May mga Sabadong biglang madarama mong
Wala atang nagmamahal sa’yo
At walang-wala ka ng ganang isipin
Kung sa mga araw na iyon,
Wala ka lang gustong gawin
O wala ka lang talagang magawa
Parang mga bida sa simula ng mga pelikula
Ng movie studio na kabisado na natin ang formula
Pero hindi parin tayo nadadala at iniiskor pa rin natin
Ng waluhan kada-CD sa mga suki nating pirata
Imposible ko na atang maintindihan
Kung paano sa totoong buhay,
May makakatiis ulit-ulitin,
Ang mga deklarasyon ng “walang hanggan”
Ng walang kahit konting pananawa
Ayokong mag-tunog kontrabida,
O yung kontra-bulateng extra
Na sumusulpot tuwing nasasaktan yung bida
Ilan na ba ang mga taong napagsabihan natin ng
O ang mas gasgas na, “sigurado ako”
Binato sa atin ang mga linyang iyon ng pabalik
Na walang kapoble-poblema sa timing
May mga Sabado lang talagang
Dalawang pelikula ang kaya mong panoorin ng sabay
Isa iyong nakasalang sa screen
Kasabay nung mga bagay na masakit lang sa ulo kung iisipin
Kagaya ng kung ano sa Filipino ang mga buton sa remote
Lalo na ang mga tatsulok na nakaturo sa kanan, sa kaliwa
Dahil matagal-tagal kang tutunganga
Hangga’t hindi mo naiintindihan ang kaibahan
Ng laktawan, at ng sundan
O ang pinagkaiba ng ibalik sa ulitin
Dahil sa mga sabadong katulad nito,
May mga eksena talagang tumatalon-talon
Kadalasan nga, sa maling panahon
Parang maliliit na gasgas sa plaka
At wala ring siguradong ending
Pero minsan, may mga Sabado ding
Kahit walang biglang pagbuhos ng ulan
At kahit walang kapit-bahay na kukulit sayong
Magbihis ng matino para mambulabog
Ng kasalan, o pag-alis sa paliparan
Magkakaroon ka ng lakas ng loob ipaglaban
Ang isang olats na tambalan
Na walang may pakialam kung magkakatuluyan
At walang papansin kahit maglaglagan
At sobrang kapal na kilay
Kasi minsan, may mga Sabado ding kahit walang
Soundtrack na instrumental, o birit na emosyonal
Eh mahahanap mo ang mga tamang salita
At masasabi mong wala kang pakialam,
Kahit na paglaki mo, walang ni isang nagsabi sa iyo
Na pwede kang pang leading man, o leading woman
Dahil ang mahalaga, kahit gaano ka-gaspang,
Ay handa ang iyong mga kamay magpahila
Kahit saan, at kahit kalian,
Kung may nagmamahal sa’yo