Sa dami ng nangyayari ngayon sa mundo, (partikular na sa Pilipinas) hindi ko maiwasang sumagi sa isipan ko ang katanungang ito:
“Kung sakaling magwakas ang mundo, kuntento at masaya ka na ba sa mga nagawa mo sa buhay mo?”
At sa tuwing maiisip ko ang katanungang ito, napapahinto lang ako. Iisipin ko kung sapat na ba para sa akin yung mga nagawa ko nitong mga nangdaang araw, buwan at taon.
Hanggang sa makuha ko yung sagot -- isang malutong na “HINDI.”
Pero, ang hindi ko lang maintindihan, bakit kaya hindi ako nanghihinayang kahit hindi ako kuntento at masaya? Tanggap ko na ba na kung sakali mang matapos ang mundo, ‘eh wala na talaga akong magagawa? Marahil siguro nga. Tanggap ko na na hanggang dito na lang talaga ako. Wala na eh. Ganon siguro talaga. Ano pa nga bang saysay kung manghihinayang ka sa mga bagay na hindi mo na nagawa at magagawa pa?
Naalala ko yung nangyari sa amin ng mga katrabaho ko nitong nakaraang taon lang. Papunta na kami sa bahay ng isa sa mga katrabaho ko nung mga sandaling iyon. Galing kami sa isang ‘di kilalang beach sa Pangasinan at sa totoo lang, hindi kami natuwa. Bukod pa ‘ron, lasing yung drayber ng nasakyan naming traysikel kaya’t naaksidente kami sa daan. Sa sobrang bilis niyang magmaneho, muntik na kaming tumagilid nang baybayin namin ang isang palikong kalsada. Muntik na rin akong tumilapon sa daan, pati yung katabi ko sa likod ng drayber. Buti na lang at napakapit kami pareho sa bubong ng sinasakyan namin. Pero, naipit yung paa ng kasama kong babae na nasa loob ng traysikel kaya’t napasigaw siya sa sakit. Sa isang iglap, tumigil ang mundo ng buong pangkat. Huminto kami sa gitna ng isang ‘di pamilyar na lugar. Wala akong ibang nasabi nung mga sandaling ‘yon kundi, “Anyare, boss?” sabay kamot sa ulo habang sinusubukan kong iproseso sa aking utak ang lahat.
Umiyak yung kasama naming nasaktan. Natulala naman na yung iba. Humingi ng pasensya yung drayber sa ‘min at napahinto na rin yung mga kasunod naming traysikel na sakay yung iba. Nagsilabasan yung mga tao sa bayan kung saan kami napahinto. Makalipas ang ilang minuto ng pagtatalo, napagdesisyunan naming lahat na walang magpupunta sa barangay at tatapusin na lang ang biyahe. Nagpalit kami ng traysikel at hindi na kami nagbayad dun sa drayber na nakaaksidente.
Kinagabihan, matapos ang pangyayaring iyon, nag-usap usap kaming lahat. Napakwento yung katabi ko sa likod ng drayber at sinabi niya na nung mga sandaling napagtanto na niyang naaksidente na kami, natawa siya nang may halong panghihinayang. Sumagi kasi sa isip niya yung nangyayari sa mga palabas/pelikula kapag may mamamatay -- yung may magpa-flash back bigla at maaalala nung mamamatay yung magagandang nangyari sa buhay niya.
“Walang nag-flash back sa akin, man. Hindi ko alam kung bakit.”
Natawa kaming lahat. Sa kabilang banda, napaisip din ako. Nung mga sandaling ‘yon, ganung-ganon din kasi ang naramdaman ko.
Kaya’t bigla akong napabalik sa tanong ko nung umpisa, kung sakali mang nagwakas ang buhay ko nung araw na ‘yon, masasabi ko ba na nagawa kong maging kuntento at masaya?
Hanggang ngayon, paulit-ulit ko pa ring tinatanong ang sarili ko.
May mali ba sa akin? Hindi ko alam. Baka meron? Hindi pa ako sigurado.
Pero sana sa bandang huli, masagot ko na rin ang katanungang ito. Sino ba namang hindi gugustuhin na bago sila mamatay eh nakuha nilang maging masaya at kuntento?