Noong nasa sekondarya pa lamang ako ay umaapaw na ang interes ko sa nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo at ito rin ang dahilan kung bakit Filipino ang paborito kong asignatura noon. Kaya naman ng malaman ko na magkakaroon ng isang pelikula na hango sa dalawang nobelang ito ni Dr. Jose Rizal, napuno ang puso ko ng galak at sabik.
Galak dahil sigurado akong isa na namang dekalibreng pelikula ang ihahain ni Lav Diaz sa mga Pilipino.
Galak dahil sunod-sunod ang mga premyadong pelikula na inilalabas ng Pilipinas.
Sabik dahil ang pelikulang ito ay tumatalakay sa pinagmulan at mga pinagdaanan ng ating bayan.
Sabik dahil sa tagal ng panahon na wala ako sa paaralan ay muling mananariwa sa aking alaala ang kwento ng dalawa sa mga pinaka paborito kong nobela.
Tinanggap ko ang pagsubok na ito. Dumating ako sa sinehan ng handa. Walong oras na pakikipagsapalaran sa sinaunang Pilipinas. Walong oras na pakikisalamuha sa mga bayani, engkanto, at mananakop. Walong oras na pakikinig sa usapan ng mga Pilipino na naghahangad ng pagbabago.
Itim at Puti lamang ang makikita mo sa walang oras na pag-ikot pelikula. Awit ng sinaunang kundiman na kaysarap sa tenga. Huni ng ibon, ihip ng hangin at agos ng tubig ang tanging maririnig. Ibang-iba sa mga pelikulang karaniwang tinatangkilik at pinipilahan ng mga tao. Ngunit pagdating sa sinehan ay nakakatuwang pagmasdan na punong-puno ito ng mga Pilipinong sabik na makasaksi ng kakaiba at walang katulad na obra.
Isa sa mga ikinatuwa ko ay ang bawat salitang lumalabas sa bibig ng mga karakter. Umaapaw sa mensahe ngunit hahayaan mo nalang ang sarili mo na malunod. Malunod sa lalim ng mga pahiwatig at malunod sa ganda ng wikang Filipino.
“Nauulit ang kasaysayan, wari bang iyan ang sumpa ng bayang ito. Bakit Tiyo?” – Isagani
“Kailangang maunawaan ang mali ng nakaraan upang makaalpas sa hapis na nagkulong sa ating bayan sa siklo ng sumpa.” – Padre Florentino
“Walang kabiguan sa tamang pakikibaka, walang kabiguan sa tamang paghihintay.” – Simoun
Ilan lamang yan sa mga linyang tumatak sa isip ko na dahilan kung bakit kahit tapos ko ng panoorin ang pelikula ay pakiramdam ko na nakalubog pa rin ako at hindi na ako maisasalba pa.
“Tumingin ka sa salamin, nasa iyong murang gulang ang kasagutan. Baguhin ninyo ang mga pagkakamali namin.” – Padre Florentino kay Isagani
Dito sa linyang ito ko napatunayan na hanggang ngayon ay buhay pa rin ang pinaniniwalaan ni Dr. Jose Rizal na “ang kabataan ang pag-asa ng bayan.”
Isagani:”Makasarili ang sining.”
Simoun: “Ang manlilikha, maaari, ngunit hindi ang sining. Isa lang ang sinasabi ng sining. Kalayaan. ”
At kung hindi tayo matatakot na ipahayag ang ating mga sarili ay makakamtan natin ang tunay na pagbabago at paglaya.
Maraming Salamat sa pag-gising sa kamalayan ng bawat Pilipinong nanuod ng obra mo, Lav Diaz.
Maraming Salamat sa mga mensaheng ipinada ng mga manunulat papunta sa bawat karakter patungo sa mga manunuod.
Maraming Salamat sa pagkakataong ibinigay ng mga producers para mas makilala pa namin ang ating Bayan.