Minsan ang sagot sa tanong ay yung nagtatanong.
Magulong Hiwaga  ng Tao
ni Sharon Lotino
 Sa tulang aking nilikha
Lahat ay matalinhaga
Tao ang paksa ng katha
At ang tema ay sa paksa
 Sa nilikha ni Bathala,
Kasama raw ba ang wala?
At kung paano nagawa,
Likha'y hinayaang sala?
 Hiwaga'y di naiwasan,
Ng paksang naguguluhan
Tugo'y inantabayanan,
Pag-asa sa kabatiran
 Pagsikat ni gandang araw
Hatid ay 'sang simbolo raw,
Na pag-asa'y matatanaw
At ang hapdi'y malulusaw
 Munting saya'y natamasa
Ilang problema'y nawala
Ang sandali'y may halaga
Araw nawa'y tumila na
Ngunit saya'y tila kidlat,
May kislap pero masaklap
Ang konting sayang nalasap,
malabagyo ang katapat
 Tuloy tao'y natuliro
sisisihin ba ay sino?
bakit ganitong delubyo,
dumarating sa mga ito?
 Bakit sa dakong ligaya,
ang dulo ay lungkot pala?
Litong siklong nadarama,
magagawa pa bang linya?
 Problemang nararanasan,
Tunay bang may katapusan?
At kung totoong meron man?
San' darating ang kailan?
 Sa dulo ng katapusan,
mainam na masilayan-
Hibla ng katotohanan
Sa lahat ng naguluhan
 ang bawat dagok sa buhay
Kaantaba'y sayang tunay
Kung ang maitim na bagay
Ay pipintahan ng kulay
 Liwanag ay makakamtan
Basta't pinaghihirapan
Ang madilim na daanan
gawing mailaw na hagdan
 At ang komplikadong tanong,
Saguting tila marunong
Sapagkat kapag umurong
Tuloy lamang sa pag-usbong
 Sa bawat katanungan ko
Reaksyon sana'y seryoso
Upang sana'y may matuto
Sa kapwa'y maging panuto
 Marami pang katanungan
Ang maaaring bitawan
nating nahihiwagaan
Para lang maintindihan
 Na ang lahat may hiwaga,
Mapatunay man o katha
At ang tanging magagawa,
Sarili'y dapat may lagda
 Ang landas ay di diretso
Na tila ba isang metro,
Minsa'y dapat ding lumiko
Dahil ito'y gusto’t wasto.













