Mga Teoryang Isinilang ng Pangungulila
Hindi ako naniniwala sa reinkarnasyon. Hindi ako naniniwala na kapag namatay ang isang tao ay maaari siyang bumalik bilang ibon, halaman, o pusang nakahiga sa bintanang tinatamaan ng araw tuwing hapon.
Hindi ako naniniwala sa mga ganoong bagay. Katulad ng hindi ko paniniwala sa parallel universe sa ideya na may isa pang mundong umiikot kung saan magkaiba ang naging desisyon natin, kung saan hindi tayo nagkahiwalay dahil lamang sa maling panahon at pagod na mga puso.
Ngunit nakapagtataka, no?
Kapag ikaw ang dahilan, ang dali kong talikuran lahat ng paniniwala ko.
Dahil kung totoo man ang reinkarnasyon, nais kong bumalik bilang isang pusa. Hindi dahil gusto kong magkaroon ng siyam na buhay, kundi dahil alam kong mahal mo sila. Alam kong sa bawat pusang lumalapit sa’yo ay may lambing kang hindi mo kayang ipagkait.
Gusto kong maging pusang pupulutin mo sa kalsada, iyong dadalhin sa bahay, papatulugin sa tabi mo habang umuulan.
Sa ganoong paraan, kahit minsan man lang, mararamdaman kong minahal mo ako nang walang pag aalinlangan.
At kung totoo man ang parallel universe, sana mayroon doong bersyon nating dalawa na hindi nasaktan ng pagkakataon.
Isang mundong hindi tayo naging “muntik.” Hindi naging “pwede sana.” Hindi naging kwentong tinapos bago pa man magsimula.
Baka sa mundong iyon hindi mo kinailangang piliin ang iba at hindi ko kinailangang matutong mabuhay na dala dala ang pagkawala mo.
Baka doon sabay tayong tumanda. Sabay nating pinanood ang paglipas ng gabi, habang ang mga pangarap natin ay hindi na kailangang ipagpaliban.
At kung kailangan kong maniwala sa mga bagay na walang siyentipikong patunay, sa mga kwentong hindi kayang ipaliwanag ng lohika, gagawin ko.
Dahil mas madaling maniwala na may ibang mundong naghihintay sa atin kaysa tanggapin na dito sa mundong ito hindi talaga naging tayo.
Paniniwalaan ko ang bawat alamat, bawat teorya, bawat imposibleng bagay kung ang kapalit naman nito ay ang pag asang makakasama kitang muli.
Kahit sa ibang buhay. Kahit sa ibang mundo. Kahit sa anyo ng isang pusang hihiga sa kandungan mo habang dahan dahan mong hinihimas ang kanyang balahibo.
Dahil kung may mundong hindi ikaw ang dahilan ng pagluha ko, at hindi ako ang dahilan kung bakit natuto kang lumayo
sana doon, sa wakas, matutunan nating mahalin ang isa’t isa nang hindi tayo nasisira.
Photo from: parallel universe and reincarnation animation - Search Images




















