Ako naman.
Masayang makihalubilo sa kanila, lalo na 'pag ang panahon ay kakaiba. Walang hinto ang pagsabi ng "oo" kahit pagod na, itutuloy pa rin ang pagtawa kahit may pangamba. Ako naman.
Sa pagsara ng kurtina ng kaganapan, ang langit at lupa ay muli ka na naman pinagsakluban. Ang buhay na parang gulong, hindi ba maaaring magdahan-dahan? Ako naman. Oo.
Ako, ang taong pabaya, ang taong walang ibang hiniling kundi magpasaya. Wala eh, ganun talaga pag hindi mo nakasanayan isipin ang sarili kesa sa iba. Ako o sila, kayo o ako, hindi na dapat tanungin 'yan diba?
Kamusta na ba ko? Ako naman kaya? Wag na. Ganun din naman. Depresyon na pala ang aking natuluyan nang ako'y maligaw sa mga salitang "walang anuman". Ako naman.
Ako naman sana ang kamustahin, ako naman sana ang tanungin. Dahil hindi na alam kung ano pa ang dapat gawin, sa matagal na panahon na aking pasanin.
Ang aking ulo ay aking itutungo, at ang luha at lungkot ay pilit na itatago. Kasabay ng pag ngiti sa harap ng maraming tao.
Iiyak, tatawa, di ko na alam ang dapat na maramdaman pa. Sa kalungkutan na aking nadarama, gustong gusto ko na sumuko talaga. Ipipikit ang mga mata at hihintaying iwanan na ng sariling hininga, katulad ng pang iiwan na ginawa nila.
Sana sa pagkakataon na 'yon ay may makapansin. Na ginawa ko ang ang lahat upang hindi balewalain. Ginawa ang lahat para maging tunay at hindi alisin, ang mga ala-ala at ngit na aking inihain. Upang sa ganon, ako'y hihimlay at sasabay na lang sa hangin.
Salamat sa babaeng manunulat na naging basehan ko ng mga linya. Pasensya na kung may mga linyang saktong sakto sa mga kataga mo, sakto din kasi sa kwentong nais kong ihayag.














