Taib
Nabibighani ako sa galaw ng mga alon - papunta, pabalik. Malapit nang magtaib noong napansin ko ito at unti-unti kong napansin ang pagsuyo ng karagatan sa dalampasigan. Dahan-dahang lalapit ito sa pampang - nagpapakilala, ipapakitang pwedeng pagkatiwalaan hanggang sa tuluyan nang umakyat ang tubig at nasama na sa walang kasiguraduhan ang linalapitang pampang. Ganito tayo nagkakilala, ganito mo nakuha ang loob ko. Hanggang tuluyan akong nasakop.
Takot ang mga tao sa hindi nila alam, kaya palang takot akong maging masaya, kaya nang humatsing ako na may kasamang uhog, nagulat ako nang sinabi mong "Okay lang, tanggap pa rin kita. " Masarap pala sa pakiramdam na matanggap ng iba, kaya madali akong inalon.
Takot ang mga tao sa hindi nila alam, kaya kapag lumalangoy sila, hindi sila lumalayo sa pampang. Pagkatapos ng taib, lalayo na muli ang mga alon, muling masisilayan ng araw ang dalampasigan. Ganito tayo pinaglayo - bumalik na ang mga alon sa kanilang pinanggalingan, sa lugar na hindi pa nito napupuntahan. Iniwan ang lupang sinanay sa pagsasama sa iba. Siguro nagustuhan ko lang ang pakiramdam ng paglunod - ang mabuwal sa nasobrahan, kaya nalunod nang iniwan.
Takot ang mga tao sa hindi nila alam, at hindi ko alam kung kailan kong malalampasan ang kalungkutan. Ilang isla na ang namamagitan sa tubig at lupang dating pinagtagpo ng tadhana - ng kasiguraduhang siguradong hindi pa natutuklasan. Ang takot na hindi pwedeng (hindi kayang) takasan.
Takot ang mga tao sa hindi nila alam, kaya sila humihiling sa mga bulalakaw sa langit, kaya pinipilit ng karagatang sugpuin ang dalampasigan tuwing taib. Dahil gusto ng karagatang makapiling ang langit - ang mga bituing nasa pisngi ng iba. Wala itong pakialam kung masasalanta nito ang lupa.
Takot ang mga tao sa hindi nila alam, sa walang kasagutan, sa walang kasiguraduhan. Pero minsan ang takot ang mas nagpapalapit sa kanila sa panganib. Kaya takot ang dalampasigan sa kanyang tadhana. Dahil gusto lang naman nito ang maging masaya ang karagatan.










