Umuulan at madilim. Malamig dapat pero mainit ang aking nararamdaman. Sumisingaw ang init ng lupa dahil sa pagbuhos ng ulan. Maalimaong. Makapal rin ang hangin na aking hinihinga. Kung tutuusin maari naman na akong makasakay pauwi pero pinili kong hindi dahil kuripot ako at nais kong mas makatipid ng pera para magamit sa mas makabuluhang bagay.
Puti at malinis ang aking paa at tsinelas noong ako’y umalis sa bahay pero sa bawat hakbang na ginawa ko sa mahabang kalye Juan Luna magmula sa Simbahan ng Binondo pabaybay sa Divisoria ay tila baga nadadagdagan ng putik ang aking malinis na paa at binti.
Sa paglalakad sa Divisoria, makikita mo lahat ng klase ng tao mula sa lahat ng klase at antas ng pamumuhay. Merong nagtutulak ng kariton na may lamang prutas at gulay na ibebenta sa mga taong dumadaan dahil nga kilala ang Divisoria bilang isa sa pinakaabalang pamilihan sa buong ka-Maynilaan. Habang tinutulak ni kuya ang kanyang kariton ay tumatagatak din ang pawis niya at humihinto siya panandalian para punasan ito ng twalyang nakasabit sa leeg niya. Puti yung twalya niya pero nangungutim na dahil na rin siguro sa dumi ng polusyon na kumakapit sa kanyang katawang pinupunasan.
Kung may nagtitinda, meron ding namimili. Maraming klase ang mamimili sa Divisoria. Nandiyan yung nanggaling pa sa malalayong lugar at pumupunta pa rito para mamakyaw kasi mas mura nga ang presyuhan dito kung ikukumpara sa ibang pamilihan dahil nandirito halos ang lahat ng bagsakan. Merong ditong mga namimili dahil dito lang nila maaafford ang mga bilihin. Meron namang mayayamang dito pa rin pinipili mamili dahil mas nakakatipid sila at yung konting natitipid nila ay nadadagdag sa kanila at ikinayayaman pa nila. Paramihan ng dala dalahan ang mga tao sa Divisoria lalo na kung kabi kabila ang mga sale at bagsak presyo.
Sa dami ng tao, hindi rin mawawala ang mga walking tambutso o yung mga buga nang buga ng usok. At alam ng lahat nag alit na galit ako sa mga naninigarilyo sa daan di lang dahil hinihika ako kundi dahil nakakasira sila sa kapaligiran. Ilang buga rin ang kinailangan kong lampasan para makalagpas sa kanila at makausad sa paglakad ko sa kalsada.
Matapos akong makalusot sa dagat ng mga mamimili, mayroon namang dalawang bata akong nakita. Hindi tataas ng sampu ang edad ng dalawa. Umaga ako dumaan at hindi mali na iassume ko na dapat nasa eskwelahan sila. Hindi sila naglalaro nung dumaan ako. Meron silang dala dalahan. Mga batang kargador. Mga batang sana ay nagaaral para sa ihanda sila sa kinabukasan nila. Lumakas muli ang buhos ng ulan at matapos nilang madala ang kanilang bitbitin sa tindahang kanilang dadalhan ay naglaro sila sa ulanan. Tumampisaw, nagbasaan ng tubig. Alam ko sa kaibuturan ng kalooban nila ay nais nilang makapagaral, sino bang may ayaw? Ngunit sa mga sandaling yun ay tunay at inosente ang kanilang mga ngiti. At nakita kong masaya sila.
Bawat ngiti at tampisaw nila ay tumatawa sila. Humihiyaw sa saya. Hindi ko alam kung pano ko ibabahagi yung saya nila sa mga oras na yun. Na kahit wala sila sa eskwelahan, na kahit alam kong may kulang sa mga buhay nila ay nakukuha nilang mag enjoy, tumawa at ngumiti. Yan ang sayang dala ng ulan sa mga batang tulad nila.
