Ibon
Sa bawat araw na lumalampas; Humahampas; Lumilipas; Ang hirap pa ring unawain.
Sa bawat bagay, lugar, at pagkakataon, Ikaw, naroon Nananatiling muli; Pagala-gala sa munting isipang pilit ibinabaon
Nandito na ako; Ngunit ano ba ito? Nasaan ba ako, Kung hindi bihag ng mga yakap mo?
Ng mga halik mong Pumapasyal sa aking pagtulog; Hindi ko pa rin maunawaang Ako’y narito at ika’y nariyan
Diyaan Kung saan masaya, At dito Kung nasaan ang makata
Kung naririnig mo siya, Buksan ang iyong tenga Nang maunawaan Ang kalentong ng isip niya
Nang makilatis mo sa unang pagkakataon Mga bangkay na nais na niyang ibaon Sa limot, sa lupa Tulad ng nauna mo nang ginawa
Kung naransan mo nang tumingin sa salamin at magtaka, Magtanong, mayamot sa iyong nakita, Baka makita mo rin Ang kulay ng makata
Ngunit hindi na ako aasang, “baka sakali”, “malay mo”, at “teka lang” Kung ikaw rin ang pag uusapan, Tapos na ang usapan.
Bakit pa pipiliting maghukay sa lupang mababaw, Sa lupang damo lang ang tinubuan? Pilit dinidiligan, Na siya lang ang nakikinabang
Kung ikaw ay patatawarin, Ito kaya’y mapapansin? Kung ikaw ay patatawarin, Sana ako na’y magising
At humimbing ang pag gising Iisiping wala ka nang bakas sa aking pagtulog, Sa aking paghinga, Dahil ang lahat ng ikaw
Ay nakalipas na.














