Kasaysayan ng pakikibaka (Entry #9)
Akala ko ang aming huling common module ay patungkol sa Drugs dahil sa parte ng kurikulum ng mga NSTP sa buong bansa ay pagkakaroon ng daan para pangatwiran ang kasalukuyang war on drugs. Buti nalang "Citizenship and Nationalism" ang naging pagtatapos ng aming common module rito. Maganda siyang paglalagom at pagtatapos ng lahat na natutunan sa mga nakaraang meeting upang malaman kung paano na nating tutugunan ang bawat isyu na tinalakay. Hindi tayo naiiwan sa kawalan at tinatanong sa sarili "Ano na?" o, mas nakababagabag, malilimutan na lamang.
Sa diskusyon ni Ma'am Presto, tinalakay niya ang pagkakaiba ng batayan ng pagiging parte ng isang nasyon at estado. Kung ang citizenship ay nakapatungkol sa pagiging kabilang natin ng isang bansa at sinusundan ang mga batas at konstitusyon nito, ang nationalism ay mas kultural at panlipunan. Napapabilang tayo sa isang "nasyon" o komunidad dahil sa pagkakakilanlan natin sa pare-parehas na kasaysayan, kultura, at iba pa. Dito nabubuo ang nasyunalismo na siyang, (supposedly), magpapakilos sa mamamayan na sumapi sa citizenship.
Ang problema ko rito, na siyang idiniin naman din ni Ma'am Presto, na ang pag-iisip na ganito ay pinipisat ang kulturang Pilipino na para bang iisa lang umiiral na kultura, wika, relihiyon, pagidirwang, at iba pa. Sa pagkakaroon ng higit 7000 na isla, hindi natin pwede ipilit ang pagkakaroon ng isang identidad na galing sa aspeto ng kultura. Hindi nga lahat ng wika sa Pilipinas ay mayroong 'po' at 'opo'. Nagkakaroon pa nga ng diskriminasyon sa pagitan ng iba't ibang grupo dahil sa sa iba't ibang paniniwala. Ano ngayon ang nakakapagkaisa sa mga Pilipino? Mula sa pag-aaral ko ng kasaysayan, ito ang sama-samang pakikibaka o collective struggle natin laban sa mga kolonisador at iba't ibang tanikala. Ito ang hindi masyadong nadidiinan sa pag-aaral ng kasaysayan ng bansa sa mga history subjects natin sa paaralan. Iniisip ng DepEd at CHED kung paano papayabungin ang damdaming makabayan ng mga mag-aaral upang paglingkuran nila ang sambayanan (kaya naman may NSTP) pero ang daming mga asignatura na tinatanggal gaya ng Filipino sa ilalim ng CHED Memo 20 at kahit ang Philippine history! Paano kaya mabubuo ang nasyunalismo at "citizenship" kung ang mga avenue upang pag-aralan ito ay tatanggalin? Kung sabagay ay hindi nga natin ito maasahan kung parte pa rin ang mga institusyon na ito ang reaksyunaryong estado na, syempre, nais panatilihin ang kanilang kapangyarihan.
Kaya sa naangangambang politikal na sitwasyon ngayon, dapat humihigit na tayo sa pagiging "socially aware" na lamang. Ito ang pagkakaroon ng sensitivity dahil "aware" tayo sa pagkakaiba-iba natin. Ngunit hinihingi na sa atin ang mangahas at militanteng pagtutunggali sa hegemonya na ito - hindi na lamang sa maayos na pakikisalamuha sa iba bagkus ay inaaral na natin kung bakit ganito ang lipunan at kung paano natin ito babaguhin. Ito ang ginagawa ng isang aktibista - kung saan man sa political spectrum ang kanilang kinabibilangan. Hindi naman kinakalaban ng mga aktibista ang nakasanayan nang kultura at lipunan nang hindi pinag-aaralan ito dahil dito rin nabubuo ang mga plano at solusyon. Dapat pa nga mas pinapalawak ang kaalaman sa pagkikipagtalastasan dahil dito mas napapatalas at nahahamig ang mga tao na sumama sa laban ng pagpapalaya ng bansa.
Ito ngayon ang inaasahan ko sa CWTS 1 - kung ano ang maisip namin na proyekto ay hindi lamang sana sa pagtatapos ng requirement kung hindi dahil mayroon siyang pagganyak na talagang tulungan ang mga tao. Hindi lang ito isang “stop” at pagkatapos ay kalilimutan na ang sektor na kasama namin (in this case, marami sa aming mga plano ay patungkol sa mental health at UP community kasama mga manininda at jeepney drivers). Sana kung tunay nga namin gusto gawing mahalaga ang patitingin at pagpapabuti sa mental health ng mga sektor na ito ay magkaroon puspusan na makipag-ugnayan kasama sila at makiisa sa mga laban nila na siyang nagpapalubha sa kalagayan nila araw-araw. Ito ang hamon sa atin bilang mga estudyante ng Unibersidad at bilang parte ng bayan na may kasaysayan ng pakikibaka.