“Iba ang lamig noong gabing huli mo akong hinatid. Marahil ay may bagyong paparating kaya malamig ang simoy ng hangin, humalo pa ito sa katahimikang sa ating gitna ay kumakapit, at sa pag silay sa'yong mga mata, tila wala na ang lambing.
Kay dami kong gustong ibilin ngunit hindi ko naman kayang sabihin, may takot sa puso na baka dito ka maka-bwelo, bigla mong aminin ang mga bagay na ayaw kong iyong sambitin ngunit sa patagal ng panahon, mukhang ang patungo ay doon na rin.
Sinenyasan ako ng kundoktor, oras na para sumakay ako. Oras na para maghiwalay tayo.
"Salamat sa paghatid sa sakayan."
Ngumiti ka ng kaonti, "Isuot mo yang jaket ko para hindi ka lamigin."
Tumango ako ngunit hindi jaket mo ang kailangan ko para hindi ako lamigin. Kundi isang salita na kahit patuloy kang lamigin ay paulit ulit mo akong pipiliin na isang araw ay babalik ang init ng mga umaga at sabay natin itong pagsasaluhan sa iyong paboritong lomian kung saan mo ako unang dinala at sinabing,
"Oo, sigurado ako sayo at pinipili kita."
Subalit lumipas na ang bagyo ay patuloy kang malamig sa piling ko. Araw-araw kong suot ang jaket mo sa oras na nilalamig ako sa paki-tungo mo. Araw-araw akong niyayakap ng mga alaala at lahat ng sinabi mo. Hangga't hinubad ko na ito dahil oras na para sumuko. Oras na para tanggapin na hindi na tayo magkaka-salo.
Hinubad ko na ito dahil oras na…
Para isauli ito sayo.” ---- Asul na Jacket, LAH











