BANGUS
Tuwing kakain kami sa hapagkainan, hindi maiiwasan ng aking ina na magkuwento tungkol sa kanyang nakaraan. Sa unang linya pa lamang ng kanyang kwento ay nabubuo na sa aking isipan ang imahe ng isang matangkad na batang babae na may maikli at kulot na buhok. Sa probinsya ng Pampanga nakatira ang aking ina kaya naman sa paligid ay napupuno ng mga matatayog na puno ng mangga at santol. Ang mga huni ng ibon ay bumabalot sa buong kapaligiran at ang tanging gumigising sa kanilang umaga ay ang malalakas na pagtilaok ng mga manok.
Simple lang ang kanilang buhay ngunit dahil malaki ang pamilya, kailangang mas kumayod ng aking lolo’t lola. Bata pa lamang ay namulat na ang aking ina sa kahirapan ng buhay kaya naman tumutulong siyang mapagaan ang trabaho at kahit papaano ay makadagdag sa kinikita ng aking lolo’t lola. Kasama ang isang kapatid ay mamimitas sila ng napakaraming mangga at santol para ibenta sa bayan. Nakatutuwang isipin dahil tandang tanda pa ng aking ina kung paano niya ibenta ang mga prutas sakay ng isang tribike. “Sali kayung mangga’t santol.” Iyan ang sinisigaw ng aking ina at tiya kada naglalako ng tinda na ang ibig sabihin ay “Bili kayong mangga at santol.” Singkwenta pesos ang kanilang kinikita kada araw kaya naman tuwing uuwi sila ay lubos ang pagkatuwa ng aking lola. Ang singkwenta pesos na iyon ay katumbas ng dalawang plastik ng tinapang bangus na ulam na nila para sa gabing iyon. Kung hindi tinatamad ay babalik pa sila at mamimitas pa ng maraming prutas para maibenta ulit sa bayan.
Isang gabi, nagdala ang aking Lolo ng isang malaking inihaw na bangus na kanilang paghahati-hatian para sa hapunan. Nilabas niya ito sa plastik, iniligay sa plato, at tinawag ang aking ina na bantayan ito sandali at baka dapuan ng langaw. Pagkatapos ng ilang minuto ay naisipan ng aking ina na kumuha ng mga plato at baso para ihanda na ang hapag ngunit pagbalik ay hindi inaasahang makita ang nasa itaas ng lamesa, isang pusang kumakain ng inihaw na bangus. Agad niyang tinawag ang aking Lolo at laking gulat niya nang makita na pinapipiyestahan na ng pusa ang biniling isda para sa pamilya. Hindi galit ang naramdaman ng aking lolo kundi panghihinayang sapagkat nasayang ang pagkaing ibinili niya para sa pamilya.
Ang pangyayari iyon ang nagsilbing inspirasyon sa aking ina upang magsumikap. Nakatatak sa isipan niya ang isang inihaw na bangus na kailangan pa nilang paghati-hatian upang sumakto sa kanilang lahat. Ang isang inihaw na bangus na ilang oras pinagtrabahuhan ng kanya ama para lang mabili ito at makain ng pamilya. Kaya naman heto kami ngayon, may sapat na pagkain para sa lahat at hindi na kailangan pang paghati-hatian. Hanga at patuloy na humahanga ako sa aking ina na hanggang ngayon ay inspirasyon ang mga pangyayari sa kanyang nakaraan. Hanga ako sa pag-iisip niya sa aming kapakanan na sanaý hindi namin maranasan pang magbabad sa araw makabenta lamang, na ang dahilan ng mga tumatagaktak na pawis sa noo ay hindi dahil sa pamimitas ng mga prutas kundi dahil sa paglalaro ng taya-tayaan at patintero. Hanga ako sa patuloy niyang pagsusumikap para lamang mabigyan kami ng maganda at maginhawang buhay. Hanga ako sa kung paano niya ipakita sa amin ang iba’t ibang reyalidad ng buhay, na hindi madaling kumita ng pera, na kailangan magsumikap upang makamit ang mga ninanais sa buhay. Nakamamanghang isipin dahil sa isang simpleng bangus ay dumami ang pangarap sa buhay ng aking ina na ngayon ay nasa kanyang mga palad na. Kaya naman ang mga kwentong iyon ay nakabaon hindi lamang sa aking isipan kundi pati na rin sa aking puso. Patuloy ko itong pahahalagahan at isasapuso sapagkat ang mga kwentong ito ang nagsisilbing bangus sa buhay ko. Ngayon napagtanto ko na kung bakit bangus ang paboritong pagkain ng aking ina.
— Chynna Arcigal // 6
















