"Years of Love" - a creative writing in tagalog
Dito, dito sya parating umuupo. Ayaw nyang masyadong nakikita, ayaw nyang napapansin. Di tulad ko, madali kong makuha ang loob ng aking mga propesor. Bukod sa ang apelyido ko ay pangalawa parati, masyado raw akong pa teacher's pet, dahil sa ako’y pala-aral, nagmumuka tuloy akong bibo para lamang sa grades. Ngunit sa totoo lang, wala akong alam sa aking paligid, para ba akong probinsyanang walang kamuang muang sa Maynila, habang siya naman, gamay na gamay nya ang kumpas ng mundo. Nagkakilala kami hindi sa layo ng aming kinauupuan, kundi sa aming kaibahan. Una kaming nagkausap dahil sa drowing na aming ipapasa sa araw matapos bukas. Hindi ko sya kilala. At wala namang hindi nakakakilala sa akin. Nagkataon lamang na dahil sa ako ang inatasan na maghawak ng orihinal na kopya ng aming ipapasa, sa akin sila lahat lalapit. Isa sya sa mga lumapit. Hiningi ang numero ng aking cellphone upang masabihan ko raw siya sa mga ipagagawa ng aming propesora. Pumayag naman ako. At ayun na din ang simula ng aming pagkakaibigan.
Napakarami naming pagkakaiba na para bang wala kaming dahilan para magsama. Ngunit parati rin kaming magkasama. Parang magnet na tangi lamang ang negatibong simbolo ang pwedeng kumapit sa positibong simbolo. Hindi na rin kami napaghiwalay simula nuon. Heto yung mga panahong hindi namin malilimutan, gabi sa labas ng mga pader ng maynila, maulan, magulo, maraming istatwa, maraming jeep, at maraming mga taong nagkukumpulan at ayaw maabutan ng baha. Kahit gabi’y maliwanag parin dahil sa dilaw na ilaw na pawang tumubo sa mga puno. Mga ilaw na nagsisilbi ring dekorasyon para sa nalalapit na pasko. Heto ang mga panahong akala kong malas, dahil sa pagkasira ng aking suot na sandalyas, at sa walang tigil na pagusong sa tumataas na tubig. Ngunit hindi ko ito malilimutan dahil kasama ko sya, kasama kong pumoprotekta at umaalalay sa akin. Kahit ito'y normal na gawain nya sa mga babae, ito'y labis kong ikinatuwa. Heto ang mga panahong pumupukaw ng labis na kasiyahan sa unang pag-buhay ng pag-ibig.
No’ng tangan ng nanay ang munting mong mga kamay, Ika’y tuwang-tuwa, panatag ang loob, Sa damdaming ika’y mahal
No’ng nakilala mo ang una mong sinta, Umapaw ang saya at siya’y ibang-iba ,Sinasamsam ang bawat gunita
Tulad ng ibang pagiibigan, may bawal, may pwede. May mga limitasyon na pawang bumubulabog sa iyong kaisipan tuwi na lang may magtatanong kung anong meron sa inyo. Maraming tutol, maraming naninibugho. Maraming nagiisip ng paraan kung papaano kami mapaghihiwalay. Pero parang mapaglaro talaga ang pag-ibig, mawala lang ang kadikit, nagiging parang sapatos na walang kaparis… walang-silbi. Gagawa at gagawa ito ng paraan upang magkabalikang muli. Sa mga panahong ito hinuhulma ang relasyong inaasahang magtatagal ng hindi lang isa o dalawang taon. Ito ang mga panahong parang gintong bagong hukay na dikit pa sa bato. Pinainit sa pinakamataas na temperatura, upang mahiwalay ang bato sa ginto at maging puro. At para ring dyamanteng sinasala, at inuukit ng matatalas na makina para maging kuwintas. Marami mang hirap ang danasin, hayan pa din, magkasama at buo pa rin.
Sa paglipas din ng mga panahon, habang nagkakakilalahan, napagalaman din namin ang bawat kaibahan ng isa't isa. Nalalaman ang mga bagay-bagay na akala mo'y ayun na, ngunit iba pa pala, mga bagay na hindi kadalasang ginagamit, ngunit ayun pala at gamit na gamit, mga bagay na maaring makabaling ng iyon pansin, dahil hindi ito karaniwang gawain ng ibang lalaki. Ayun, siya naman pala ay likas nang konserbatibo, sya naman pala ay hindi ganoon kagiliw. Siya naman pala ay may katamaran sa pagbabasa, at mahilig mangalikot ng mga elektronikong mga gamit. ayun naman pala syang mababaw ang ugali ngunit malalim ang pagiisip. Mahiyain, maawain sa may-edad, at may pusong mamon sa mga nangangailangan ng tulong. Marami pang iba, marami pang mga ugaling unti-unting bumubuklat dahil sa lumalalim na pagsasama. Unti-unti na ring gumugulong ang aking kaisipan at namumulat sa mga hindi ko pa nalalaman, oo, sya ang nagmulat sa akin nito. Dahil kung saan ako lumaki, wala nito. Nalaman kong hindi sa lahat ng pagkakataon, tama ang unang impresyon. Hindi sa lahat ng panahon, madaming sasangayon sa akin, at higit sa lahat, hindi sa lahat ng pangyayari, ay madami ding kakampi. Tama sya, dinanas ko ang pait, at sakit, naranasan kong masaktan, makasakit, pero sa kabila nito'y kasama ko siya at tinutulungan akong umahon tuwing nadadapa.