Nagpatuloy ang paglakad ko at hindi ako tumitigil pero kinailangan ko dahil siksikan ang mga sasakyan na naguunahan makalabas sa putikan sa Divisoria. Napatigil ako sa may istasyon ng bumbero na malapit sa lagusan na patungo sa dating nasunog na Divisoria Mall at kung sa kabila naman ay papunta sa 168. Sa lugar na kinatatayuan ko ay nandun yung mga nagtitinda ng aso. Saktong umuulan ay nakita kong pinaliliguan nila ang mga tuta. May kulungan dun na hindi lalaki sa 12” by 18”. Pano ko nalaman? Pasimple kong sinukat at tinapatan ng ruler. Sa isang kulungan ay hindi bababa sa anim na aso ang nakalagay. Basa pa ang balahibo ng isang tutang ipinasok sa kulungan at nanginginig pa ito sa lamig. Habang ang isa naman ay sinasabon ng sabong panlaba ng babaeng nagtitinda. Inisip ko kung pano niya babanlawan ang tutang hawak niya sa isang kamay. At sa oras ding yun ay nasagot ang tanong ko. Isang balde ng tubig na dating lalagyan pa ng pintura, dun niya nilublob yung tuta. Hindi maipaliwanag yung nararamdaman kong pagkadurog ng puso sa mga sandaling yun. Hindi ko alam kung meron akong dapat gawin o kung meron akong pwedeng gawin dahil sa isang salita lang ng isang taong taga roon ay maaari na kong pagtulungan. Bagaman nasaktan ako sa nakita ko, tumuloy ako sa paglalakad.
Ngunit sinagip ng isang gumagalang aso ang nadudurog kong puso. Bumili ako ng tinapay sa naglalako at mula nun ay sinundan na ko nung sinasabi kong asong gala. Malusog yung aso kung titignan, kulay puti at kayumanggi ang balahibo niya. At nakangiti siya saken na para bang kung nakakapagsalita lang siya ay hiningi na niya yung tinapay na kakainin ko habang naglalakad ako. Tumigil ako panandalian. Naupo sa sidewalk at tuloy pa rin niya kong sinundan. Hinati ko yung tinapay sa gitna at inilapag ko sa daan yung kalahati at pinulot niya ito. Nakangiti pa rin siya saken at tumahol ng dalawang beses. Thank you daw. Umupo rin siya habang kinakain niya yung tinapay. Nakakatuwa kasi kahit aso naiintindihan ka at nakakausap mo. Ibang klase.
Sa patuloy kong pagbaybay sa mahabang kalye Juan Luna ay iba’t ibang tinda ang aking nakita. Kahit araw araw na halos akong nadadaan dun, wala pa ring bago ang karisma ng mga tinitinda sa aking mga mata. Nahuhumaling pa rin ako. Idagdag mo pa ang mga tindero at tinderang sisigaw na “Sampung piso, sampung piso, sampung piso lang lahat yan hanggang sa dulo!” Paulit ulit. Inilagay na nga sa tape ng iba para ipeplay na lang nila eh. Lahat ng tinda nasa Divisoria. Lahat ng pwede mong hanapin ay nandoon. Minsan nga, hindi mo pa naiisip, nandun na. Dito nagsimula ang pagkaloko ng mga tao sa loom bands, iskrambol, buko shake at kung ano ano pa. Bago pa man mauso ay tinitinda na dito. Nandito rin yung mga hindi nawawala sa uso tulad ng mga piniratang DVD at mga tigkikinseng pangkulay na buhok na bubulok sa buhok mo.
Hindi pa rin nawawala ang mga taong ibebenta ang mga sarili nila sayo at hihingi ng awa kapalit ng ilang piraso ng barya mula sayo. Gaya ng mga batang Badjao na sumasampa sa jeep para kantahan ang mga tao o punasan ang kanilang mga sapatos kapalit ng kaunting baryang makukuha nila. Madalang akong magbigay ng limos sa mga bata dahil may sapat pa silang lakas upang mag aral at magtrabaho. Gusto ko silang mapwersa at mapilit mag aral dahil eto lang ang makakapagahon sa kanila sa kahirapang kinasasadlakan nila. Kung maaalala natin ay meron akong nakilalang bata sa Intramuros na makailang ulit kong nakita, nakausap at nakasamang kumain, si Menggay. Kitang kita ko sa mga mata niya yung kagustuhan niyang magaral, hindi lang dahil sinasabi niya para kumuha ng simpatya mula sa akin. Kung lahat ng bata ay katulad ni Menggay na nais talaga ang makapag aral para makaahon sa kahirapan, naniniwala ako na may pag asa pa para sa Pilipinas.
