Wala namang dapat sisihin.
Ang lahat ng tao ay binibigyan ng karapatang ipahayag ang sarili nilang opinyon. Totoo yon. Pero hindi lahat ng boses at hindi lahat ng kumento ay dapat na bigyan ng atensyon. Isinulat ko ito dahil nagiingay ang isip ko. At nasa harap mo ang kinalabasan.
.
Patuloy pa rin ang diskusyon patungkol sa kung sino man ang pinakamagaling na naging presidente dito sa Pilipinas. Kung sinong naging pinakamagaling na mamuno. Kung kanino tayo nakaranas ng pinakamaginhawang buhay. At ang bawat tao, iba-iba ng pananaw. Mayroong nagsasabing si Aquino. Mayroong nagsasabing si Marcos. O si Macapagal. O si Magsaysay. Eh ano ngayon?
.
Tapos na ang panahon ng pamumuno nila. Natapos na si Aquino. Tapos na si Marcos. Tapos na si Macapagal. At napaglingkuran na tayo ni Magsaysay. Hindi ko sinasabing wala silang nagawa. Dahil meron. At napakalaki ng kontribusyon nila sa kung ano ang narating ng bansa natin noon at kung nasaan man tayo ngayon.
.
Eh anong punto ko?
.
Ang kahalagahan ng kung sino ang naging pinakamagaling ay natatapos sa realidad na meron tayo ngayon. Hindi na natin maibabalik ang mga taong naging "pinakamagaling" pero kaya nating gumawa muli ng panibagong mapa. Panibagong mapa para manumbalik sa dating estado ang bansang tayo mismo ang bumibigo. Ang Pilipinas. May pag-asa pa. Ang tanong, may nakakakita ba? Pero mas malaking tanong siguro kung may gusto bang makakita?
.
Kailangan nating harapin ang sitwasyong kinasasangkutan nating lahat. Oo, maaaring may kasalanan din ang gobyernong namumuno sa atin sa kung ano mang nararanasan natin sa kasalukuyan. Marahil nga ay maraming tao ang nagpipikit mata sa bulok na sistema. At oo. Marahil bulok na ang sistema. Pero may kaya tayong gawin. Tayo. Bawat isang Pilipino. Marami sa atin ang maraming alam tungkol sa pulitika, kasaysayan, sibika at kultura sa ating bansa. Marami sa atin ang matalino, maraming alam ngunit nananahimik. At maraming walang alam ang nagiingay sa likod ng mga kumento. Kung marami tayong kayang ikomento at ireklamo, bakit hindi tayo gumawa ng paraan upang marinig ng tao ang opinyon natin? Bakit hindi natin turuan maging edukado ang mga taong hindi nakakaalam. Hindi ko sinasabing kailangan silang pag-aralin sa pormal na paaralan. Mahalaga yon. Pero hindi otomatikong kapag nakapag-aral, edukado.
.
Gusto ko lang sabihin na sumulat ako para magsimula ng ingay. Magsimula ng kalabit sa utak ng bawat isang makakabasa nito. Na samahan ako. Kung kaya nating magtago sa loob ng kumento, bakit hindi tayo lumabas at magturo. Hindi ako natatakot sa batikos ng mga kumento dahil hindi ko ito isinulat para sa kanila. Isinulat ko ito para sa mga taong bukas ang isip para gawin ang nararapat. Sa mga susunod na isusulat ko, marami pa siguro akong opinyon na ipapahayag. Ngunit sa ngayon, hanggang dito na lamang muna.










