Hinukay ko ang Nakalimutang Pag-ibig
Hukay, kamay, kamay na naghuhukay
Tila bawat dumi na sumisiksik sa aking mga kamay
Ay hindi alintana sa puso kong nalulumbay
Na bawat patakng luha’y mistulang tumutulong sa aking paghuhukay
 Habang dumi’y kumakapal sa aking mga kamay
At bawat patong ng lupang aking hinuhukay
Unti-unting naliliwanagan sa mga ala-alang nakalimutan
At bawat patong ng lupa’y may nakabaong bagay mula sa aking nakaraan
 Noong una’y, nakahukay ako
Ng panyong may bakas ng mga luha ko
Na marahil tanda ng paglisan mo
At resulta ng pagbaksak ko
 Isang dangkal lang ang lalim
Nakakuha ako ng mga patalim
Na siyang sumugat at nagpaiyak
Ng puso kong busilak
 Sa hindi kalayuan, nakatagpo ako
Ng isang papel na sulat ay malabo
Marahil noo’y malinaw ito
At sa paglipas ng panaho’y nabura’t nabaon dito
 Sa paghuhukay kung inabot ng dalawang araw
Nakakita ako ng dalawang gintong taong nakatanglaw
Hawak kamay at nakangiti
Tila pagmamahal ang namayani at walang pighati
 Sa huling bahagi ng paghuhukay
Nakita ko doon nakahimlay
Tahanang nabaon sa hukay
Kung saan nabuo at nagkaroon ng buhay
 Doon ko lang nalaman
Na hindi ko ‘man lang inalam
Na nabuhay ako, lumaki’t nagkaisip
Nang wala siya sa tabi ko sa aking pag-idlip
 Sa huling paghuhukay
Sa tahanang minsang naging buhay
Nalaman ko ang aking kasaysayan
Na naging masaya ako ng hindi siya nasisilayan
 Masaya akong tumayo
Marahil dala ng pagkakahanap na noong nagkalayo
At hindi na muling sa limot ibabaon
At sa puso’t isip ibinaon
 Hindi na muli kalilimutan
Dahil ito ang inugatan
Ng kung ano at paano ako ngayon
Dahil babaunin ito maging sa sarili ko ‘man ang ibaon















