PULSO
Ang tulang ito ay para sa lahat ng mga Pilipinong nasaktan o binawian ng buhay habang nagpoprotesta at ipinaglalaban ang tama, Habang ipinaglalaban ang mga karapatang inagaw sa kanila. -
Pinilit kong hanapin ang himig ng iyong buhay Sa gitna ng ating mundong magulo ngunit makulay. Sa atin ay nakapaligid ang  pula  at puti  at mga boses na naghihiling na makamit at makita ang bughaw  at ang kulay ng hustisya. Hinawakan ko ang 'yong kamay  at sinipat ang pagbaga ng iyong dibdib,  na dapat ay bumubukol at pumipintig  sa ilalim ng manipis na balat  ang nagpapatakbo ng buhay  sa 'yong mga ugat  ang tunog ng 'yong pusong lubos na nagmahal  at nagmamahal   sa lupaing pinagtatapunan ng iyong dugo   ng iyong buhay Hinanap ko, Hinanap ko  habang pinagmamasdan mo ako,  namumutla't umaagos ang luha sa 'yong mga matang pugad ng paglagablab   ng 'yong galit,   gutom,   pagod. Gumalaw ang 'yong mga labi't may pilit na inihahabilin sa akin  sinabi mo atang mahal mo ako  ngunit wala akong marinig  kundi ang gulo ng ating paligid Pinipilit kong hanapin ang tibok ng iyong puso. Ang huni ng 'yong pag-ibig na tuwing gabi'y nagiging aking pampatulog  ang pintig na hindi tumitigil sa paglaban  para sa akin   sa atin    sa ating bayan. Ang daming sumisigaw ngunit hindi ko na marinig ang iyong mga hiyaw na dati'y nangingibabaw sa kanilang mga pagtatangis Hindi ko na marinig ang sigaw ng iyong damdamin dahil ito,  ang buhay mo  ang ipinaglalaban mo   ay isang bulong na lamang na    humihina
     humihina
      humihina.
At biglang nanaig ang katahimikan. Â
















