Kung mayroon mang bagay na pinakaimportante sa mundo, ‘yun ay ang oras. Ang oras ang pundasyon sa pang araw-araw nating pakikipagkapwa tao at sibilisasyon kaya ganoon na lamang kahalaga para sa atin ang oras. Bawat tawa, laro, galaw, salita ay posible kung mayroon kang oras. Kung nasa mundo man ako ng pantasya, gusto ko magkaroon ng kapangyarihang manipulahin ang oras upang bumalik sa nakaraan kung saan nakabaon ang mga alaalang kay sarap balik-balikan, isa na riyan ang mga natatangi kong kaibigan. ‘Yung tipong kilos mo palang alam na nila, konting titigan lang nagkakaintindihan na at mga tawa mong tawa rin nila, sayang nga lang dahil ngayon hindi na kami magkakasama. Noon, kapag mayroong isa na may problema kanya-kanya kaming payo hanggang sa maiyak nalang ‘yung tao sa pakikinig ng mga payo naming halos pare-pareho. Pero ngayon, halos wala nang komunikasyon minsan na nga lang nag titipon-tipon. Noon, sabay-sabay kaming umaahon, umaangat at lumalaban mapa akademiko o sosyal na aspeto lalong-lao na kapag marka at dignidad na ang pinanghahawakan. Ngayon, may kanya-kanya na kaming daanang pinaglalakbayan ngunit gaano man kalayo ang kaibahan ng noon sa ngayon, merong bagay na magpapatunay sa relasyon naming magkakaibigan ‘yun ay ang mga oras ng aming pagsasama, sa madaling salita, mga natatanging alaala. Sabihin man nilang hindi aasenso ang mga taong bihag ng nakaraan sa tingin ko naman, minsan mas masarap pa rin itong balikan dahil sa mundong nabago, nagbabago at pabago-bago, tanging alaala nalang ang bagay na hindi kailanman magbabago dahil nakatatak ito sa damdamin at isipan ng mga tao. Kaya’t kung mayroon akong pagkakataong manipulahin ang takbo ng oras, gusto kong balikan ‘yung mga panahong nasa tabi ko ang mga kaibigan ko dahil para sa akin sila ang isa sa mga dahilan kung bakit ko pinapahalagahan ang mga oras ko sa mundong ito. Hindi ko man matitiyak na mananatili ang aming pagkakaibigan ng napakatagal pero alam ko, katumbas ng bilang ng mga segundo ang pagmamahal, pagaalaga at pagpapahalaga ko sa mga kaibigan ko.
Rrfam
�











