POV
'Tila labinlimang minuto palang ang nakakaraan pero isang stick nalang at ubos na ang half-pack nya na binili kanina sa 7-11. Gigil na gigil sya sa paghithit sa filter, na parang nguso ng kanyang nobya, sabay buga ng mainit at makapal na usok.
Pinagpalagay ko nang inaantay namin pareha ang susunod na tren. Kasabay ng mga aleng may dala ng mga bayong at bilao na wala ng laman, kasabay ng mga bakasyunista, at kasabay din ng isang grupo ng kabataang wari ko'y kakagraduate lang sa kolehiyo at nagbalak maghanap ng trabaho sa mapangahas na syudad.
Umuulan noon at gusto ko syang lapitan para makihati sa payong. Gusto ko sanang simulan ang aking eksperimento para sa Sociology subject ko ngunit ako'y nangambang baka hindi siya marunong mag-Tagalog. Lumapit ako ng bahagya hanggang isang dipa nalang at magdidikit na ang aming mga balat. Amo'y alak. Siya'y lasing, lasing sa pag-ibig.
Bubuka na sana ang bibig ngunit naunahan ako ng sigaw ng pagod na tren. Lahat kami ay nagatubili, parang mga alipin ni Imelda. Naunang pumasok ang mga aleng may bitbit na bayong at bilao, sinundan ng mga naghahagikhikang mga bakasyunista, pagkatapos sumakay narin ang mga sawing kabataan.
Magsasara na ang pintuan ng tren, pero hindi parin sya umaalis sa kaniyang kinasasandalan. Ako’y nababagabag. Tumigil ang ulan sabay sa aking pagsakay.
Nasisira ang ulo, nalulungkot, nawawalan ng ulirat, nagagalit, nawawala ang pagkatao ng mga taong hindi nangyayari ang inaasam.
Hindi lahat ng bagay ay may malubhang dahilan. Hindi lahat ng dagat ay malalim.
Madalas, literal ang buhay. Walang kumpas ng malumanay na musika habang ika’y naiyak, walang mabait na estrangherong magtuturo kung nasan ang tamang daan bago pa man magtanong, walang mahika. Gigising ka ‘twing umaga para mapagod at humimlay muli.
Ikaw magiisip ng gusto mong kulay. Ikaw rin ang magpipinta. Walang di-karaniwan.
-K












