Eleksyon: Magulong Mundo
Eleksyon ang pinakadelikado at pinakamagulong buhay na maaring pasukan ninuman. Higit na mas magulo pa ito sa buhay-artista. Subalit bakit napakarami pa ring mamamayang Pilipino ang nagbabalak-pasukin ang buhay-pulitika? Napakarami pa rin ang nagkakandarapa sa pagtamo ng inaasam-asam na posisyon? At bakit napakarami pa rin ang mag taong nagpapatayan sa ngalan ng kapangyarihan at kayamanan?
Ito na nga ang ilan sa mga dahilan kaya ko nasabing delikado at magulo buhay-pulitika sa kadahilanang hindi maiiwasan ang hindi pagdanak ng dugo sa tuwing magkakaroon ng eleksyon sa Pilipinas. Maging sariling kaanak o magkakaanak ay nagpapatayan para sa posisyon at sa ngalan ng kapangyarihan at kayamanan. Tunay nga namang masasabi kong napakarumi ng eleksyon at kabuuang aspetong pampulitika ng bansang Pilipinas.
Ang ilan pa sa mga kamaliang nakikita ko ukol sa pulitika sa Pilipinas ay napakadaling gawin at napakababaw sundin ng mga kwalipikasyong dapat taglayin ng isang taong nagbabalak tumakbo hindi lamang sa pagkapangulo kundi pati sa lahat ng antas ng posisyon mapalokal man o nasyonal. Ang datingan tuloy nito ay kahit sino pwede pumasok sa pulitika at kahit sino pwede tumakbo basta ba ay makumpleto at mataglay niya ang hinihinging kwalipikasyon sa pagtakbo. Ang resulta nito ay napakarami nilang nangangandidato at napakarami nilang mangangako ng mga pangakong mapapako.
Hindi nasasala ang mga taong tatakbo sa isang posisyon. Magugulat ka na lang sapagkat napakahaba at napakarami ng listahan ng mga tatakbo: kilala man o hindi at ang iba sa kanila ay mistulang wala lang magawa sa buhay, kulang lamang sa pansin, gusto lamang sumikat at napadaan lamang at saka naisipang tumakbo. Sa Pilipinas, usong-uso rin ang mga sikat na artista na kadalasang tumatakbo sa pulitika. Hindi na sila nakuntentong umarte, kumanta at sumayaw sa harap ng maraming tao at lumabas sa sari-saring programa sa telebisyon kundi ay naisipan pa nilang pasukin pati na ang mundo ng pulitika. Nakalulungkot lamang isipin na marami sa mga artistang ito ay hindi nakapag-aral, kung nakapag-aral man ay hindi nakapagtapos at sila pa ang ay may lakas ng loob na tumakbo at kadalasan ay sila pa ang siyang nanalo laban sa mga ordinaryo at simpleng taong tumatakbo subalit tunay nga namang may ibubuga sapagkat nakapagtapos sila at propesyonal sa iba’t ibang larangan. Kadalasang nanalo ang mga artistang ito dahil sa sila ay sikat, higit na maraming nakakakilala sa kanila hindi dahil sa sila ay may maayos, mabuti at magandang plataporma kundi dahil sa sila ay lumalabas sa telebisyon. Ano na lamang ang magiging kinabukasan ng ating bansa sa susunod na henerasyon? Ano na lamang ang tingin sa atin ng ibang bansa kung hanggang ngayon ay ganito pa rin ang ating sitwasyon? Mabibigyan ba ng mga artistang ito na ngayon’y opisyal na ng gobyerno ang mga problema ng sapat na solusyon? O patuloy pa rin tayong maghahanap ng sapat na kasagutan sa tambak-tambak na kwestiyon?
Karamihan sa mga artistang tumatakbo ay gusto lamang mas yumaman pa. Ito ay yuong mga artistang sawa na sa pag-arte subalit nais nilang kumita at magkapera kaya buhay-pulitika naman ang kanilang pinasok. Mga artistang may alam sa pulitika, gobyerno at ekonomiya subalit hindi sapat ang kanilang kaalaman at karanasan sa pagpapatakbo ng bansa sapagkat hindi sapat ang may alam lamang. Yung sitwasyong akala nila sapat na subalit kulang pala, akala nila tapos na subalit may kasunod pa pala, at yung tipong kampante na silang naresolba na ang isang problema, ang hindi nila alam ay naging dahilan pa ito ng panibagong problema. Kung hindi artista, eh buong pamilya naman ang nasa posisyon o mas kilala sa tawag ng political dynasty. Sila at sila na lamang ang nakaupo mula pa noong matagal na taon hanngang ngayon. Sila patuloy na yumayaman smanatalang patuloy namang humihirap ang mga mamamayan.
Hindi rin nawawala sa pulitika sa Pilipinas ang mga masalimuot na kaganapan sa tuwing darating ang eleksyon. Marami sa mga tumatakbo ang pinapatay at pumapatay kahit wala pa ang mismong araw ng eleksyon. Tulad na lamang ng Maguindanao Massacre at kabi-kabilang patayan sa iba’t ibang dako ng bansa na may kinalaman sa pulitika. Nakalulungkot isipin na napakaraming inosenteng mamamayan ang nadadamay at namamatay sa maruming takbo ng pulitika sa Pilipinas. Hindi rin mawawala sa listahan ang mga relasyong pagkakaibigang nababahiran, nalalamatan at nauuwi sa hiwalayan dahil sa kabi-kabilang labasan ng baho, mga simpleng isyung pinapatulan para lumaki at maikalat sa publiko, paninirang-kapwa, paninirang-puri; totoo man o hindi ay maaring makapagdulot ng problema sa isang indibidwal gayundin sa kani-kanilang pamilya, ito lamang ay ilan sa dahilan kung bakit ko nasabing napakagulo at napakarumi ng pulitika sa ating bansa.
Talamak din ang panunuhol o pagbibigay-pera sa mga botante sa tuwing darating ang eleksyon. Masakit isipin na sa halagang limang daan o isang libo ay ipagpapalit mo ang iyong sariling desisyon, mawawala ang iyong reputasyon at maisasakripisyo ang susunod na henerasyon sa kadahilanang nasilaw ka sa pera subalit ang kapalit naman ito ay ang napakahabang taong kahirapan dahil na rin sa maling kandidatong nanunungkulan. Gayundin ang mga smartmatic machines o mas kilala sa tawag na PCOS Machines ay nababahiran na rin ng pagdududa dahil ang mga ito ay napapsakamay sa mga maling tao. Walang kasiguraduhan kung tama at wasto pa ba ang inilalabas nitong mga boto o kabuuang boto sa bawat presinto. Sapagkat kahit na ang mga PCOS Machines na ito ay likha ng makabagong teknolohiya ay walang sinasanto at pinapalampas ang mga taong tunay nga namang uhaw sa kapangyarihan at kayamanan mailuklok lamang sa nais nitong posisyon.
Sa lahat ng ito, nawa’y magsilbing aral na ang mga nakaraang kaganapan sa ating bansa sa tuwing darating ang eleksyon. Nasa kamay ng bawat sambayanang Pilipino ang kinabukasan ng Pilipinas sa susunod na mga taon. Kung papairalin lamang nila ang pagiging tapat sa sarili at sariling bayan, may paninindigan at may karapatang ipinaglalaban at marunong gumawa ng sariling desisyon ay tunay nga namang makakamtan ang inaasam-asam nating kasaganaan, kaunlaran, kalayaan at kapayapaan.















