Bakit may mga...
Binigyan tayo ng Diyos ng utak para magkaroon ng kakayahang mag-isip at i-distinguish kung alin ang tama sa mali. Bakit kapag may isip hindi gamitin sa tama?
Bakit may mga taong hindi marunong makinig? Bakit may mga taong walang konsiderasyon? Bakit may mga taong hindi kayang intindihin ang nararamdaman at kasalukuyang nararanasan ng iba?
Bakit may nga taong sinabi nilang naranasan nila ang kahirapan pero hindi handang tumulong sa iba kapag nangangailangan? Bakit sinasabi nilang naranasan nila ang kahirapan pero walang kilos na ginagagawa? Hindi kaya naranasan lang nila pero hindi nila naintindihan?
Bakit may mga taong hindi marunong at matutuhan ang makuntento? Bakit ang sakim ng ibang tao? Gusto siya lang ang ganyan, siya lang ang ganito. Bakit may mga taong may crab-mentality? Ayaw malamangan ni ganyan at ni ganito.
Bakit ngayon ang ugat ng kasiyahan ay pera? Bakit inaakala ng mga tao nabibili ng pera? Bakit may mga taong handang i-give up ang lahat para sa pera? Bakit napapaikot ng lahat ang pera, napipikot ang buhay at ang pagkatao ng iba?
Bakit sa pulitiko katunggali ang turing sa taong gustong tumulong para mabago ang kinakalawang na sistema ng bansa? Bakit kapag ikaw ang nanalo at may proyekto ang kalaban mo sa pulitiko hindi mo na itutuloy? Kasi katunggali mo? E diba kung iisa naman ang layunin ninyo para sa bansa at sa mga mamamayan kahit ba proyekto 'yon ng kalaban mo itutuloy mo?
Bakit may mga taong simbahan pero masama pa rin ang ugali? Bakit may mga taong kahit araw-araw magsimba kapag lumabas ng simbahan nanghuhusga na kaagad? Bakit may mga taong nagtuturo na nga ng salita ng diyos pero walang awa? Bakit may mga taong wapang awa at walang konsiderasyon? E diba kahit araw-araw kang magsimba, humingi ng tawad sa Diyos kung hindi mo naman isinasapuso ang salita ng Diyos hindi mo pa rin sigurado kung sa langit ba ang tuloy mo.
BAKIT HINDI PATAS ANG MUNDO?
Akala mo ba walang digmaang nagaganap? Akala mo ba walang nais maghimagsik?
Hindi ka tanga, 'wag mong ipikit ang mga mata mo.
Ang mga tanong kong ito, hindi lang nagmula sa mga problemang kinakaharap ng pamilya ko ngayon. Siguro sa mga obserbasyon na rin dahil sa mga kaganapan sa lipunan, sa Pilipinas at sa buong mundo. Ang mga mata ng isang labing anim na taong gulang na babae ay unti-unti nang namumulat sa mata ng reyalidad.
Mayroong digmaan. Hindi mo ba naririnig ang putok ng baril at pagsabog ng bomba? Hindi mo ba naririnig?
Hindi mo ba nakikita ang mga walang armas na kababayan natin? Na nais lumaban ngunit unti-unting pumipikit ang mga mata dahil sa mga taong napapaniwala sila na wala silang kakayanan? Pumipikit ang nga mata dahil natatakot lumaban.
Hindi ba digmaan ang nagaganap sa tuwing may mga taong nagugutom? sa tuwing may nakikita kang mga taong natutulog at namamalimos sa kalsada hindi mo ba nakikita kung gaano kalaki ang digmaang nilalabanan nila? Sa araw araw na pagtatrabaho ng mga tao, hindi ba 'yon digmaan?
Bakit ang tagal ng mirakulo ng Diyos? Bakit ang tagal ng tamang panahon niya? Bakit nakakainip? Kailan ba 'yon dadating? Naghihirap na ang lahat. Napapagod na tayo.
Walang handang tumulong kasi nasa tuktok na sila. Hindi sila makatingin sa ibaba dahil nasa taas na sila.
Walang matinong kasagutan sa lahat ng tanong ko. Pero isa lang ang totoo, hindi tayo perpekto. At isa lang ang gusto ng Diyos, na matutunan natin na hindi lahat makukuha sa isang hingi. Nagpakahirap ka na? tumulong ka sa iba. Naingat mo na ang sarili mo, iangat mo ang iba.
Kayang alisin ng Diyos ang gutom, digmaan, sakit, ang lahat lahat. Kaya niyang gawin sa isang iglap. Pero gusto niya tayong matuto, gusto niyang malaman natin kung anong ginawa nating mali at kung paano masasagot ang problemang ito.
Diyos ang makapangyarihan na makakapagpabalik ng lahat sa dati. Pero tayo? Kaya nating simulan sa ating sarili para makita niya nakarapatdapat tayo sa mundong 'to.

















