lampara: isang maikling kwento
“Justin! Ano ang aral ng kwento?”
Pangalawang beses na siyang tinatanong ng kanyang guro ngunit tila nakatitig sa kawalan si Justin. Hindi niya maalis sa isip ang matalik na kaibigang naghihintay sa kanyang pag-uwi. Saan na naman kaya kami pupunta ngayon?
“Riiiiiiiiiinnnggggg!!!” Laking tuwa nalang niya nang malaman na tapos na naman ang klase para sa araw na iyon. Niligpit niya ang kanyang mga gamit at nakikipag-unahan pa sa kanyang mga kaklase na lumabas ng pinto.
Pagkarating niya sa kanilang bahay, inilapag niya ang bag sa sopa at hinubad ang mga medyas para makapagpalit ng tsinelas. Muntik na niyang makalimutan ang lamparang matagal nang nakatabi at umakyat siya sa kanyang kwarto para kunin pa ito. Binitbit niya ang munting lampara, baka sakaling abutan sila ng dilim.
“Juts, tara na! Ang bagal mo naman eh!” Lumabas siya para tingnan kung sino iyon at tama nga ang kanyang hinala. Walang iba kundi si Marnie.
“Saglit lang kasi, kita mo nang kakarating ko lang eh.”
Nagpaalam siya sa kanyang nanay na nagdidilig ng halaman at hinalikan pa siya nito sa noo. Pumitas si Justin ng kapirasong sampaguita dahil nahuhumaling siya sa natatanging amoy nito.
“Oh, wag kayong magpapagabi ha? Mag-iingat kayo!”
“Opo, ‘nay!” At nagmamadaling nagbisikleta ang magkaibigan.
“Uy, subukan kaya nating puntahan yung tabing-dagat?” Nasasabik na paanyaya ni Marnie.
“Sigurado ka? Medyo malayo ‘yun ah.” Sagot ni Justin na halatang may pag-aalinlangan.
“Ano naman? Naka-bisikleta naman tayo eh. At saka wala namang pasok bukas!”
“Ang corny mo naman! Tara na, magugustuhan mo dun, sigurado ako!”
Nang makarating ang magkaibigan sa kanilang destinasyon, namangha sila sa bughaw na dagat na tila walang hangganan, at ang sariwang hanging yumayakap sa kanilang mga katawan. Malayo sa mga tao, malayo sa problema, malaya nilang makakasama ang isa’t isa. Itinabi nila ang mga bisikleta sa may maliit na posteng malapit sa pantalan at naglakad sila papalapit sa tubig, unti-unting nilalamon ng buhangin ang kanilang mga paa.
“Buti nalang tumuloy tayo dito.”
“Oo nga eh, ang ganda pala dito, ano?”
“Sabi sa’yo eh. Ayaw mo pa kasi pumayag pero papayag ka rin pala. Labo mo talaga.”
Napailing na lamang si Justin ngunit bahagya ring napangiti sa sinabi ng kaibigan. Nahuli niya ang sariling nakatitig sa kawalan, gaya nung tinawag siya ng kanyang guro. Hindi niya napigilang lumuha nang maalaala niya ang nangyari noon. Binitawan niya ang kanyang mga hawak at hinayaan niyang anurin ng tubig ang lamparang nagsisilbing ilaw ng kanyang buhay at ang paborito niyang sampaguitang may amoy na hinding-hindi niya makakalimutan.
Mga bagay na parehong nagpapaalala sa kanya sa matalik na kaibigan, ngunit minsan ay kailangang tanggapin na ang lahat ay may hangganan din.
“Salamat kasi nakilala kita.”
Isang taon na mula nang mawalay si Marnie sa kanya.