Bahid Pulitika: Saan kayo papanig?
Sa pula o sa dilaw? Pro-justice or Pro-administration? Trolls or real news? Saan ka ngayon papanig? Ano ang sigaw mo sa buhay pulitika? Sa totoo lang po, ako ay nalilito sa mga panig ng makabilang-dako. Nahahati na ang ating bansa hindi dahil sa mga isyu ng lipunan kundi sa ating pananaw sa pulitika. Paikot-ikot na nga ang mga namumuno sa Pilipinas dahil kadalasan ay mga angkan ng pulitiko ang naluluklok ng taumbayan kapag halalan.
Kayumanggi ang kulay ng balat ko pero walang kulay ang aking pananaw sa pulitika. Mahal ko ang Pilipinas at ipinagtatanggol ko ang mga biktima ng kawalang-hustisya. Hindi ako pumapanig sa #TeamDilawan at hindi ako kumakampi sa #TeamPulaan. Sa mga balita noong mga nakaraang linggo tungkol sa Pagpapalibing kay Dating Pangulong Marcos, tila nga ipinapakita nila ang paglaban sa kawalang-hustiya. Sila ay pro-Justice at hindi sila #TeamDilawan. Alam nila kung ano ang ipinalalaban nila.
Samantalang, desperado na ang #TeamPulaan na awayin ang mga nagproprotesta laban sa Pagpapalibing kay Marcos. Gusto nilang magpapansin naman sa social media sa pamamagitan ng mga bayad na fake accounts at trolls. Ang resulta nga sa ngayon, na-cyber tokhang ang ibang account ng mga pro-Justice. May banat na naman ang isang blogger dyan tungkol sa pagbitiw ni Bise Pangulong Leni Robredo bilang Kalihim ng HUDCC. Ano ba ang ipinaglalaban mo teh at bakit ka naiinis sa Bise Pangulo? Miyembro ka ba ng #Pulaan? Karamihan sa mga pulaan, gagawa ng paraan para manlamang at manira ng kapwa.
Noong Disyembre 13, gumawa siya ng opinyon sa isang pahayagan patungkol na naman sa Bise Pangulo. May plano raw ang mga dilawan na patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte na mismong kasinungalingan sa mata ng marami. Walang ginagawa ang Liberal Party sa ganyang plano. Saan mo ba nakukuha ang ganyang tsimis? Ang tsimis ay tsimis at ang balita ay balita. Ang kulay pulitika ay hindi lamang sa dalawang malaking angkan: ang mga Marcoses at ang mga Aquinos, kundi sa kung paano pinatatakbo ng bayan sa pamamagitan ng pamamahala ng isang lider.
Ano ba ang dapat ba nating ipaglaban: katotohanan o kasinugalingan? Muli, wala po akong pinapanigan sa mga nagpoprotesta na iyan laban sa Marcos burial, EJKs at iba pang plano para siraan ang Pangulo. Tayo ay demokratikong bansa at may kalayaan tayo para ipahayag ang ating opinyon sa mga isyu ng lipunan. Good luck sa atin. Ang hiling ko lang, sana magkaisa na talaga tayo.