Hindi mo malimutan kung kailan nagsimulang matuto kung papa’no magmahal. At ‘di mo malimutan kung kailan mo natikman ang una mong halik, yakap na napakahigpit, pag-ibig na tunay hanggang langit
No’ng tayo’y nagkakilala nang hindi sinasadya, ikaw lang ang napansin, nahuli sa isang tingin, at sa pagbati mong napakalambing
At gayon din naman, para bang paulit ulit na lamang ang lahat nito. Minsan, nakakasawa, parang hindi rin humuhupa ang mga maiinit na mata na gustong makatapak sa kinatatayuan ko na kasama siya. At kahit gaano kasarap ng pagsasama, kahit gaano ka kakampante, kahit gaano kasaya, meron at meron ding pagkakataong hindi maiiwasang mabaling ang pansin sa iba. Ayun, ayun na ang mga mapapait na panahon. Kung saan para bang tulog na tulog ang bagot na kaisipan. Dahil sa paikot ikot na alitan, mga di pagkakaunawaan, di naalintana, hayan nanghimasok na pala ang mga mapagsamantala. dahil dito, anino na lamang ang kaulayaw, panay usok ang kausap, at guhit na lamang sa lalamunan ang nararamdaman mula sa iba't ibang uri ng pulang likido. At tuwing papalubog ang araw, pilit na kinukumbinsi ang sarili na wala na, iba na to. Kailangan ko nang masanay, at wala na akong magagawa.
Pero hindi eh, patikim lang pala iyon, at pag hindi mo nagustuhan, babaguhin na lamang ang sangkap, upang maiba ang lasa. Handa na ako noon, handa na akong harapin ang pait niyon. Siya naman, hindi. Kung saan saan ako nagdako. Kung saan saan ako naghanap ng mapagbabalingan ng attention dahil sa pag-iisa. Pero lingid sa aking kaalaman, pilit nya pala akong hinahabol, pilit na inaabot, pilit na binabalik ang kahapon naming maraming pinagsamahan, at teka, mukhang napapalingon akong muli. Pag gusto nga naman, maraming paraan, at bilang babae, puso pa rin ang nanaig. Kaya't napagpasyahan na lamang na itapon sa likuran ang anumang mga galos na dumaan sa aming munting pagiibigan. Bulabog lang ito sa tulog na isip. Tibok... at muli nanamang nagising.
Hindi ko malimutan kung kailan nagsimulang matutong ikaw lang ang mahalin. At ‘di ko malimutan kung kailan ko natikman ang tamis ng ‘yong halik, yakap na napakahigpit, pag-ibig mong tunay hanggang langit
Kaya ngayon, heto ako, sa upuan kung saan sya parating nakaupo. Dito, dito sa upuang ito, dito, sa bandang dito, marahil tanaw nya ang mundo sa labas ng isipan ko. Kitang kita nga naman ako. Kilala man ako ng karamihan, pero sa bandang dito, nakilala nya pa ang kakaibang ako. Ito na pala, mga pagkakataong nagpalapit sa amin upang marating itong muling paggunita sa nakalipas. Matamis, mapait, magulo, o nakakalito. Eto pa rin kaming patungo sa harap. At ilang taon pa man ang lumipas, ganito na kami. Wala pa man kami sa haba ng taon na pwedeng ipagmalaki, pero natitiyak kong itong taong ito, habang papalapit ang araw kung kailan kami unang nagpalitan ng matatamis na oo, ay taon na dapat na talagang gunitain. Kaya nga masasabing nalampasan namin ang unang yugto na may pinakamahirap na hamon, ANG PAGKILALA SA AMING SARILI AT SA ISA'T ISA. Marami pang hamong parating. Pero nakasisiguro akong wala nang makahahadlang pa, sa tunay na pagkilala sa isa na magpapatibay ng iyong pagkatao hanggang sa panahong hindi na mabibilang pa.
Dito na ako uupo. Para makita ko kung ano ba ang nasa harapan.
‘Di ko malimutan kung kailan ko natikman ang tamis ng iyong halik, yakap na napakahigpit, pag-ibig mong tunay hanggang langit...
Para kay Onesimo Dela Paz, Jr.
a creative writing i made a year ago...(also a 4th year anniversary writing for him) its in tagalog so pardon for those who cant understand. but mind you, this is kind of a love story, my love story... i was kinda inspired this time, i usually write poems and proses and other short sayings, now im really actually THAT into creative writing..(i got hooked up by its beauty, blame my gay writer professor). and i am actually practicing my filipino here... im a little of a mess in my own native tongue, but hey! ive improved though! :D so for those who understood, enjoy reading, for those who dont, feel free to ask me whatever.. haha! love is in the air my dear friends.. <3