Mahal, Mali ka. Hindi ko itinuring na sayang ang oras na binigay ko para sa'yo na sabi mo'y sana inilaan ko na lamang sa iba--na baka sa akin ay nakatadhana. Hindi ako nanghinayang sa pagmamahal na inilaan ko sa'yo. Alam kong minahal mo rin ako, hindi nga lamang kagaya ng inaasahan ko. Ano mang anyo ng pag-ibig ang ipinakita mo sa akin, salamat. Hindi ko itinuring na sayang ang ibinahagi ko sa iyong parte ng pagkatao ko; ang mga pangarap, ang mga lihim, takot. Masaya akong naibahagi ang buhay ko, masaya akong naibahagi ko ito sa'yo. Mali ka. Hindi kita nakalimutan. Hindi kita makakalimutan. Ang nararamdaman ko sa'yo ay maglalaho, pero hindi ang alaala ko sa'yo. Nalaman kong ang sagot ay hindi paglimot kundi pagtanggap. Pagtanggap sa katotohanang kahit gaano mo man kagusto ang isang bagay o tao, kung hindi ito para sa'yo, hindi mapupunta sa'yo. Pagtanggap sa katotohanang hindi man ikaw ang nakalaan sa akin, mayroong ibang darating. At kung magkaroon man ng pagkakataong maulit ang lahat sa buhay ko at makasalubong kitang muli sa paglalakbay, hindi ako iiwas o mag-iiba ng daan. Ngingiti akong muli sa iyo, magpapakilala, iibig. Mali ka. Hindi ako nagalit na hindi ako ang pinili mo. Hangad ko ang kaligayahan mo, kahit pa hindi ako ang dahilan nito. Hindi man kita nagawang ikulong sa aking mga bisig, magawa niya sanang yakapin ka ng buong-buo; kasama ang mga kakulangan, kagandahan, at takot na nasa iyo. Hindi ko man nahagkan ang iyong mukha, magawa niya sanang hagkan pati ang iyong kaluluwa. Sapagkat mahal, inibig kita hindi dahil sa iyong tikas, o sa ganda ng iyong mukha. Inibig ko ang higit pa sa mga pisikal na katangiang taglay mo. Inibig kita at ang iyong pag-iisip, ang iyong mga kakulangan, ang iyong mga sugat, ang iyong kahinaan, inibig ko ang lahat sa'yo. Mali ka. Hindi titigil ang mundo ko dahil pinili mong lumayo. Salamat sa pag-amin ng totoo. Makakarating ako sa kabilang dako, kahit hindi na ikaw hindi na ikaw ang kasama ko. Lilingunin ko ang yugtong ito ng buhay ko na nakilala kita at itinuring na mahalaga, dahil mali ka, hindi kita makakalimutan. Marami akong natutunan, maging masaya o masakit man ang dahilan. Babaunin ko kahit kailan. Paalam.









