Negatibo at Positibo
Nagsisilbing isang komedya ang palabas na ito kaya nakakamit ang layuning magpatawa sa pamaraan ng pagpapakita kung paano tinatanggihan si Johnny ng mga babaeng gusto niya. Nagdudulot ito ng kaligayahan ngunit may mga problematikong aspetong mapapansin kung mas mainam itong isipin at susuriin tulad ng ugaling βhypermasculine narcissismβ ni Johnny. May posibilidad, bilang isang palabas sa mga kabataang magkaroon ng ideya ang mga batang manonood na normal at katanggap-tanggap mga kilos ni Johnny sa mga babae kahit hindi ito makatwiran. Para sa mga babae naman, nabibigyan sila ng stereotypical na mensaheng βmen only care about your looks.β Nabigyang-diin dito ang pagkakaroon ng binary opposition sa pagitan ng mga babae at lalaki dahil sa natatanging gender roles at stereotypes sa palabas.
Ngunit sa kaibahan neto, pinapakita sa pagtatanggi ng mga nagugustuhan ni Johnny na may mga bagay na hindi mo makukuha kung hindi mo ito paghihirapan at pagiisipan kahit gaano ka pa kamaskulado o gwapo. Makikita rin natin ang halaga ng pagkakaroon ng paniniwala at kumpiyansa sa sarili kung saan dito tayo nakakakuha ng lakas na gawin ang mga bagay na gusto natin. Ang pagkakaroon ng katangiang hindi umaasa sa iba para sa mga sariling pagsisikap na pinakita ni Johnny ay kahanga-hanga rin para sa kahit anong kasarian. Hindi lamang ang pagpapatawa ang pinakamabuting aspeto ng palabas na ito, kundi ang pagtingin kay Johnny bilang isang tao na may buhay na hangarin ang pag-ibig at kaligayahan.












