mas mahabang pasasalamat
Walang singko o bagsak na grade sa buhay.
Sa dami ng natutunan ko sa unibersidad, ito ang pinakatumatak sa akin. Mahuli ka man sa daan, okay lang yan. Di naman sinabing bawal na tayong huminga pag hindi tayo ga-graduate on time.
Hindi naman ito paramihan ng nakuhang mga uno o paunahan ng kung sinong aabot sa finish line; wala naman talagang dulo. Hindi lahat ng bagay na dapat nating malaman ay dapat maaral sa loob ng apat o higit pang mga taon lamang. Ang pag-alam ay walang katapusan.
Noong nakaraang taon, nagkalat ang mga litrato ng mga magsisipagtapos. Scroll, like. Scroll, like. Akala ko, okey lang ako. Masaya ako para sa kanila habang nakikita ko silang nagtatagumpay pero bigla kong naalala ang sarili ko. Anyare na, uy.
Doon ko napagtanto na kahit gaano pa tayo kahanda, kahit may dala pa tayong salbabida, malulunod pa rin tayo sa mga: pag-aalinlangan, kawalan ng tiwala sa sarili, pawis, luha, masasakit na mga salita, gabing walang tulog, papel, exam, at iba pa. Darating talaga yung oras na wala ka nang oras. Deadline na. Sinusundo ka na ni Kamatayan sa kapupuyat mong tila walang epekto sa gusto mong makamit. “Huli na ang lahat,” inisip ko yan, at dinugtungan ko na lang ng “pero gagawin ko ang aking makakaya para bumuti ang sitwasyon.” Hindi na ako nagsayang ng oras kahit parang umiiksi na ang listahan ng mga dahilan ko para umusad.
Sa loob ng isa pang taon, ang dami kong natutunan. Hindi ko na pinagsisihan o ikinakahiyang napa-ekstra pa ako. Nagkaroon ako ng oras para sa mga orgs ko, para alagaan si lola-mama ko, para tutukan yung thesis ko. Nagka-Diliman friends pa ako nung nag-cross-enroll ako. Natuto pa ako ng iba't ibang skills sa panahong iyon.
Sapat pala ako. Hindi ibig sabihin nito na nabawasan ako ng halaga kumpara sa iba. Karangalan na ang makapagtapos. Ang tunay na bakbakan sa realidad ay paparating pa lang.
—
Nagpapasalamat ako na nakaabot na ako rito, sa wakas. Ito’y dahil na rin sa ilang tumulong sa’kin:
Sa UP Manila, para sa lahat.
Sa aking mga propesor at mga naging guro mula pa noong elementarya, para sa pagtuturo sa amin na ang mga paghihirap namin sa eskwelahan ay may kabuluhan.
Sa UP MOrg, para sa pagiging pangalawang pamilya ko sa kolehiyo. Sa Innamorato, para sa pagpapatawa sa’kin tuwing Huwebes. Salamat sa pagiging mga kapatid ko.
Sa aking mga alagang pusa, lalo na kay Ten-ten, para sa laging pagsama sa’kin habang nagsusulat ako ng tesis nang mag-isa hanggang umaga.
Kay Bea, para sa pagiging pinakamatalik kong kaibigan. Di ka nila matatapatan.
Kay Jam, para sa walang humpay na pagpapangiti sa’kin tuwing masaklap ang mga araw ko. Magiging mga propesor din tayo balang-araw.
Sa aking bayolohikal na pamilya, sa aking ina, Cecilia, at ilan sa aking mga kapatid, Jen at May, para sa pangangamusta at pagbibigay ng suporta kahit malayo kayo sa’kin.
Sa aking pinakamamahal na adoptive parents, Mama Linda at Papa Ed, para sa pagtitiwala sa’kin kapag ako na mismo ang nawawalan ng tiwala sa sarili. Walang katumbas ang lahat ng mga sakripisyong ibinigay niyo para sa higit 20 na taong pag-aalaga niyo sa’kin. Mahal ko po kayong dalawa.
Sa Iyo, para sa pananatili kahit minsa’y kinuwe-kuwestyon ko ang Iyong eksistensiya. Naniniwala pa rin akong nandiyan Ka at nakikinig sa aking mga dasal.
—
Sa lahat ng aking nakilala, salamat.
Mas mahaba pa sana ang listahan pero sana’y malaman niyo na, nabanggit man o hindi, habambuhay at taus-puso akong nagpapasalamat sa inyong lahat para sa mga tulong at suportang ibinigay niyo sa’kin. Mahal ko kayo.
Ang sablay na ito ay katumbas ng marami pang ibang sablay ko sa buhay. Sa bawat pagbagsak ay pagbangon. Palayo man ang lipad, sa lupa pa rin dapat bumalik ang ating mga paa. Mahaba pa ang ating lalakbayin.
Kaya ikaw, huwag kang susuko, ah? Hehe
Sa lahat ng magsisipagtapos, mabuhay tayong lahat! Maging inspirasyon tayo’t magsilbi para sa ikauunlad ng ating mga sarili, at pati na rin sa bayan.
Padayon UP!
—
OBENA, ROSALIE ANNE C. 2012–11966 BA Philippine Arts Major in Arts Management & Cultural Heritage University of the Philippines – Manila














