?










