1 month.
Dubai, akalain mong isang buwan na pala tayong magkasama. Naalala ko pa rin yung araw na naisip kong mag abroad. Yung araw na pumunta ako sa agency dala ang mga pangarap hindi lang para sa sarili kundi para sa pamilya ko.
Hinding hindi ko makakalimutan yung mga araw na ‘yon.
Yung araw na sinulatan ko ang application form. Yung araw na tinawagan ako para sa interview. Yung araw na nakapasa ako sa interview. Yung araw na nagayos ako ng mga papers. Yung araw na hintay ko ang VISA. Yung araw na tinawagan ako para sa araw ng alis ko. Lalong lalo na yung reaksyon sa mukha ng magulang ko nung nalaman nila na makakaalis na ko. Naghalong saya at lungkot. Pero nangibababaw yung pagiging proud nila kasi nagawa ko.
Alam mo yung feeling na parang ang tagal tagal mong naghintay sa araw na ‘yon. Tapos nung finally, nandyan na siya. Masasabi mo nalang sa sarili mo na, wait. Teka. Parang bilis naman. Sa totoo lang, parang bigla kong natanong ang sarili ko kung handa na ba talaga ako. Kung kaya ko ba talaga. Kung tama ba yung desisyon na gagawin ko. Pero nandyan na siya sa harap mo. Wala nang atrasan. Kumbaga sa sugal, naibaba mo na ang baraha, wala nang bawian.
Dito.
Dito ko napatunayan kung gaano ako katatag at kapositibo sa buhay. Dito ko mas nakilala yung sarili ko at lahat ng mga kaya kong gawin. Dito ako mas naging malakas. Hindi madali, oo. Pero lahat, kinakaya. Hindi option ang sumuko. Hindi pwede ang mahina dito. Dahil sa kabila ng mga bagong tao at bagong kaibigan na makikilala mo, sa huli, wala kang ibang makakapitan kundi ang sarili mo. At syempre, si Lord.
Ang bilis lang lumipas ng panahon dito. Hindi ko nga namalayan na isang buwan na pala ang nakalipas. Kaya ikaw Dubai, may 23 months pa tayong pagsasamahan. At ako na ang nagsasabi sa 'yo, kayang kaya kita. Panis ka sa akin.














