Kaibigan ko lang
Maikling kwento na sinulat ni Pauline Gallenero
Pumunta si Juan sa paaralan kasama ang kanyang kaibigan na si Isabelle. Hinatid ni Juan si Isabelle sa kanyang klase at pagkatapos ay dumiretso na ito sa field habang naghihintay sa kanyang klase at para rin makapahinga at makapag-isip. Dumating ang kanyang mga kaibigan at inaya siyang maglaro ng frisbee dahil ito ang kanyang paboritong sport. Habang sila’y naglalaro, tinanong siya ng kanyang kaibigan kung may gusto ba siya kay Isabelle at ang sumagot siya ng “Wala, kaibigan ko lang siya”.
Nagsimula na ang kanyang klase at hindi mapakali si Juan dahil iniisip pa rin niya si Isabelle. Iniisip niya kung kaibigan nga lang ba ang kanyang pagtingin kay Isabelle o mahigit pa sa kaibigan. Sa buong klase, iyan lang ang nasa kanyang isip, hindi na nga ito nakikinig sa guro. Paulit-ulit niyang sinasabi sa kanyang sarili na kaibigan lang niya si Isabelle at wala nang higit pa sa pagkakaibigan. Natapos ang kanyang klase, pumunta si Juan sa tambayan ng kanyang barkada at tinanong na naman siya ng kanyang mga kaibigan kung may gusto ba siya kay Isabelle. Ang sagot na naman niya ay “Wala, kaibigan ko lang siya”. Tinatanong pa rin siya ng kanyang mga kaibigan at nagtaka na si Juan kung bakit interesado sila sa kung anong meron kay Juan at Isabelle kaya tinanong niya ang kanyang mga kaibigan, “Bakit ba palagi na lang kayong nagtatanong?”. Sumagot si David, ang isa sa kanyang pinakamatalik na kaibigan sa grupo, “Wala naman, ang close niyo kasi. Baka nagkadevelopan na”. Tumawa lang si Juan at biglang tumahimik at naisip ang mga masasayang araw nila ni Isabelle, napagtanto niya yung mga araw na iba ang kanyang titig sa mga mala anghel na mukha ni Isabelle, na sa isang ngiti niya ay nahuhulog na si Juan. Dahil dito, nakasigurado na si Juan na may nararamdaman siya kay Isabelle na higit pa sa kaibigan.
Kinabukasan, pinapunta ni Juan si Isabelle sa kanilang paboritong park. “May sasabihin ako sayo” sabay nilang sabi sa isa’t isa. “Sige, ikaw na mauna” dagdag ni Juan. “Hindi, ikaw na ang mauna. Ano ba yun?” sagot ni Isabelle. Sa oras na ito, nagdadalawang isip na si Juan sa kanyang sasabihin. “Nakalimutan ko eh, ikaw na ang mauna. Ano ba ang sasabihin mo? Magandang balita ba iyan?” sabi ni Juan. “Oo bestfriend! Kami na ni David! Hindi ako makapaniwala, ang saya ko. Ikaw ba, masaya ka ba para sa akin?” sagot ni Isabelle. Biglang gumuho ang mundo ni Juan, wala itong masabi, tumango lang ito at dahan-dahan na umalis na walang sinasabi kay Isabelle. Huli na ang lahat, aaminin na sana niya ang kanyang nararamdaman para kay Isabelle ngunit naunahan siya ng kanyang matalik na kaibigan.












