Nakakamiss ang maging bata.
Nakakamiss maging bata.
Gigising tuwing umaga para paliguan ng iyong ama
o ng ina,
depende kung sinong trip mabasa nang ako ang kasama.
Patutulugin pagtapos magtanghalian
kung tutuusin ay uunahan pa akong tulugan
kung sino man ang tumatapik sa aking pwetan.
Nakakamiss ang maglaro.
Pagtapos kong magtulog-tulugan tuwing tanghali,
lalabas ako nang medyo tumitirik pa ang sinag ng araw.
Sasabak sa damuhan, putikan, o rambulan
Uuwi nang pagod at gutom, pero hindi kakagalitan.
Nakakamiss ang magkaproblema
Sa pagpili ng laruang ipagyayabang; o sa pagpili
kung anong palabas ang papanoorin:
sineskwela, mathinik o hirayang manawari;
problema pa ang pagkabisado ng liriko ng bawat palabas.
Isama pa ang pag-tanggal ng mga buhol bilang doktor kwak-kwak.
Pati pagkainip masintas lang ang bagong sapatos—
hindi para makitakbo at makiagaw sa kung sinong liligawan.
Kundi makitakbo at makiagaw sa nag iisang duyan.
Nakakamiss ang magwaldas ng pera
sa ice tubig, play money o sa pogs pati ang plastic balloons
pinupuno ng laway para cool.
Hindi pa cellphone ginagamit ko kapag teks ang usapan;
yabangan pa sa pagbili ng rare cards - sa pokemon man yan,
dragon ball z, sailormoon, digimon o fushigi yuugi.
Ahh, nakakamiss manood ng anime
kung hindi umaga, tanghali yon o tuwing gabi.
Imbis na agawan ng asawa o palitan ng anak,
kapangyarihan ni majinbu ang nakakaiyak
o ang pag iibigang miyaka at tamahome
wala akong excuse sa panood ganoong anime.
First anime crush ko kasi ay si nuriko
na siguradong sa kasarian niya ay hindi lang ako ang naloko.”
Nakakamiss ang gumalaw.
Makipag away kung nakatapak ba ako
sa langit o sa lupa. Makipag tulakan
para alamin ang katotohanan sa misteryo at dilim ng abandonadong bahay sa kapit bahay.
Ang tumakbo palayo sa asong tumatahol, o pag-akyat ng puno
pagkain ng aratilis, dulo ng santan pati ostyang pula.
Amen.
At syempre hindi ko makakalimutan
kung paano perpektuhin ang kame hame wave;
o ipataas kay nanay ang buhok ko. Alam mo na,
kailangan ako ng mundo kaya kailangan mag super saiyan.
Nandoon din ang pagkakataong nagkadabuhol buhol ang kamay
para palabasin ang mahiwagang si Zenki!
Teka, kilala mo pa ba siya?
Nakakamiss maglaro ng barbie.
Natigil siya. Nanlaki ang mata.
“Sandali, nasabi ko bang maglaro ng barbie?
Sa ate ko yun. Oo, sa ate ko.
Ngunit syempre, sa bandang gilid,
may sisigaw:”
“ONLY CHILD KA UGOK!”
“Ayun!
Bisto.
Anong masama sa paglalaro ng Barbie; sa pagsuklay
sa mahaba nitong buhok na blondie. O kahit sa pagdadamit
sa kanila ng maliit na tela. Kung bata ako
at si Ken naman ang ginagalaw ko.”
“Anong masama sa pag aya sa akin ng mga pinsan ko, maging customer
sa salon nila o sumali sa cooking show. Kung bata lang ako
Gusto lang maglaro. Hindi pa iniinda ang iniisip ng iba.
Nakakamiss ang araw-araw dahil lunes,
Kotse at truck ang hawak ko. May speed racer pa.
Ang pinapaandar tuwing martes ay bahay-bahayan namin.
Masaya ang miyerkules pag naka-shoot ng bola sa ring.
Tawanan naman sa huwebes
sa paggiling pakaliwa at pakanan
Pero tuwing sasapit ang biyernes ang paborito ko:
Biyernes ang araw kung kailan ako ang boss.
Lahat susunod sa pagsigaw ko; bilang ako ang kapitan
ng sundalong sandatahan. Kailangan puksain
ang mga higanteng ipis sa kabilang bayan.”
“Nakakamiss ang maging bata,
hindi pinapagalitan ang pagsulat at pagguhit sa pader.
Medyo proud pa nga sila at sasabihing "keep it up, artisan brother.”
Walang kahirap hirap sagutin ang first time itanong:
“Ano ang gusto mo paglaki?” engineer, doktor, astronaut, teacher o artista
minsan sinasabi ko ring “yumaman”, syempre
gusto kong makatulong sa nangangailangan.
Lalo na’t ako'y isang bayani na pupuksa sa mga masasama;
ikaw ba naman matuto ng ray gun noong ikaw ay bata.
Nakakamiss ang maging bata
Na kakayanin sabihin ang katotohanan ano man ang kahihinatnan.
Napaka totoo sa sarili na maskara ay hindi na kailangan.
Kung malungkot, iiyak. Kung masaya, tatawa.
Hindi nalilito sa kung anong gusto o kung anong ayaw.
At imibis na responsibilidad, aswang lang ang kinakatakutan
Hindi magkandaugaga tuwing pasko sa kung anong uunahing buksan na regalo
Ang tanging winawasak ay ang legong hinagis,
kaysa ngayon na mga pusong laruan kung iwangis.
Kanan at kaliwa lang ang direksyong kinaliligaw, hindi drugs
o alak dahil basted sa panliligaw.“
"Nakakamiss ang maging bata
Ang buhay ay simple lang.
Nakakamiss ang maging bata.
Ang iniisip ay magaan lang.
Nakakamiss ang maging bata
Ang reyalidad ay masaya lang.”
“Nakakamiss ang maging bata
dahil noong musmos pa,
ang pagkatao ko—
Buo pa.“