Meron din namang mga namamalimos na kaya nila ginagawa yun ay dahil wala na talaga silang ibang magagawa kung hindi mamalimos na lamang. Mga matatandang babae na walang ibang pwedeng pagkakitaan dahil mahina na ang kanilang katawan. Sa ganitong mga pagkakataon ay muli at paulit ulit na nadudurog ang puso ko dahil ang tulong na maibibigay ko ay panandalian lamang at alam kong hindi tatagal. Habang naglalakad ako sa tapat ng isang restawran kanina ay may sumalubong saking matandang babae. Maluluwag ang mga damit niya at madungis ang mukha niya. Nakabalumbon sa ulo niya ang isang tela na para bagang proteksyon niya sa rumaragasang ulan. May hawak siyang paper cup na pinaglalagyan niya ng mga pinaglimusan niya pero wala itong laman. Walang isip isip ay kinuha ko lahat ng barya na natitira sa bulsa ko at inilagay yun sa kanya. Yun yung ipinamasahe ko sana pero naglakad ako. Kapag ganun ang sitwasyon walang pagaatubili akong magbibigay, kahit araw araw pa. Lalo na kung alam kong maaaring eto na yung huling pagkakataon na makita ko siya.
Hindi ako tumigil sa paglalakad ngunit sinundan ko siya sandali. Patuloy siyang namamalimos. Una siyang lumapit sa isang madre ngunit nginitian lamang siya nito. Aaminin ko nagulat ako sa hindi ko inaasahan. Buong pagaakala ko ay babahagian siya nito ng kahit kaunti pero hindi. Sumunod siyang lumapit sa isang mamang mukhang sanggano. Tumigil ang mama para magisip, at matapos ang ilang sandal ay humugot ng kaunting barya si kuya at iniabot sa matandang babae. Sinundan ko siya hanggang sa makita ko siyang bumili ng makakain niya. Nalulungkot ako kasi wala na kong perang dala dahil kabibili ko lang ng mga board na gagamitin ko. Wala man lang akong nagawa.
Masarap sa pakiramdam tumulong sa kapwa. Kahit wala kang mapapala sa kanila. Ayun yung measure ng kabutihan para saken, yung kung ano ang magagawa mo sa isang taong walang magagawa para sayo. Para kang lumulutang sa saya matapos mong makakita ng ngiti na genuine at totoo galling sa isang taong hindi mo kakilala.
Tuluy tuloy ang paglalakad ko, mga kargador ang nakakasalubong ko. Oras ng bagsakan. Amoy na amoy ko ang tinitinapang mga isda ngunit hindi ko nakikita. Ang nakikita ko ay ang mga nakalatag na cellphone na binebenta ng mas mura dahil galling sa nakaw. Mga sapatos na ibinibenta ng sapatero at mga alahas na binebenta ng mga alahera dahil mga hindi na natubos sa kanila. Tuluy tuloy ang paglakad ko hanggang makalabas ako sa Divisoria patungo sa kalsada ng ligaya. Tirik pa ang araw pero nakaligid na ang mga bugaw na nagaabang sa labas ng mga motel na nakabukana sa Moriones. Nakakahiya dahil wala pang dalawampung metro ang layo ng mga ito sa Simbahan ng Tundo at sa kapilya ng Iglesia ni Cristo.
Hindi tumigil ang paglakad ko kahit may hika ako. Natapos na ang ulan. Pinagpag ko na ang payong kong basa sa ulan, pinunasan ko na ang paa at binti kong naligo yata sa putik, at inayos ko na ang aking itsurang kanina pa nakakunot. Tumingala ako para makita ang araw. Bughaw at luntian. Puti at liwanag. Asul na asul na muli ang kalangitan. Lumago na ang mga halamang kanina ay nalalanta na. Maliwanag at mainit na. Ramdam ko na ang araw na tumatama sa aking balat. Huminga ako na parang wala akong hikang iniinda. Kung makikita moa ng mundo mula sa aking mga mata, maiintindihan mo kung bakit ganito ang pagkatao ko at makakaramdam ka ng ginhawa sa pakiramdam at pagasa. Aha, may pag-asa pa pala. May bukas pa.