July 16, 2026
May pakpak pala ang pera. Katatanggap ko pa lang ng sahod kahapon ngunit tila barya na lang ang natira. Alas-syete nang umaga, wala pa rin akong enerhiya na magsimula sa aking trabaho. Siguro, dala ng magkahalong pisikal at mental na pagod kaya ambigat sa pakiramdam netong umaga. Idagdag mo pa ang pagpapabakuna ng HPV at Flu noong Linggo na salik din kung bakit siguro ganito ang pakiramdam ko ngayon.
Habang binabaybay ko ang kalsada ng Barili-Toledo, may napagtanto lang ako habang pinagmamasdan ang matatayog na kabundukan; mga puno't kulay berde na samu't-sari, ang mga bakawan sa kahabaan ng Pinamungajan hanggang sa mga dambuhalang puno sa Balamban na pinutol para sa road-widening projects -- sa mga oras na yun, isang ideya na naman ang niluwal ng aking isipan. Kung gaano ako labis na natutuwa at pawang nalulunod sa emosyon sa tuwing pinagmamasdan ang bawat detalye ng kalikasan.. E kaya siguro ako emosyonal, dahil inaasam kong maging puno sa susunod na pagkabuhay. Gusto kong maging puno ng Balete sa mas partikular na rason.
Hindi ba't parang ansarap lang isipin na buong buhay mo, tumutubo at yumayabong ang iyong mga dahon at sanga kahit nasa iisang lugar ka lang? Yung tipong nakakapagpahinga ka, at sa parehong pagkakataon ay nakakagawa ka ng pagkain, nakakapagsustento ka sa sarili mo gamit lang ang araw. Ang masaya pa, sa ilalim ng mga lupa, may network kayo ng mga kalapit na puno kaya kahit papaano may komunikasyon at komunidad pa ring maituturing at hindi ka nag-iisa.
O siguro ang puno't dulo lang talaga ng entry ko na 'to ay dahil nalulumbay na naman ako. Dahil feeling ko magiging lonely ako sa mas matagal na oras at panahon.
Sa bagay, ito na ata ang esensya ng pagiging tao. Sa sobrang kumplikado ko mag-isip, natatakot ako na walang makakaintindi sa isang tulad ko; o baka walang mangangahas na kilalanin ako dahil nasobrahan ako sa mga ideya at nagkulang naman sa pagkalma sa kanyang nervous system hahahuhu















