"Hindi ka bituin..."
Ilang buwan ding pikit-mata, pilit na binusalan ang mga katagang gustong kumawala. Luha na tinago, nilunok at tinawa ng malakas hangga't ang gustong sabihin ay hindi na marinig at maalala. Mga salitang inipon, sinilid sa supot ng limot at nilibing sa lupang kinalkal ng mga kukong patay, pagod na kamay. Saka inalayan ng mga bulaklak na hindi man lang nagtagal sa hangin ang halimuyak, wala ng buhay. Bumuhos ang ulan ng di man lang nabasa ang aspaltong pinaglakaran pero ang nalunod ay ang mga pinaglumaang unan. Ilang umaga ang nagdaan, kung Huwebes o Lunes, hindi mo matandaan. Ang sigurado ay umaga na naman dahil sa sumisilip na liwanag at dahil hindi ka nakatulog kakaisip magdamag. Babangong pagod at mabigat ang katawan hindi dahil sa kabusugan sa mga kinaing kataga kundi dahil sa kalungkutan. Araw, linggo, buwan at taon ang binilang. Labis na dismaya ang nilabanan. Ilang pagkakataon pa ba ang papayagan mong masayang? Pinilit mong mag-umpisa, kahit hindi tuwid ang nilalakaran, kahit masakit ang mga paa, kahit uhaw at naliligaw, para lang mahanap ang sariling tingin mo'y nawawala. Naglakad, tumakbo, natisod, nadapa, tumayo. Hindi kailangang kumaripas ng takbo para marating ang dulo. Sumabay sa hangin pero sa malakas na ihip ay di nagpadaig. Naglakad. Nadapa. Tumayo. Hindi na madadapa. Malayo na ang iyong narating. Hindi mo maiwasang tumingin pabalik pero sa nakaraan ay hindi ka na sabik. Mga paang maputik, kinalyo ng katotohanan ay kusa nang tinatahak ang daan na hindi pagod at hindi na nasasaktan. Mga basang pisngi ay napalitan na ng ngiti sa dating tuyo, mahapdi at sugatang labi. Biglang naalala mo ang mga katagang huli mong sinulat sa pahina ng mga naglalagasang dahon mula sa punong tinanim mo ng nag-uumapaw na pagmamahal na akala mo'y walang katapusan, mga salitang dati'y puno ng pag-ibig na ngayon ay hindi mo na maramdaman hindi dahil sa sakit kundi dahil mas pinili mong hindi na ulit masaktan. Tahan na mga matang nilisan ng ningning. Hindi ka bituin na pinangakong susungkitin para lang kalauna'y mapako at sa ere mabitin. Nasa iyong mata ang nag-aalab na sinag ng araw at ng buwan, matutupok ng apoy ang nakaraan pero hindi ang iyong kariktan. Pagsapit ng bukang-liwayway ay hindi ka na iiyak muli. Hinding-hindi mo na kakailanganin ng kahati sa saya at pighati. Pangako, hindi mapapako. Dahil bukas o sa makalawa, maubos man ng mundo ang mga pinanghahawakang rason para tumawa, hindi ka mawawalan dahil ikaw lang sapat na. 🙂
















