Binhi | Arthur Nery
— h. a. Cambel
Agaw pansin talaga ang magkahawak nating mga kamay tuwing maglalakad tayo sa kalsada, o kahit pa nakaupo lamang tayo at nag-aabang ng masasakyan.
Paano pa kapag pereho tayong babae?
Binabaybay natin ang daanan ng mga nagmamadaling studyante, at nagpupuyos na mga sasakyan, hawak mo ang kamay ko, araw ng Miyerkules. Pang walong buwan na kasi natin ngayong araw bilang mag-sinta, niyaya mo ako na magsimba.
Hindi ko naiintindihan kung bakit kahit na naka dungaw palagi sa atin ang mga mata ng mga matatandang may suot na belo, at mga dalagang suot ang mahahaba nilang blusa sa lugar na ito ay mas pinipili mo pa rin na dito tayo magsimba.
Ang sinasabi mo lamang sa akin tuwing tatanungin kita ay ang paulit-ulit mo ring tanong ng, "Ano bang alam nila?" Maski sa pagdukot mo ng barya sa bulsa para ipambayad ng kandila, hanggang sa maitirik natin ang mga ito, hindi mo kailanman binitiwan ang kanang kamay ko. Kahit pawisin ito, mas panatag ka, sabi mo.
"What are you thinking whenever you hold my hand?" Bigla mong naitanong sa akin matapos mong maitirik ang huling kandila.
"Ha?"
"You heard me."
Hindi ko alam ang isasagot sa'yo sa mga sandaling 'yon kaya hinawakan ko na lang muli ang kamay mo at naglakad na papasok sa simbahan. Napansin agad tayo ng papalabas nang mag-anak. Nakatingin sa mga kamay natin ang marahil bunso nilang anak. Ngigitian ko sana ang bata, pero inilayo rin agad ng nanay nito ang atensyon at sinabing ibibili niya ng cotton candy ang anak.
Sanay na ako sa ganito; sa mga taong hindi pa rin komportable sa posibilidad na babae ako, at babae rin ang iniibig ko. Sa mga taong mulat naman ang mga mata sa mga bagay na nangyayari sa mundo ngunit pinipilit pa rin na pumikit. Sa mga taong wala namang alam sa buhay mo, pero mas marami pang masasamang bagay ang lumalabas sa kanilang bibig.
Sino ba sa atin ang mali?
Mas maraming tao ngayon sa simbahan kumpara nung huling beses na punta natin. Bago pa makapasok ng tuluyan sa simbahan ay binitiwan ko ang kamay mo. Pagtataka ang naging reaksyon mo ngunit nagbago rin agad ito nang makita mong idinampi ko ng kaunti ang mga daliri ko sa holy water ng simbahan at saka nag antanda. Ginaya mo ako.
Ngumiti ako sa'yo at muling hinawakan ang kamay mo.
"Halika na?"
Naging hipokrito ako.
Lumipas ang limang taon...
Magkahawak na kamay. Nakangiting mga mata. Nagtatawanang mga labi. Papalabas ng simbahan.
Araw ng Miyerkules.
Kasama ang babaeng pinangakuan mo ng kasal.
Ganito kita muling nakita makalipas ang limang taon. Nakatingin lang ako sa iyo, at sa babaeng pinangakuan mo ng habang buhay, ng bagong babae na nais mo na ngayong makasama hanggang sa hinaharap. Babaeng hindi ako.
Nagtama ang mga mata natin, ngumiti ka hanggang sa bumaba ang mga mata ko sa magka-hawak niyong mga kamay. Ramdam ko ang higpit, ramdam ko na ayaw mo na siyang bitawan. Ramdam ko na kahit anong mangyari, hindi mo na siya pakakawalan. Ako dapat 'yon.
Euphoric.
I believe, the term to answer your question was Euphoric.
Ganon ang pakiramdam tuwing hawak ko ang kamay mo, hindi ko alam kung bakit natagalan ako sa pagsagot, kung bakit kita pinaghintay, kung bakit hindi ko na kinaya pa ang mga tingin nila, kung bakit kinailangan kong lumayo.
Ngayon, kahit paulit-ulit kong sagutin ang tanong mo alam kong hindi mo na 'to sa akin gustong marinig. Kahit na paulit-ulit kong subukan na sabihin sa'yo na mas handa na akong maglabas-masok sa simbahang ito kapit ang kamay mo ngayon, ay hindi na pwede.
Hindi na ako.
| 2020.08.14 h.






















