Tap, Scroll, Type
Ting! Dali-dali kong hinanap ang aking iPhone upang makita ko ang bagong notification na aking natanggap. May dalwang nag-like at nag-comment sa bago kong Facebook status, mayroon ding nag-retweet sa aking “pagod na ako” tweet at may mga nag-message sa’kin sa messenger. Sa loob ng isang araw, ‘di ko mabibilang kung ilang beses kong binababa’t tinataas ang aking iPhone. Siguro, kung marunong lang magsalita ang iPhone ko, sisigawan na ako nito ng “A’a! Ako’y nahihilo na!” ‘Di ko naman mapigilan ang aking gawi sapagkat ang aking matalinong telepono ay isa sa mga instrumentong aking maaaring gamitin upang maka-akses ako sa Internet.
Sa bawat tap, scroll at type ng aking mga daliri sa iskrin ng aking iPhone, mapapagpalagay ng isang makakakita sa akin na ako’y maaaring naglalaro, nagpe-Facebook o panay post sa Twitter o Instagram. Hindi ko sila masisisi sa kanilang mga akala dahil kalimitang ito lamang ang karaniwang gawain ng mga milenyal sa kani-kanilang mga smartphone. Bilang isang estudyanteng madalas na may dala-dalang gawaing-eskwela sa balikat, pwedeng maging sagabal ang paggamit ng iPhone sa aking pag-aaral. Sa kalawakan ng Internet, dadalwa ang posible kong gawin habang ginagalugod ko ito: maaaring ako’y nagsisiyasat o kaya naman naglalakwatsa lamang. Nakadepende na ito sa gumagamit, at dahil lubos kong sinusulit ang matrikula sa De La Salle Lipa, inaayunan ko ng tamang oras ang paglalakwatsa’t pagsisiyasat. Dahil dito, hindi naging sagabal ang paggamit ng teknolohiya at Internet at ito’y lubusang nakakatulong pa.
Sa mga makabagong teknolohiya tulad ng iPhone, maaari nang maakses ang Internet sa simpleng tap, scroll at type sa iskrin. Hindi na kailangang maghintay pa sa matagalang pagbukas ng kompyuter o laptop. Kung may kailangang saliksikin, sa simpleng paggamit lang ng Google, ito’y makakamit na ka agad. Pwede ring mag-save ng iba’t ibang mga dokumento na maaaring mabuksan kahit hindi nakakonekta ang iPhone sa Internet. Higit sa lahat, magagamit ito upang magkaroon ng talakayang pang-akademiko sa pagitan ng mga mag-aaral o magkakaibigan. Kitang-kita ang mga naitutulong ng makabagong teknolohiya at ng Internet sa mga estudyanteng-milenyal tulad ko. Ang pinasala o pakinabang ng paggamit nito ay nakasalalay na lamang sa pag-tap, pag-scroll at pag-type ng mga gagamit nito.











