Apat na tissue paper ang nagamit ko. Baka mas malala kung kumuha pa ako ng panlima. May dala akong panyo, di ko lang basta hinayaang umagos ang luha ko, nakakahiya yon. Sige kuha ka lang ng tissue, Khristine, libre yan hindi kita sisingilin, biro pa niya. Mahilig siyang magbiro. Marami siyang tanong. Marami akong nasagot. Pero mas marami ang nanatili sa ilalim, nananatiling lihim, marami pa akong gustong sabihin. Naiinis ako, sabi niya, kumuha ng pamaypay at nagbakasakaling mapapakalma ako ng kaparehong hangin na dinadaluyan ng ilang pagbulong ng mga pangakong papatayin ko na ang sarili ko kinabukasan. Naiinis siya kasi ako ang naghihirap para sa kapabayaan ng iba, at naiinis ako dahil kailanman, hindi ko maihihiwalay ang sarili ko mula sa kanila. Naiinis ako dahil sa kabila ng hindi masukat na pagkamuhi at poot, mas matindi pa rin ang kakarampot na pagmamahal. Nakakainis ang magmahal. Nakakainis dahil kung anong kalakasan ang maibibigay nito sayo ay siya ring kahinaan na ayaw mo. May mga bagay, Khristine, na hindi natin hawak, wala tayong kontrol sa lahat, lagi nating isipin yon para hindi natin pinipilit na hagkan lahat ng nangyayari dahil sa huli, tayo rin ang masasaktan. Sinasaktan mo pa ba ang sarili mo, Khristine?
------------------------------------------------------------------------------
Mahaba ang katahimikan, tila humiwalay ako sa pisikal kong katawan nang itanong niya yon. Ano raw ang dahilan, gaano kadalas, kailan ang huli. Marami siyang tanong. Hindi ako makasagot. Naiinis ako. Apat na tissue paper lang ang nagamit ko at hindi sila sapat. Kailanman, hindi sila naging sapat.
















