Dagli
Ang Kasangga ng Mamamayan o Isang Bangungot?
Sa isang tahimik na barangay, umaga na ngunit tila hindi pa lumalabas ang araw sa mukha ni Mang Eddie. Hawak niya ang resibo ng ospital na halos katumbas ng tatlong buwan niyang kita bilang karpintero. “PhilHealth? Wala na raw sapat na pondo. Ano na ang laban namin?” bulong niya habang pinipigilan ang luha.
Sa balita, idineklara ng DOH na may natitirang P150 bilyon ang PhilHealth kahit walang subsidyong ilalaan para sa 2025. Ngunit, paano nga ba ito mararamdaman ng ordinaryong mamamayan? Sa tuwing dadalaw si Mang Eddie sa ospital, kailangan pa rin niyang magbayad ng malaki. “Hindi sapat ang PhilHealth para sagutin ang lahat,” madalas sabihin ng ospital.
Isang araw, nakita ni Mang Eddie ang kaibigan niyang si Aling Mila, tindera ng kakanin. Tulad niya, umaasa rin ito sa PhilHealth para sa gamot ng kanyang anak. “Wala na akong ibang magagawa kundi umutang,” sabi nito, nakatingin sa langit na tila humihingi ng milagro.
Kahit may natitirang bilyong pondo, tila hindi ito nararamdaman ng mga tulad nina Mang Eddie at Aling Mila. Ang tanong, para kanino nga ba talaga ang PhilHealth? Sa mga miyembro ba nito o sa kung sino-sino lang?
Sa bawat boses na humihingi ng tulong, umaasa ang bawat Pilipino na balang araw, hindi na magiging bangungot ang kalusugan. Ngunit sa kasalukuyan, ang pag-asa nila ay tila isang kahong walang laman.
-Rae Andrei Gravamen
-Ezekiel Cayabyab









